Halalan 2025: Huwag na Tayong Magpa-Ulit sa Kamalian!
- Jack Maico
- 2 days ago
- 5 min read

Ngayong 2025, muling bubuksan ang mga presinto para sa isa na namang midterm elections. At gaya ng dati, muling haharap ang sambayanang Pilipino sa isang napakahalagang desisyon: sino ba ang iluluklok natin sa kapangyarihan? Pero sa pagkakataong ito, wala nang paligoy-ligoy pa — panahon na para matuto. Hindi na puwedeng ulit-ulitin ang parehong pagkakamali na nagawa. Hindi na natin kayang palampasin na lang ang mga corrupt, inutil, at makasariling politiko. TAMA NA. SOBRA NA!!
Ilang ulit na ba tayong niloko? Ilang ulit na ba tayong pinangakuan ng pagbabago pero sa huli’y iniwang gutom, lugmok, at laging nasa bingit ng kawalan? Paulit-ulit nating binoboto ang mga tradisyunal na politiko — ang mga trapo — na walang ginawa kundi dumalo sa ribbon-cutting, magpa-picture habang nagbibigay ng relief goods tuwing may bagyo, at lumalabas lang tuwing eleksyon. Nasaan sila sa gitna ng mga krisis? kalamidad? Nasaan sila tuwing kailangan natin ng boses para ipaglaban ang tama?
Ang pagboto ay hindi lang karapatan — ito ay isang responsibilidad. Hindi ito raffle. Hindi ito popularity contest. Hindi porke’t sikat sa TikTok, artista, o anak ng dating politiko ay dapat na agad iboto. Sawang-sawa na kami sa mga padala sa ngiti, pero wala namang ginagawa. Nakakasawa na ang mga palamuti sa bibig ng mga politikong ito sa pangangampanya pa lamang pero kapag nakaupo na ay hindi ka na kilala.
ANO ANG NANGYAYARI KUNG MALI NA NAMAN ANG IBOTO NATIN?
Simple lang. Paulit-ulit tayong lulubog. Paulit-ulit tayong makakaranas ng:
Korapsyon sa gobyerno — buwis ng mamamayan na ninanakaw, ipinapasa sa mga kaalyado, at binubulsa.
Mahinang serbisyo publiko — trapik pa rin, sira ang mga kalsada, kulang ang ospital, bagsak ang edukasyon.
Paghahari ng impunidad — mga kriminal sa gobyerno na malayang nakakalakad at pinagtatawanan ang batas.
Pagkawasak ng demokrasya — tinatanggalan tayo ng karapatan, pinatatahimik ang media, ginagawang biro ang hustisya.
Kung muli tayong boboto ng mga hindi karapat-dapat, tayo rin ang magsisisi.
Tama na ang pagsuporta sa mga kandidatong walang ginawa kundi manira, magpakalat ng disimpormasyon, at protektahan ang sarili nilang interes. Hindi natin kailangan ng mga kaalyado ni Marcos at Duterte — mga lider na nagtulak ng pondo palayo sa taumbayan, nagtanggol sa mga human rights violator, at sinira ang reputasyon ng Pilipinas sa mata ng mundo.
Alam na natin kung ano ang nangyari sa ilalim ng mga ito: red-tagging, pagpatay sa mga inosente, pandarambong, at kasinungalingang, protektor ng mga drug lords at binabalot sang sarili sa mga makakapal na PR. Ilang beses pa tayong magbubulag-bulagan? Ilang beses ba tayong magpapakatanga at magpapakabobong botante maabutan lang ng limang-daang piso ay sinanla mo na ang kaluluwa mo sa mga pulitikong araw-araw nating makakasama na nagpapakasaya sa kayamanan ng kaban ng bayan. Hindi ka niyan aabutan sa araw-araw at yung mga ipinamudmod sa madla ay saglit niya lang yan mababawi sa mga buwis na pinaghirapan natin.
ANO ANG URI NG MGA KANDIDATONG DAPAT IWASAN? ❌❌❌
Yung walang track record — puro porma, pero walang plataporma.
Yung galing sa political dynasty — sinasakal ang demokrasya at kapangyarihan lang ang habol.
Yung involved sa korapsyon o kahit na-aninag lang ang anino nito.
Yung palasigaw pero walang konkretong nagawa.
Yung panay paninira sa kalaban pero walang sariling plano.
Yung sipsip sa mga napatunayang mandarambong.
Yung mga politikong nabubuhay sa troll farms at pagpapalaganap ng dis-impomasyon
Panahon na para bigyan ng pagkakataon ang mga lider na matagal nang nagtatrabaho para sa bayan, pero pinagtatawanan at pinapatahimik lang ng makinarya ng kasinungalingan. Panahon na para bumoto sa mga kakampi ng katotohanan, kakampi ng bayan, at kakampi ng dangal ng Pilipinas.
Ang mga tulad ni Leni Robredo at ang kanyang mga kaalyado ang nararapat. Mga lider na may integridad, maayos ang track record, at may konkretong plano para sa edukasyon, kalusugan, kabuhayan, at hustisya. Hindi sila perpekto, pero sila ang nagtutulak ng tunay na pagbabago — hindi fake news, hindi padalos-dalos na hakbang, at hindi sarili lang ang iniisip.
Kung ikaw ay boboto base sa “sayang boto ko kung di kilala”, “eh sila lang may tsansang manalo”, o “baka may ayuda pa sila”, — ikaw ang dahilan kung bakit hindi umaasenso ang bansa. Ikaw ang dahilan ng pagbagsak ng bayang ito.
Hindi mo kailangan ng perpektong kandidato. Kailangan mo ng tamang kandidato.
Ang mga lider na sangkot sa anomalya at korapsyon ay hindi karapat-dapat sa tiwala ng taumbayan. Ang mga trdisyunal na politiko na matagal ng anay ng bayan ang hindi dapat isali sa inyong listahan ng iboboto, hindi mo pa rin ba napapansin na kahit gaano na sila katagal sa serbisyo at parang wala naman silang nabibigay na tunay na serbisyo sa bayan. Yung mga politikong nagpapasarap lamang sa kanilang malambot na upuan at wala man lang nagawang batas kahit inugat na sila sa larangan ng pulitika ay wala kang makukuha sa mga linta na ito na laging nakadikit at matindi ang kapit sa kaban ng Pilipinas. Lalong lalo na iwasan ang mga kandidatong gumagamit ng disimpormasyon at paninira sa kalaban – Ang kampanya ay dapat nakatuon sa plataporma at hindi sa paninira.
MGA KANDIDATONG DAPAT SUPORTAHAN ✅✅✅
Ang dapat nating suportahan at bigyang pagkakataon na sila naman ang mag serbisyo sa bayan ay yung may malinaw na plataporma at track record – Yung mga lider na may konkretong plano para sa edukasyon, kalusugan, at kabuhayan. Ang mga progresibong lider tulad nina Rep. France Castro at Rep. Arlene Brosas, Heidi Mendoza, Bam Aquino, Kiko Pangilinan at Luke Espiritu na kilala sa kanilang adbokasiya para sa karapatang pantao at laban sa korapsyon. Isama din natin sa ating mga iboboto ang mga bagong mukha sa pulitika, tigilan na ang tradisyunal pero walang nagagawa. Tama na! Doon tayo sa mga lider na hindi bahagi ng mga political dynasty at may layuning tunay na maglingkod.
Kapag patuloy tayong bumoboto sa mga lider na hindi karapat-dapat, tayo rin ang magdurusa. Magpapatuloy ang korapsyon, kahirapan, at kawalan ng hustisya. Ngunit kung pipiliin natin ang tama, may pag-asa tayong makamit ang tunay na pagbabago.
Mga kababayan, huwag tayong padala sa kasikatan, pera, o pangako. Maging mapanuri tayo sa pagpili ng ating mga lider. Alamin ang kanilang plataporma, track record, at adbokasiya. Ang kinabukasan ng ating bansa ay nasa ating mga kamay.
Bumoto tayo para sa kinabukasan. Bumoto tayo para sa tunay na pagbabago. Sa Lunes na ang botohan, at tandaan mong ikaw ang susi sa pagbagsak o pag-angat ng Pilipinas. Huwag mo ito sayangin.
Ngayong eleksyon 2025, tumindig ka. Huwag ka nang bumoto ng magnanakaw. Huwag ka nang bumoto ng sinungaling. Huwag ka nang bumoto ng inutil. Bumoto ka ng may prinsipyo. Bumoto ka para sa kinabukasan ng anak mo, ng pamilya mo, ng bansa mo.
Comments