Ang Dekadang Kaydilim: "Ang Panahon ng Brownout sa Pilipinas noong 90s"
- Jack Maico
- Jun 16
- 7 min read

Present, June 16, 2025
Dito sa aking kinauupuan ngayon kung maaari lamang sa isang pitik ng aking mga daliri ay magbabago ang atmosphere at maibabalik ko ang panahon ng dekada nobenta ay gagawin ko kahit pa sa panahon na nagkukulang ang supply ng kuryente sa buong Pilipinas. Pero kung mangyayari yun baka hindi ko matapos ang blog post na ito dahil mawawalan nga ng kuryente. Kahit pinuputakte ang brownout noon ang Pilipinas ay hindi ganoon kaburyong ang Pinoy sapagkat sa pagkakataong ito nagkakausap ang bawat isa, dalawa lamang naman ang libangan ng mga Pilipino noon kundi manood ng telebisyon at makinig ng radyo. Kaya kahit brownout ang masarap na usapan at tsismisan ay sapat na, at kami naman mga tsikiting ay marami rin aktibidad tuwing brownout sa gabing madilim. Naging bahagi ng aming pang-araw-araw ang brownout. Anu-ano nga yung mga pang-libang ng mga batang kalye noon at bakit nga ba laging nagbabrownout sa Pilipinas noong simula ng 1990s. Halika at pag-usapan natin.
The summer of 1992.
"Nyaaay! Pota bran awt nanaman!" Gabi-gabi no'n ay brownout, minsan bago mag-tanghali mamamatay na ang kuryente babalik ng alas-kuwatro o alas singko. Kapag gabi naman nawalan asahan mo umaga na babalik ang supply ng kuryente. Black out daw ang tawag kung sobrang tagal at sobrang laki ng sakop ng perwisyo. Para sa batang kalyeng tulad ko, walang pinagkaiba yun. Nakaka-iritang isipin na tumutulo ang iyong pawis at walang elektrik fan na sasagip sayo. Isa pa sa nakakairita eh yung lagi kang pagsasabihan ng nanay mo na maglagay ng bimpo sa likuran mo para sipsipin ang pawis eh maya-maya naman ay nahuhulog ang panapin na iyon sa likod.
Noong dekada nobenta, isa sa mga hindi malilimutang bahagi ng buhay ng mga Pilipino ay ang malalawak at madalas na brownout o power interruption. Sa gitna ng init, dilim, at kawalan ng kuryente, nabuhay ang mga Pilipino sa isang panahong puno ng diskarte, tiyaga, at kakaibang kasiyahan.
Ang pangunahing dahilan ng malawakang brownout noong early 1990s ay ang energy crisis sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Cory Aquino at sa unang bahagi ng termino ni Fidel V. Ramos. Kulang ang power supply ng bansa dahil sa kakulangan ng planta ng kuryente at hindi sapat ang enerhiya upang matustusan ang buong Luzon, lalo na ang Metro Manila. Bukod dito, nasira rin ang ilang mga power plants dahil sa natural calamities at teknikal na problema.
Umaabot sa 6 hanggang 12 oras kada araw ang mga scheduled brownout. Minsan ay biglaan at walang abiso. Kapag may abiso, inilalathala ito ni Meralco sa dyaryo at radyo kung anong oras at anong lugar ang mawawalan ng kuryente. Sa mga hindi nabuhay noon na ganito ang senaryo ng pagkawala ng kuryente kayanin niyo kaya ang anim hanggang labindalawang oras na walang elektrisidad, lalo na kung papatak ang schedule ng barangay niyo ng gabi at umaga na magkakaroon ng ilaw, halos mabaliw siguro ang mga kabataan ngayon sa ganitong sitwasyon.
Bagama't tunay ngang nakakaperwisyo ang ganitong sitwasyon ay meron pa ding mga masasarap na ala-ala ang brownout days. Ating alamin ika nga ni Ka Gerry Geronimo.

1. Dahil sa brownout ay natutunan kong pwede palang idaan ang iyong daliri sa apoy ng kandila nang hindi ka napapaso. Puwede mo itong ipampasikat sa inyong mga batang pamangkin. Siguraduhin mo lang na naka-ready ang mga timba, tubig at ang mga kapitbahay niyo para sa sunog na parating.
"O-haaa.. O... O-ha... galeng no...panis!"
Wag ka lang papahuli sa nanay mo at malamang magkakapaluan pa sa gabing madilim.
2. Dahil sa brownout ay muling nagbalik ang mga masasarap na laro sa dilim tulad ng taguan, cops and robbers at shempre pa ang klasik na bahay-bahayan sa gabi...hmmm (figurative meaning ng "maglaro ng apoy?") Mas may thrill daw kasi kapag maglalaro kayo ng tagu-taguan kapag brownout mas mahirap ka makita at ang ilan sa mga kalaro ko ay nagdadala pa ng flashlights. Puwede ka magtago sa mga sulok-sulok ng barangay niyo at paniguradong hindi ka mahahanap kasi takot din yung mga kalaro mo sa madilim na parteng lugar.
3. Ang hirap matulog kapag brownout! Mas bwiset pa ito kesa sa Pritos Ring na hindi magkasya sa daliri!! Balat-kalabaw kasi ako kaya pag walang elektrik fan eh unti-unti akong natutunaw sa init at nagpapanic na ako dahil baka hikain ako. Pero huwag mag-alala! May teknik akong alam diyan. Habang nakahiga ka sa kama ay ilagay mo ang iyong kamay sa ilalim ng unan mo dahil sigurado ay mayroon itong naiwang lamig. Ohaa di niyo alam yun noh? Kapag nawala na ang lamig nito ay baligtarin mo lang ang unan at tandaan! Presko na ulit sa kamay! O di kaya ay buksan ang mga bintana ay pumito ng marahan na parang nagtatawag ka ng hangin. Most of the time effective to, try niyo!
4. Generator - sa bawat pitumpung madidilim na bahay ay mayroong isang maliwanag na bahay na naka-generator. Vrrrrrrrrr....pugak...pugak... vrrrrrr!!!! Wow ang liwanag ng bahay eh di kayo na.
5. Lamok. Ang panahon na ito ay ang panahon ng piyesta ng mga lamok na 'yan. Halos maligo ako ng Caladryl tuwing brownout dahil andami kong kagat ng lamok. Yung matatanda naman sa kalye namin may dalang Off Lotion habang nagtsitsikahan sa dilim, hindi ka raw kasi dadapuan at kakagatin ng lamok kapag nakapahid na sayo ang off lotion na yun pero kami tamang Caladryl lang.
Naalala ko naglalaro kame ng mga kasama kong batang kalye ng Streetfighter. "Sonic boom!! Hadoukeeen! "Oh ako na susunod na titira ha" Hadu.............."Pucha bran awt na naman hindi umabot yung panira ko." Kuhanan na ng kanya-kanyang tsinelas yan at takbuhan na palabas ng bahay. Hasel talaga ang brownout pero hindi kame patatalo nuon at makakapag-isip pa rin ng pangontra sa hasel na 'to.
6. Taguan - magdasal ka na, na sana hindi ikaw ang maging taya sa pompyang niyo. Dahil kapag nataya ka, malamang burot ka na. Sa dilim ba naman ng paligid kapag brownout e malamang malulusutan ka palagi ay makakapag-base sila. Sa sobrang dilim eh mali ka pa ng mabu-bung kaya wala ka talagang pag-asang makataya. Kelangan mo mag-isip ng ibang gawin na lang na masaya at mahihikayat mo ang buong tropa para lang makaalis ka sa pagiging burot. Ang isang istayl e mag-aya ka lang ng...

7. Kwentuhang nakakatakot - dito bangka ang mga lider o kaya ang pinakamatanda sa grupo. Kailangang umihi ka na bago magsimula ang kwentuhan dahil kapag nagumpisa na at nailahad na ang lahat ng kwentong katatakutan eh magpapasama ka pang umihi dahil namuo na sa imahinasyon mo ang mga kababalaghan. Katakot-takot lamang na pang-aasar ng mga kaibigan mo ang mangyayari sayo. Dito uupo kayo ng pabilog at magsisimula na ang kwento. Katulad doon sa opening ng paborito kong palabas tuwing Biyernes ang "Are You Afraid of the Dark". Habang tumatagal ang kwento e unti-unti na rin kayong nagsisiksikan at natatakot na. "Nung pagtingin ko sa likod ko ay bigla kong may nakitang...multooo!!!. Yan palagi ang nagiging ending ng kwento. Dahan-dahan sasabihin ang linya tapos manggugulat sa huli. Yan ang palaging istayl sa pagkwento ng nakakatakot at epektib naman saming mga bata dahil nagugulat talaga kami.
Hindi lang naman mga batang kalye ang lumalabas. Special mention rin ang mga nanay. Pagkakataon nila ito para ma-update sila sa mga bagong tsismis sa lugar. Parang CNN na naman sila sa mga tsismis at balitang pinaguusapan nila. Kahit sa kabilang baranggay ay animo'y may mga radar at alam nila ang mga nangyayari. Jusko pati ang latest kila Juday at Wowie. Kung sino ang mga naghiwalay na mag-asawa, sino ang naputulan ng kuryente, sino ang drug addict, sino ang maraming utang na hindi pa nakakabayad at kung anu-ano pa. Walang makakalusot sa tsismisan ng mga nanay. Fiesta tsismis talaga kapag brownout kahit nilalamok (basta may off-lotion)
Regal Presents na, tuwing Lunes yan eh pagkatapos ng TV Patrol. Tapos na ring maghapunan at nakahanda naman ang Snacku na binili ko kila Aling Meding. Automatic ko 'yung kakainin habang nakasalukbaba sa kakanood ng isa sa mga paborito kong palabas sa TV. Minsan kasi horror movie ang ipinalalabas sa Regal Presents na karaniwang and direktor ng palabas ay si Mother Lily.
"Ay anak ng animal!" sambit ng magaling na nanay. Ika-20 sunod na gabi niya na 'yang sinasabi (araw-araw na-s-surprise e noh?).
Lintik na bran awt. Wala na namang ilaw. Mainit na naman. Matagal na hintayan nanaman bago ko ulit maramdaman ang ihip ng hanging nagmumula sa aming lumang elektrik fan. Noon kasi tumatagal ang brownout ng mahigit 4 hanggang 8 oras, ang pinakamalala ay hanggang 12 oras.
Grade 3 ako noon. Gabi-gabi nalang namamatayan ng ilaw ang Kamaynilaan at paulit-ulit kong nararamdaman ang pagkapikon. Pano ko mapapanood ang Baywatch at ang Doogie Houser MD? Talagang hindi pinroblema ang pag-aaral sa gabi ee.
Ang mga grupo ng tao, kadalasan, nasa tapat ng mga bahay nila. O nasa tindahan. O nasa loob ng dyip. Paulit-ulit na kuwentuhang hindi nakakasawa gabi-gabi. Haaayyyy.... kaya kahit brownout noon masaya pa rin kasi nagkakaroon ng communication ang mga tao kahit tsismisan. Di katulad ngayon ang lahat naka-nganga sa kanya-kanyang cellphone.
Minsan kapag tinamaan ka talaga ng kamalasan e madadatnan ka pa ng ulan. Aba, ilabas na ang baraha! Kandila lang ang katapat at ready na ang pekwa, pusoy-dos, ungguy-ungguyan, at ang pinakasikat 1-2-3 pass! Kundi dahil sa brawn out, hindi sana ako natuto sa sugal.
Ang pinakahasel sa parte ng gabi, ang pagtulog. Automatic ko nang kukunin ang pamaypay naming kulay dilaw para ipaypay sa sarili ko habang natutulog sa loob ng kulambo. Swerte naman at minsan e may battery ang aming radyo at nakakapakinig ako ng mga sikat na programa sa AM stations. Kapag umabot na ng alas dose at hindi pa ako nakakatulog ay hihinaan ko lang ang radyo, itatapat ko sa tenga ko na sobrang hina at iliipat ko sa palatuntunan ng "Gabi ng Lagim!"
Kahit mahirap ang buhay, nagpakita ang mga Pilipino ng husay sa pag-aadjust. Gamit ang kandila, lampara, gasera, at minsan ay flashlight na may bateryang delikado nang gamitin, pinapatuloy nila ang mga gawaing bahay. Ang mga negosyong maliit ay nagbawas ng oras, habang ang mga estudyante'y nag-aaral sa ilalim ng liwanag ng kandila.
Kaya noon kahit brawn out masaya naman dahil sa mga kwentuhan at mga laro. Sa panahon kasi ngayon mag brawn out man sa gabi mas pipiliin mo na lang magpaypay at mag-stay sa loob ng bahay dahil napaka-delikado na tumigil ngayon sa labas hindi katulad dati kahit dis-oras ng gabi malayang nakakapagpahangin ang tao sa daan at walang humpay ang tawanan at kuwentuhan hanggang magkaroon ng kuryente.
Though it was a time of hardship, the 90s brownout era also reminded us of the Filipino spirit—resourceful, resilient, and always ready to find light in the darkness. Sa gitna ng dilim, naroon ang ngiti, kwento, at samahan na ngayon ay isa na lang alaala, ngunit punong-puno ng kulay.
Comentarios