top of page
Search

Happy Mother's Day: "Paghilom at Pag-alaala"

  • Writer: Jack Maico
    Jack Maico
  • 1 day ago
  • 5 min read

"There are a million ways to die, but only one way for birth. Respect and love your mother the most. She is your universe."
"There are a million ways to die, but only one way for birth. Respect and love your mother the most. She is your universe."

Maraming uri ng Nanay sa buong mundo, merong nanay na sobrang kabaitan, merong....


sobrang lambing, merong istrikto, merong seryoso, business minded, merong mga nanay na nabubuhay sa kalungkutan sa kasalukuyan, may mga nanay na mataba, payat, katamtaman, meron din namang nanay na sexy at karaniwan ay tawag ay mga hot moms, merong mga nanay na simple lamang, may mga atletang ina, meron tayong mga nanay na emosyonal at meron din namang masayahin, merong mahilig manood ng telenobela, at meron din namang mga cyber nanay, merong mga nanay na mahilig sa social media, merong mga nanay na dakila na nagtatrabaho sa abroad habang ang mga anak ay petiks lang sa buhay, may mga nanay na pilit pinalaki ang mga anak dahil sa sikap nitong magtrabaho mula sa pagtitinda sa palengke, pagkakatulong, paglalabada, pag lalady guard sa gabi, pagtatrabaho sa isang pabrika, call center, malls bilang sales ladies, bangko, teacher, trabaho sa gobyerno at marami pang iba, may mga nanay din naman na masarap magluto, maalagain lalo na kapag maysakit ang mga anak, may mga nanay na pinaiiyak ng mga anak dahil sa konsumisyon, may mga nanay na lumalaban sa malalang sakit, may mga nanay na madasalin, may mga nanay na tatay, merong mga nanay na nakakulong sa rehas at meron din naman tayong mga nanay na pumanaw na...


Mga nanay na pumanaw na katulad namin noong nakaraang taon lamang kaya medyo sariwa pa ang sugat na naiwan sa aming mga puso at damdamin.


Ngayong Mother's Day, hindi lahat ay may kandilang masisindihan para sa kasiyahan. May ilan na gaya ko, na ang tanging kandila'y isinindi noon pa—sa huling lamay ng pinakamahal naming ina.


Tahimik na ang bahay tuwing ganitong okasyon. At unang taon na wala na ang aming nanay ngayong Mother's day. Walang amoy ng lutong paborito kong ulam mula sa kanyang kusina. Walang halakhak na lumalagos mula sala hanggang kwarto. Wala na ang sigaw ng "Anak, kumain ka na!" na dati’y parang musika sa aking pandinig sa araw-araw. Ang naiwan na lamang, ay alaala—at isang katahimikang mas mabigat pa sa bagyong dumaan.


Hindi ko akalaing darating ang araw na iiyak ako sa isang simpleng komersyal sa telebisyon tungkol sa Mother's Day. O maiiyak ako sa grocery sa tuwing makikita ko ang paborito niyang brand ng kape. Ang sakit pala ng ganito—yung kanyang tawag sa cellphone na para lang sabihin na naiwan mo na naman ang payong mo, pero wala nang tatawag. Gusto mong magtago sa kwarto niya para lang kumalma, pero wala nang kwarto na para sa kanya.


Rico Blanco - Your Universe

Kahit ano pa man ang kaugalian at karakter ng iyong nanay paniguradong ang tanging hangad lamang ay magtagumpay ang mga anak sa buhay. Para sa akin isang uri ng species ang mga nanay hindi alien ngunit isang regalo na galing sa langit. Napakasarap mag-alaga ng isang ina, uhugin ka pa lang sa kindergarten ay inalagaan niya na ang ilong mo sa pagtulo ng iyong sipon para maging presentable sa klase, pinunasan niya ang iyong mga laway habang ikaw ay mahimbing na natutulog, hindi siya makatulog minsan kung ikaw ay maysakit, si nanay ang unang mong guro na nagturo sa iyo ng abakada, siya rin ang nagturo sa aking magsintas ng sapatos na halos isang buwan ko bago matutunan. Kay nanay ka rin unang nakarinig ng isang malamyos na tinig na pagkanta bago ka matulog, ito yung "Rock-a-bye-baby on the tree tops, when wind blows the cradle will rock". Kahit hindi mo alam pa ang ibig sabihin ng kanta ay makakatulog ka na lang o di kaya yung Tulog na beybi ko habang tinatapik-tapik niya pa ang iyng puwit habang pinapaypayan ka habang natutulog. Kausuhan kasi ng brownout nuong dekada nobenta. Sa pagsikat ng araw, sa duyan ka niya inihehele at binabantayan sa kagat ng mga lamok o kahit anong insekto, sa gabi naman ay sa kulambo ang iyong hideout. Sa loob ng kulambo kung saan binabasahan ka niya ng mga bed time stories at duon mo unang nakilala sila Cinderella, Snow White at Rapunzel ang malalanding hitad na may magandang kuwentong pag-ibig, minsan naman ay komiks ang binabasa sa akin ni nanay. Mayroong kababalaghan, katatakutan, at katutuwaan.


Sa dami ng alaala na iniwan ni nanay na namumutawi pa sa atin ang isipan, sa isang araw lang puwedeng magbago ang lahat, darating ang araw na tayo ay kanyang iiwan. Ganun nga talaga ang buhay mauuna ang mauuna. Lahat naman tayo ay mamamatay, ngunit ang iniwan niyang kabutihan sa pagtanda ng mga anak ay espesyal at hindi basta basta na lamang makakalimutan. Ang mga gintong aral, ang maging mapagkumbaba at magkaroon ng takot sa Diyos ang mga puhunan niyang iniwan sa amin upang maging mabuting tao kami sa kasalukuyan. Isang regalong hindi matatawaran.


Minsan mahirap.


Lagi kong sinasabi dati na "busy pa ako", "next time na lang kami lalabas", "bibili na lang ako ng regalo bukas." Pero walang bukas para sa isang pusong tumigil na sa pagtibok. Wala nang next time para sa taong sinakripisyo ang lahat para sa'yo.


Ngayong wala na siya, ngayon ko lang mas naiintindihan kung gaano siya kahalaga. Ngayon ko lang ramdam kung gaano ako kamahal kahit hindi ko lubusang naiparamdam pabalik habang kaya ko pa.


Kaya kung nababasa mo ito at buhay pa ang iyong ina—yakapin mo siya. Sabihin mo sa kanya araw-araw na mahal mo siya. Ipadama mo kahit sa maliliit na paraan. Huwag mong ipagpaliban. Huwag mong hayaang dumating ang araw na ang mga salitang "Sana" at "Kung alam ko lang" ang paulit-ulit mong ibubulong sa gabi.


Guns N' Roses - Knocking on Heaven's Door

Pero habang lumalaki tayo, aminin mo man o hindi minsan hindi na natin nabibigyang pansin ang ating mga nanay. Habang lumalaki ka minsan ay hindi ka na nagiging malambing at matulungin sa kanya, maaaring lumuluwang na ang bigkis ng pagmamahal sa Ina dahil nakokornihan ka na minsan sa pagsasabi ng "I love you" sa kanya. Ba't nga ba minsan habang lumalaki ang tao mas nagiging siraulo ang ilan? Bakit kung kelan nadedevelop na ang mga buto,balat, laman at mga ugat sa ating utak ay dun pa tayo naluluwagan ng tornilyo sa ulo. Bakit ba paglaki mo ng hayskul ay sobra mo nang pasaway at matigas na ang bao ng ulo mo, bakit nalulong ka na sa bisyo ng simula kang maging malaya? Bakit nasasagot mo na ang iyong ina ng pabalang dahil hindi siya pumapayag sa kagustuhan mo kapag nagpapaalam ka na umalis ng gabi sa inyong tahanan? Hindi mo ba naisip na para lamang ito sa iyong kaligtasan? Bakit naging mas makasarili ang mga anak at ang tanging kagustuhan lamang nila ang nasusunod? Habang patuloy ang paglaki mo patuloy rin ang pagbagsak mo sa eskuwelahan at minsan napapasama pa sa trouble? At bakit ba hindi kaya ng mga anak isipin ang kanilang mga magulang na pinilit silang mapalaki ng mabubuti, hinubog sa magagandang asal ngunit lahat ng gintong aral ay tila ibinabasura ng mga ito.


Ang ating mga nanay pa rin ang numero unong taga-payo tungkol man ito sa trabaho, eskuwelahan o pag-ibig. Masuwerte tayo't nariyan pa siya upang gabayan tayo sa ating mga ginagawa mali man ito o tama. Inaamin ko na ako'y maka nanay sapagkat siya ang nagturo at naghubog sa akin sa magagandang asal, respeto sa tao maging man sa hayop at siya ang humubog sa amin para maging ganap na tao para hindi maging perwisyo sa lipunan. Masasabing kong walang labis at walang kulang at walang kapantay ang pagmamahal ng ating mga nanay kaya't marapat natin siyang pasalamatan sa araw na ito ng mga nanay. Hindi lang sa araw na ito kundi hanggang sa huling hininga niya sa mundo.


Ang buhay ay isang diretsong daan—walang liko pabalik. Kapag isinara na ng panahon ang mga mata ng iyong ina, wala nang pagkakataong maipadama pa ang pagmamahal na kinimkim mo noon. Habang nandiyan pa siya, ipakita mong buo, totoo, at wagas ang iyong pagmamahal sa kanya.


Happy Mother's day sa lahat ng mambabasa ng blog na ito ng Ubas na may Cyanide. Mabuhay ang ating mga Nanay! Let all our Nanay's unite! Magandang umaga, tanghali at gabi sa lahat!


 
 
 

Comments


Join my mailing list

© 2023 by The Book Lover. Proudly created with Wix.com

bottom of page