top of page
Search

ALTERNARAP: Ang Peace Treaty ng Hari ng Metal at Prinsipe ng Rap

  • Writer: Jack Maico
    Jack Maico
  • 14 hours ago
  • 9 min read

Nasaksihan mo ba noon ang hidwaan sa pagitan ng mga metal at hip-hoppers?
Nasaksihan mo ba noon ang hidwaan sa pagitan ng mga metal at hip-hoppers?

Noong magtapos ako ng hayskul, labing anim na taong gulang, binansagan ako ng aking mga classmate na "Most Rock Fanatic". Sa totoo lang at hindi sa pagmamayabang, para akong si Ernie Baron ng nakaraan at Kuya Kim ng kasalukuyan dahil ituturing akong isang "walking rock music encyclopedia" na nakakaalam ng mga kasagutan sa kung ano ang bago at kung ano ang meron sa rock music scene. Lagi kasi ako nakatutok noon tuwing Linggo, limang taon bago matapos ang dekada nobenta. Taong 1995 ang kasikatan ng lahat ng mga banda sa Pilipinas, mapa-underground man o mainstream. Lagi akong nakikinig sa dalawang istasyon lamang ang "The Home of NU Rock" ng NU 107 at ang "Rock of the World" ng LA 105.9. Mula umaga ng Linggo hanggang dapit-hapon ay nakatutok ako sa mga istasyong ito at nakikinig ng Z-Rock 50 countdown ng NU at LA 109.5 Top 50 Countdown. Ang kaibahan ng dalawa ang NU 107 ay kadalasang mga foreign rock bands ang ipinatutugtog sa ere habang sa kabilang istasyon ng LA 105 ay panay Pinoy underground bands naman ang iniere, at talaga nga naman na hahanga ka rin sa tugtugan nila kahit hindi sila ganoon pa kakilala. Uso pa noon ang mga bar kung saan ginaganap ang mga rock sessions kagaya ng Mayrics, Club Dredd, Freedom Bar, Kalye at 70's bistro. The 90s was a golden age for live music in Manila. Ito yung mga stepping stone ng mga bandang gustong sumikat. Sa totoo lang, maraming bandang magagaling at magaganda ang tugtugan ang hindi nakilala dahil sa paglipas ng panahon nag-iiba ang trip ng tao. Kagaya ng trip ng bagong kabataan ngayon - Kpop 🤮


Pero ang hindi talaga nila alam bago ko pa nagustuhan ang mga ganitong rakrakan na musika una kong kinahiligan ang mga mga kantahan at genre ni MC Hammer at Vanilla Ice. Oo, ako ay naging isang hip-hopper na gustong matutunan ang lahat ng liriko ng bagong rap song at umindayog sa mga latest dance groove. 'Yun nga lang, 'di ako natuto kahit isa. Kahit pa bumili ako ng napakaraming songhits nuon hindi ko talaga masabayan ang lyrics sa bilis ng pag-rarap at masama pa napapa tongue twister pa ko. Kaya sabi ko ay puta, tama na at niloloko ko lang ang sarili ko. Mukhang hindi talaga ako bagay sa genre na ito.


Noong ako ay nasa Grade 5 hanggang 6, sila Francis M., Andrew E., at Michael V ang mga iniidolo ko sa larangan ng musika. Ang sarap sa tenga ng mga naughty songs ni Andrew Espiritu na laking Dongalo, Paranaque kung saan eto na ata ang naging hip-hop kapital ng Pilipinas. Yung mga kantahang "Andrew Ford Medina", "Alabang Girls", "Manchichiritchit", at yung pinaka nakilala siya ay sa kantang "Humanap ka ng Panget" na kinontra naman ng kanta ni Michael V na "Maganda ang Piliin". Hindi ko rin makakalimutan yung mga kantahan ni Michael V na may halong mga komedya sa lyrics kagaya ng "Eksena sa Jeepney", "Sinaktan mo ang Puso ko" at "Hindi ako Bakla". Pero wala ng da dabest pa kay Francis "Kiko" Magalona nakilala bilang "The Master Rapper", "The Mouth" and "The Man from Manila". Isang malaking kawalan sa industriya nuong siya ay namatay sa leukemia noong Marso 6, 2009. Kung gusto mo makinig ng mga kantahang maka Pilipino o yung tinatawag na "Filipino patriotic songs" na pinaghalong tema ang rap at rock you should listen to Francis M. Hindi mabilang ang mga napasikat niyang kanta. Pero sa mga kantang "Mga Kababayan", "The Man From Manila", "Kabataan Para sa Kinabukasan", "Cold Summer Nights", "Girl Be Mine" at Kaleidoscope World" dito talaga umusbong ang kanyang kasikatan. Isa sa mga idolo ko ito pagdatig sa genre ng pinagsamang rap at rakrakan.


At nasa listahan ko rin naman ang mga sumikat na undergrouund group rappers katulad ng Masta Plann na pinasikat ang kantang "Bring that Booty Over Here", "Sally (that girl)" at "Fix da World up". Kung hardcore rap naman, nariyan ang Death Threat, kung ugali mong magmura sa kanta at liriko, represent Death Threat! Yung mga kantahang "Ilibing ng Buhay ang mga Sosyal", "Gusto kong Bumaet (pero di ko magawa)" at "24 Oras". Naaalala ko pa ang kaklase kong si Jhigz Diego na hiphoppers din nuon pero nag switch sa metal genre. Tanda ko noon na nag road trip kasmi kasama ang tropa, dumadagundong ang sounds sa kotse niya habang pinapatugtog namin ang "Ilibing ng Buhay ang mga sosyal" ng Death Threat sa kalye ng Makati. Di rin mawawala sa playlist ko ang Legit Misfitz na nagpasikat sa kantang "Jabongga" at "Air Tsinelas." At go with the flow ako sa kantahang Urban Flow with their song chikitikita Miss "Miss Pakipot".


Lahat ng mga kanta na 'to inaabangan ko palagi sa 89.1 DMZ (Dance Music Zone) 'yung remix ng mga hit songs para irecord sa blank tape. Ito yung karaniwan ngayon na tawag na "jeepney songs" yung lalagyan lang ng slow beat kahit ang pinakikinggan mo ay kantahang Air Supply. Tuwang-tuwa mga klasmeyts at adviser namin sa klase sa mga panahong yun. Sino ba naman ang hindi matutuwa sa mga rappers noong mga panahong yun? Ang sagot, marami rin pala. Ang saya lalo na nung Intrams lalo na kapag basketball na talagang napapaindak at gumagaling maglaro ang makapakinig ng "Air Tsinelas." Ang porma din kasi ng lyrics!


Noong dekada nobenta, habang ang ibang bata ay abala sa pagtetext gamit ang 3310 o panonood ng Takeshi’s Castle, kami namang mga batang kalye ay nakasiksik sa jeep, hawak ang Walkman or Pocket radio, at nakatutok sa LA 105.9 — ang tambayan ng mga tunog na hindi mo maririnig sa AM o sa radyo ng nanay mo. Dito, unang bumangga ang rap at metal, pero sa halip na magkasapakan, nagka-peace treaty sila — sa pamamagitan ng Alternative Rap.


Dati sa hindi malamang dahilan, nagkakaroon ng hidwaan ang mga taong metal at mga tambay na rapper sa kanto ng Smith st sa Maynila. Ito ay dahil lamang sa hindi nila pagkakagusto sa tema ng kanilang porma at pinakikinggan. Nagkakaroon ng asaran sa porma o di kaya ay aasarin ng hiphop ang metal na may putok dahil sa porma nitong rakista, laging nakaitim mula ulo hanggang paa, naka shades na itim at naka bota, itim ang labi at hindi nagsusuklay na may matigas na mahabang buhok na tila hindi nagshahampoo. Ganun din naman ang banat ng metal sa hiphop na mukha ring mabaho at amoy kupal. Low-waist gang na parang naka-diaper na may tae dahil sa sobrang lawlaw at loose na pantalon, ang mukhang tangang porma na naka sports headband pero nakatambay lang, mga nakakwintas na gold pero alam mo namang peke, mga feelingerong mayaman sa mga suot na gold chains, singsing, bracelet pero isang kahig-isang tuka hahahaha. Ganyan ang asaran noon brutal kung brutal kaya minsan umaabot sa sapakan, tadyakan hanggang sa maging rambulan.

Giniling Festival - Hari ng Metal

Akala natin dati, ang rap at metal ay parang tubig at mantika — hindi puwedeng pagsamahin. Pero nagkamali tayo. Sa LA 105.9, may mga bandang tumawid sa genre border nang walang passport:


Erectus - sila ang tinaguriang Ambassadors of Rap metal. Isa sa pinakamagaling na bandang umusbong noong dekada nobenta. They are 6 years ahead before Slapshock,Cheese (Quezo),Greyhoundz and ChicoScience (ChicoSci) hit it big. Ang tunay na ugat ng Alternarap.


Skrewheads – Sila ang sagot ng masa sa tanong: "Paano kung ang Beastie Boys ay galing sa Blumentritt?"


Dogbone – Galit, magulo, pero may sense. Para silang barkadang puro tattoo pero tatawa ka rin sa lyrics nila katulad nung single nilang "Pantalon"


Marami pang ibang banda ang nagsulputan at may mabibigat ding tugtugan katulad ng Muskee Pops, Gas, Sober, Damo ni San Pedro, at Datu's Tribe.


Sa panahong ng metal at hiphop, may unspoken alliance ang mga long-haired na may Death t-shirt at mga bagets na may bandana at medyas sa braso. Sa LA 105.9, walang judgment — basta malupit ang tugtog, game lahat!


Grade 6. Noong ako ay nagbibinata na, napadaan ako sa tambayan ng isa kong kaklase, pinakilala ako sa grupo. Yung isa bumulaga sa akin, ang sabi ah hulaan ko pangalan mo, ikaw ba si "PAH-PEE-YO". Putek di ko ma-gets yung sinabi at binugahan pa ako ng usok ng sigarilyo sa muka. Pero parang nainsulto ako kaagad. Lalo na nung sinabi na disco lang daw ang alam ko at ang bulok kong radio station na 89 DMZ. Na challenge ako sa punk na yun. Pero salamat na din, dahil sa pagtatagpong iyon ang gumabay sa akin papunta sa mundo ng rakrakan at headbangan!


Pagpasok ko ulet sa klase kinabukasan, sinabihan ko yung kaklase ko na si Noah na pahiramin niya ako ng mga cassette na pinapakinggan niya. Parang ready naman siya at inilabas agad yung "Greatest Hits", di ko inaakalang may dala pala siyang cassette sa itim at tatlong taon na tila di nalalabhan na bag. Nabasa ko sa tape na Greatest Hits ng Queen. Sabi pa niya, pakinggan mo yung "Under Pressure", doon kinuha ni Vanilla Ice yung "ice ice baby" mo. Parang naging interesado ako dahil idol ko yung nabanggit. Matapos ang ilang ulit pang pakikinig sa radyo ko na, rewind, play at pause na lang ang gumagana, nagustuhan ko na rin ang pagbirit ng boses ni Freddie Mercury at killer guitar riffs ni Brian May. Napagalitan at nabulyawan ako ni ermats at ang ingay daw ng pinatutugtog ko, Hahaha! at nalaman ko rin na hiphop din pala siya dahil di naman niya ako sinasaway sa tugtugan ko nuon na hiphop kahit sobrang lakas pa ng volume.


At mula duon, natanggap ako ng grupo nila Noah at napatambay na rin ako sa kanila kung saan madalas kami nakikinig ng mga glam rock idols niya tulad ng Extreme, Aerosmith, Warrant, Poison at Guns N' Roses. Inalam ko rin ang lahat ng detalye sa mga bandang ito bago ko napakinggan.


Pagka-graduate ng Grade 6 at pag-apak ng 1st year haiskul certified METAL na ako noong mga panahong yun kahit grunge naman talaga ang aking hilig. Oo, "metal" ang tawag dati sa mga taong mahilig sa rock. Hindi pa uso ang salitang "rakista" noon; "rockista" baka puwede pa, pero mas sikat ang pantawag na "metal". Isa na ako sa mga galit sa hip-hoppers kahit na dati rin naman akong mahilig sa maluwag na pantalon at lawlaw na short na parang Jimmy Santos ang porma.


Ito yung ilang mensaheng naalala ko para sa mga hiphop na galing sa mga punkista noon sa mga nagrerequest ng kanta sa LA 105.9. Ang LA 105.9 kasi ay tahanan ng mga rakista, metal at mga punkista.


"Mga Hip-hop, magtanim na lang kayo ng kamote...Mga hip-hop, mag-ingat kayo kasi aabangan namin kayo sa Megamall....Mga hip-hop magtago na lang kayo sa ilalim ng daster ng Nanay niyo." Suwerte mo kung mabasa pa ang message mo sa dami ng nagpapadala.


Ang malupet sa station na 'yun, may mga pagkakataong may rumeresbak na hip-hoppers sa message sa beeper number at binabasa nila ito sa ere, kaya lalong magagalit ang mga metal at tatawag sa operator para makipagsagutan.


May natatandaan pa kong ginawa ng LA 105.9, pinag guest nila ang bokalista ng The Youth. Kinanta niya yung "Multong Bakla" acoustic version pero iba ang lyrics tapos ginawang "Multong Hip-Hop" ang title. Parang naging mortal sin talaga ang pagiging hip-hop dati. At kasikatan rin ng mga banda.


Sa mga malls dati mahirap makapasok kapag grupo kayong pupunta. Haharangin lang kayo ng guard lalo na kapag nakita kayong lahat na nakaitim na rock shirts. Ang tingin sa inyo basagulero, adik, satanista at kung anu-ano pang wala nang mas sasama pa. Ganun din ang sa mga hip-hoppers na sumasayad ang mga crotches sa sahig, hirap silang makapasok sa malls kapag sama-sama. Away o gulo lang ang tanging nakikita ng mga jaguars sa dalawang grupo.


Marami nang napabalita sa TV noon sa pag-aaway ng hip-hop at metal lalo na sa mga malls ng SM Megamal at Robinson's Galleria. Talagang nagsusuntukan dahil sa simpleng asaran. Walang patatalo. Kaya kadalasan may mga headlines sa tabloids dati tungkol dito.


Kapag nagpupunta kame noon sa mga konsiyerto, kawawa ang mga nakakasalubong na hip hoppers ng mga punks. Bugbog sarado. Pero wala naman akong nabalitaang may kinatay talaga, bugbugan lang.


Sa wakas nagtapos din ang hidwaan nang ang mga tulad ng Rage Against the Machine ay sumulpot. Biglang naisip ng mga metal na puwede pa lang mag-rap kasama ang gitara.


Sa totoo lang ang Alternative Rap ng 90s ay hindi lang tunog na pinakikinggan ng magkatunggaling genre — ito ay kultura, rebolusyon, at tambayan ng mga misunderstood youth. Dito natin natutunan na hindi kailangang mamili: pwedeng sabay ang sipa ng gitara at latay ng rhyme. Kaya pasalamat na lang sa Alternarap ang dalawang panig ay nagkasundo sa tema ng kanilang mga paboritong ritmo walang hiphop, walang punkista, walang metal. Sama-sama sa pakikinig ng walang nagkakainitan.


Kung kaya ng rap at metal magkaintindihan, baka pwede rin iapply sa lahat ng tao? Pwede kaya?


PS: Ang tumatak na Alternarap sa isip ko ay yung kanta ng Dog Bone na "Pantalon" tungkol siya sa kailangan ko na ata mag-diet kasi hindi na kasya yung paborito niyang pantalon: 🎵"Nang mamulat ng tanghaing tapat, pantalon ko'y dehins na suka, hindi masuot, hindi makalusot"🎵. Ang ritmo na talagang may galit at gigil dahil sa taba ng kaniyang tiyan at naisip niyang kailangan na niya mag-diyeta. Nakakatawang ang lyrics pero masarap sabayan.


Narito ang ilang mga sikat na Alternarap noong 90s:

Erectus - Traffic Na Naman
Muskee Pops - Mekaniko
Dogbone - Pantalon
Gas - Senorito


 
 
 

Comments


Join my mailing list

© 2023 by The Book Lover. Proudly created with Wix.com

bottom of page