High School Life Reminiscence
- Jack Maico
- May 20
- 13 min read

Isa siguro sa mga life highlights ko na hindi makakalimutan ay ang "high school life", hanggang ngayon ay fresh pa sa mga isipan ko ang mga ganap noong ako'y nasa high school pa lamang. 13 to 16 years old diyan naglalabasan ang kapusukan naming mga batang kalye. Hindi na kami mga batang uhugin sa mga panahon na ito. Unti-unti na rin kami tinutubuan ng mga buhok sa iba't-ibang parte ng aming mga katawan hanggang sa pinaka-liblib na lugar. Ito na rin ang stage ng paglalagay ng pomada at deodorant, natutong mag-ayos ng sarili, pumorma at maki-spray ng pabangong Jovan ni erpats.
Bukod sa paghihiwalay ni Gabby at Ate Shawie, ano nga bang meron sa high school life?
Ito yung stage ng buhay teenager mo na makikilala mo ang mga kakaibang simple at simpleng kakaiba. Mga bagay na bubuo sa pagkatao mo. Di man sila mga perpekto...at least pwede mo sila pagbuhusan ng mga sama ng loob mo.
High school life." Ano nga ba?
Diyan mo mararanasan ang lupet ng periodical test. Parang basketball ang leveling nyan, from 1st quarter, 2nd quarter (halftime or sembreak) 3rd quarter at 4th quarter. Yan yung hagdan ng examinations from easy to difficult. Yan din ang panahon ng bayaran kada periodical exams lalo na kapag nasa private school ka, kaya dapat laging pasado sa pagdistribut ng Report cards para hindi majombag nila nanay at tatay.
Meron ding mga quiz, quiz bee at long quiz. Meron din namang mga short quiz, surprise quiz, at open note quiz. Pero ano nga ba ang kaibahan ng mga quizzes na yan? Isa-isahin natin.
SHORT QUIZ
Ito yung tipong nag short discussion lang si teacher, tungkol kunyari sa mga definition of terms. Ang short quiz puwede yan umabot ng hanggang 10 to 15 items at laging Part 1 lang ang test. Puwedeng identification o di kaya ay True or False. Ito yung quiz na after niya mag discussed pagrereviewhin kayo ng 15 minutes at karaniwan sa 1/4 sheet of pad paper lang ang gagamitin. Siyempre hindi mawawala yung hingian ng papel. Kapag may one whole sheet ang kaklase mo magkakatupian na yan, pupunitin, o lalawayan muna bago punitin at maghahati kayong apat. Malas mo lang kung napunta sayo ang part na may pinakamaraming laway. Aminado ako na isa rin ako sa mga dumidiskarte sa paghingi ng papel. Meron naman talagang ayaw magbigay, kahit nagsalita na si teacher ng "number 1" hindi ka talaga bibigyan, unless suhulan mo, "libre kita Coke mamaya sa canteen kapag uwian." "Sige na nga". *sabay punit ng 1/4 sheet*
SURPRISE QUIZ
Kadalasan kapag galet lang naman ang teacher nagkakaroon ng ganitong quiz. O di kaya nagpopower tripping si mam at sir dahil wala siyang maituro ng araw na yun. O di kaya kapag naramdaman niyong walang exam sa isang buong linggo asahan mo merong mga surprise quizzes on Monday. Talagang masusurprise ka kasi Lunes pa, medyo bangag ka pa noon kasi galing ka ng pahinga ng weekend at nasa isip mo pa yung pinanood mo nang Linggo ng gabi sa Million Dollar Movies. Hindi ka nag review at panay kwento ka pa tungkol sa Running Man ni Arnold Schwarzenegger. Pero tiyak naman na hindi rin ganoon kahaba ang items ng quiz. Tumatakbo lang din ito sa 10 to 15 items depende sa mood ni Mam na di nakabenta ng tinda niyang longganisa, yema o pulboron nuong weekends. Ang ending, betlog kayong lahat sa surprize quiz kahit yung pinakamatalino niyo sa klase ay nakakuha ng itlog.
LONG QUIZ
Patay ka. Ito yung quiz na mahaba-habang kopyahan, depende sa diskarte, depende kung paano ka titiyempo ng sagot sa katabi. Sa exam na ito, yung dating seat plan niyo medyo maiiba. Kapit na sa "source" na tinatawag. Dito bida ang mga nerds ng klase dahil tumatabi na yung mga nasa row 4 sa mga genius. Dito one whole pad ang gagamitin. Kaya wag kang papasok na dala mo ang isang buong intermediate pad paper mo, dahil paniguradong pagtapos ng quiz, manipis na lang ang dating makapal na intermediate pad. Ito yung quiz na nagcocover ng isang buong linggong pinag-aralan. Kaya bago ka kumanta ng "It's Friday Night" ni Rebecca Black, dadaan ka muna sa Friday the 13th experience ng quizzes lalo na kapag hindi ka nag-aral. Tuwing Biyernes ang ganitong mga long quizzes. Karaniwang nasa 25 to 50 items at hanggang part 3 ang quiz with matching essay. Yung tipong para ka nang nag-unit test. Pumasok na sana si Mam buong week wag lang talaga Friday. Dahil talagang nagbubunyi ang klase, kapag may absent na teacher tuwing Biyernes, for sure walang long quiz. Pero minsan kapag first Friday Mass ng bagong buwan ay ligtas ang lahat, Harinawa ay nailigtas kami ng scheduled Mass at pagkatapos ng mass ay uwian na, maagang uwian na may nalalabing oras pa para gumala o mag foodtrip. Kaya naman diresto na naman ang tropa sa paboritong lugawan, humigop ng mami o pumapak ng tofu at uminom ng malamig na gulaman sa tapat ng eskuwelahan. Friday ang pinakamasayang uwian. Mapapa hallelujah talaga dahil napakasarap talaga ng weekends ng mga batang 90s. Kahit kasi high school na kami, mga binatilyo na ay hilig pa rin namin manood ng mga iniereng palabas na cartoons sa TV o di kaya ang mga katulad ni Ultraman, Maskman, Bioman, Mask Rider Black at kung ano-ano pang mga superheroes na tagapagligtas ng Earth laban sa mga yari sa kartong o cardboard na halimaw. Ganyan kasimple ang buhay namin noon.


"High school life?"
Diyan mo matututunan ang iba't-ibang command sa CAT, pagsasaludo at pagmamartsa. Dito mo malalaman ang ibig sabihin ng "tigas-pahinga", "pasa-masid", "ateeennn....shuuuuttt", "platoon" at yung mga "phonetic alphabets". Ang usual na get-up sa pagmamartsa ay simple lang, blue jeans at t-shirt lang tsaka cap na kulay lumot na berde na may nakasulat na kulay dilaw na "Citizens Army Training." Kapag 4rth year ka na hindi na masyadong masaya ang uwian dahil dadaan ka muna sa pagmamartsa bago kayo makauwi at lubog na ang araw kaya limitado na ang gala at food trip. Diretso na agad ng uwi sa bahay. Dito ako natuto kung ano ang ibig sabihin ng bawat letra in military language, mula Alpha hanggang Zulu. Naalala ko lang nung pinag recite kami noon, tawanan lahat nung ni-recite ng lokong classmate ko ang letter J. "Okay, what is letter J in phonetics?", "Jolina, sir!". Pero ewan ko lang ah, lagi ko tinatanong sa isip ko anong magandang bagay ba ang maidudulot sa akin ng pagmamartsa? Sabi nila para daw matuto ng disiplina. Sabi ko naman e kahit anong oras naman pwede kang maging tarantado anytime, at anytime and anyplace, anywhere na gustuhin mo. Kumabaga nasa tao pa rin talaga. Nasa pag-uugali pa rin talaga. Hindi mo naman kasi mababago ang ugali ng tao sa pagmamartsa lang at pagsunod sa mga iniuutos ng iyong commandant. Ang tangi ko lang naalala eh nasira yung Vans kong sneakers sa kakamartsa na yan. Wala naman silang ibang tinuturo kungdi pumila ng diretso, align your hands sa balikat ng nasa harapan mo para pumantay ang linya, at ibilad kayo sa araw na parang mga tinapa. Pagkatapos nun may baril naman na rifle, aba may exhibition pa, dun talaga ko sobrang nalito kasi para ka na ring nagsasayaw may bilang bilang pa bawat galaw ng rifle. Eh bakit kapag ba makikipagbarilan ka na e kailangan pa bang mag exhibition ng ganun? Nako malamang deads ka na agad. Tapos meron din yung lekat na espada na yun, hindi ko naman pinangarap na maging si Zorro para matutunan ang pag exhibition nun at diba itak at bolo ang ginamit ng mga Katipunero at ni Bonifacio para supilin ang mga mananakop na Kastila. Bakit espada? Shet!
Sa high school mo rin matututunan ang walang sawang exercising sa PE class. Halos isang buong taon ata kame nuon nag stretching kaso hindi naman ako humaba, maliit pa rin. Dito mo makikita sa high school ang latay ng comprehension at recitation. Yung flash cards na nakapag papanginig ng buong katawan ko, bigla na lang tatawagin ang pangalan niyo para sa recitation, bubunot lang si mam ng pangalan sa hawak niyang flash card at yari ka kapag di ka nakasagot. Ang siste remain standing ka, minsan pag nag power trip pa, sa upuan ka pa tatayo. Kaya kapag may nakita akong index cards sinusunog ko agad. Kahit noon sa bahay namin, nagka phobia ata ako sa mga index cards na yan. Ayaw na ayaw ko nun magkakasalubong ang eyeball namin ng teacher kaya kadalasan kapag recitation na maraming nakayuko. Pero ayon sa pag-aaral kung sino pa ang mga nakayuko at hindi nakikipag-eyeball kay mam ay siya pa ang matatawag kahit hindi talaga hawak ni mam ang index cards na may pangalan mo. Kaya its a do or die situation, tumingin ka na lang kay mam para kunyari confident ka sa isasagot mo. Kapag recitation dito makakaramdam ng peacefulness ang teacher, wala ka talagang maririnig na ingay. Nakakabingi. Alam ni teacher ang lahat ay kabado kapag natawag ang pangalan niya, lalo na kung ang recitation ay isolve ang Math equation sa blackboard. Minsan gusto mo na lang makipag tsismisan sa mismong blackboard kasi wala ka talagang maisagot.
Dito mo hahalukayin ang buhay ni Simon, ang buhay ni Crisostomo Ibarra, Florante at Laura at ng ibong Adarna. Diyan mo rin aalamin ang walang katapusang teksto. Ang walang ending na Narativ, Informativ, Eksplesitori, Argumtativ at marami pang iba. Dito malalaman kung saan nag-ikot si Magellan at paano siya napadpad sa Pilipinas. Ano ang dahilan ng "I shall return ni McArthur", ang pagtataksil ni Emilio Aguinaldo at mga taga Kawit sa pagpatay kay Heneral Antonio Luna, ang pagbenta sa atin ng mga Espanyol sa mga Amerikano, dito mo rin malalaman na playboy pala si Rizal, ang tsikboy na si Goyo, ang angas ni Antonio Luna at ang pagiging Presidente ng Pilipinas sa ngalan ni Miguel Malvar na hindi masyadong natalakay sa history.
Dito ka magiging writer for a while, lalo na kapag mga bakasyon at holidays o merong mahalagang topic in public news kaya ihanda mo na lahat ng alam mong kwento at ilalagay mo ito sa "Original" composition paper, at kapag may mga corrections si mam sa grammars at capitalization, isusulat mo ngayon ito sa "Rewritten" composition letter. Ito talaga yung gusto kong parte ng high school nuon dahil marami akong kwento. Kasama na rin dito ang parts of speech, figures of speech at idiomatic expressions.
Siyempre, hindi mawawala ang mga tula ni Shakespeare, mga essay tungkol sa "My Ambition in Life", at ang walang kamatayang book report sa The Pearl o kaya Florante at Laura. Tuwing oral recitation, kabado ang lahat—pero kapag nakalusot na, todo ang hinga ng ginhawa!
Dito ka matututong gumawa ng talumpati, sabayang pagbigkas, at dula-dulaan. Sino ba'ng makakalimot sa paggawa ng sariling balagtasan at pagsuot ng barong o saya para lang sa performance? Minsan, kahit comedy ang dating, basta may grade at napahalkhak niyo so mam, go lang!
Bunsen burner, microscope, at ang pagdi-dissect ng palaka—hallmark ng 90s science class! Kasama pa ang pagmememorize ng parts ng cell at periodic table. Pero pinaka-epic ay ang group experiments, lalo na yung miniature volcano na sasabog.
Ang MAPEH ang pahinga ng utak—pero stress sa katawan! Dance number, folk dance sa PE (hello Tinikling), paggawa ng poster na may "Kalusugan ay Kayamanan", at mga field demonstration sa quadrangle. Masaya, kahit mapawisan!
Sa Matematika naman dito ka naman duduguin sa paghahanap ng unknown variables, cartesian planes at polygon x and y. Ang magsukat ng area, height, length at width. Lahat nalang numero, lahat nalang kailangan sukatin at kompyutin. Masuwerte na talaga ko maka 80 na grado sa Math. Nandiyan din ang Statistics, mode, mean at median. Walang umuubrang kopayahan pagdating sa Math, isakang dakila kung nakopyahan mo pa yung katabi mo ng napakahabang equation or depende na lang kung pasimple niyang ibinigay yung papel niya. Aminado ako na betlog ako pagdating sa Mathematics.
Dito ko rin nakilala sila Miguel Lopez de Legaspi, Ruy Lopez de Villalobos at Juan Sebastian Elacano para pag-aralan ang historya ng Pilipinas, Asya at maging ang kasaysayan ng daigdig. Buti nalang sa universe at galaxies wala pang mga mananakop. Kasama na rin ang pag-aaral ng Ekonomiks, taxation, hanap-buhay at pati kabihasnan. Dito ka rin magsasawa sa mga system system katulad ng body system, solar system, ecosystem at nervous syaten na laging active kapag oral recitation na. Ewan ko kinain na ata ako ng sistema. Ang water cycle, food web at parts of the Earth!
Dito ka rin matututo ng good moral values and right conduct, bible stories, bible passages and its meaning, mga tauhan sa Bibliya. Dito huhubuigin ang pagiging Kristiyano mo at pananampalataya sa Diyos. Dito ka matututong magsimba hindi lang dahil para alamin ang gospel para sa gospel discussion kinabukasan at para isapuso na rin ang mga salita ng Diyos.
Diyan mo makakaeyeball si Biology, Chemistry at Pisiks. Ang pakikialam sa mga buhay ng bacteria, atomic weight ng isang element at kahit pag-aaral ng bilis ng light and sound. Ang pagbukas at pagsarado ng tama sa mga computer at magpipindot sa mga keyboards at mouse. Ang pagbisita sa Internet na siyag tinatawag na bintana ng mundo at unang pagkadungaw kay Maria Ozawa, Papaya Queen Aya Medel at Priscilla Almeda. Dito mo rin maeexperience ang mag make up kahit hindi mo alam at magluto ng kung ano-ano. At gumawa ng parol bilang proyekto sa Arts kapag malapit na ang Kapaskuhan, ang manahi, ang magpasok ng sinulid sa karayom, ang magpabili ng sewing kit kay ermats, ang paggamit ng thimble at pin cushion. Sa Home Economics ka matutong maghiwa ng sibuyas habang umiiyak, ang pagdurog ng paminta, paghiwa ulit ng bawang, and istilo ng mga pagluluto kagaya ng fry, boil, saute, roasting, steaming, grilling at broiling. Sa subject na ‘to natutong maggantsilyo, magluto ng sopas, o mag-plantsa ng damit. Dito rin lumalabas ang mga crush moments—kasi minsan, sa cooking class, pairing ang labanan! Landeeee!
Diyan mo iguguhit ang construction lines at pagtutupi ng table napkin at dito ka matututo ng instant na pananahi. Ang mag-pass ng drawing book na walang laman at mag discuss ng topic na hindi mo alam.
Mga Enjoyable na Alaala: Sa Labas ng Klase Mas Masaya
Flag Ceremony at School Program – Tuwing Lunes, kasama ang buong batch sa flag ceremony, sabay-sabay sa pagkanta ng "Lupang Hinirang" at recitation ng "Panatang Makabayan" na kabisado pa natin kahit tulog. May mga comedy moment dahil dun sa lyrics ng Lupang Hinirang may 2nd voice yung, "Buhay ay langit sa piling mo" may mag eecho ng "sa piling mo". Ewan ko kung sinong nagpauso nun pero galit na galit yung mga teacher namin kapag ginagawa namin yun, kasi pati yung kumukumpas nawawala sa focus at di mapigilang tumawa.
Recess at Lunch Break – Ang tambayan sa kantina na parang reunion araw-araw. Taho sa gate, fishball sa labas, at ang masarap na spaghetti ng cafeteria na may matamis na sauce. Pero ang hindi ko talaga makakalimutan kapag wala akong dalang bugong ay yung corned beef na may sabay ng aming canteen sabay maraming patatas. Da best kasi masarsa! Lagi rin akong nagbabaon ng kendi pampawala ng antok kapag nakakaantok na yung tinuturo ni teacher, ang kendi ko minsan ay Kendi mint o di kaya yung isang buong rolyo ng Polo mint candy, kapag malaki-laki ang tira sa baon ay Benson's pero pasimpleng balat lang sa kendi kasi hindi ako namimigay kapag mahal ang kendi. Kapag malaki ang baon na binigay ni erpats bibili ako ng Nerds! Kapag lunch break din nagpapasikat yung mga guitarero boys, uupo yan sa isan tabi at magigitara, eemote-emote habang kumakanta para mapansin ng crush niya. Pero ang pinaka ewan eh yung mga naghahabulan, yung pagkainit sa quadrangle maglalaro sila ng touchdown or other term is Block 1, 2, 3 kaya pagkatapos ng recess ay amoy putok na sa classroom para sa susunod na subject.
JS Prom – The ultimate kilig night ng high school! Kahit minsan awkward ang suot mong barong o gown, basta maka-dance lang kay crush, sulit na! Haays magagamit ko na yung Eskinol ko na kulay Gatorade yung liquid tapos gupit pogi ka pa. Ito yung mga panahon na gwapong-gwapo tayo sa mga sarili natin kasi nakakapag-ayos tayo ng mabuti at higit sa lahat pormal ang mga kasuotan. Dito maglalabasan ang tunay na ganda ni crush <3 (sana maisayaw ko siya)
Field Trip – Ang pinaka-aabangang parte ng school year! Museo, zoo, theme park—minsan hindi na importante kung saan, basta sama-sama ang barkada. Para kaming mga timang sa museo ng San Agustin noon na tinatakot ang mga sarili, takbo dun, takbo dito. Nagtatakutan kasi lalo na dun sa part na may room na para sa mga nakalibing na mga sinaunang Pilipino, Amerikano at Kastila. Maraming lapida. Tahimik sabay may narinig kaming nagpiano na parang lalabas si Count Dracula kaya takbuhan kaming grupo sa hallway. May isa rin tarantadong classmate na nagbukas ng Humpty Dumpty sabay inilagay sa aircon ng bus para mangalingasaw yung amoy keps na flavor ng junk food na yun. May mga naghubo ng pantalon at brief at pinakita ang mga puwet sa bintana ng bus habang umaandar. Ganyan ka-siraulo ang mga batchmate ko.
Love Life, Crush at Love Letter – Sino ba'ng hindi nagka-crush sa classmate o sa higher year? May sulat sa papel na may pabango pa, at syempre may “Do you love me? Yes or No?” checkbox. Cute ang mainlab noong panahon namin. Nariyan ang mga love letter na nakasulat sa mga mababangong stationary. Kartolinang pula at pink, Elmer's glue o di kaya paste, gunting, glitters at kung anu-ano pang eche burecheng art work, yan ang ipinalalabas na gamit ni ma'm isang linggo bago mag i-katorse ng Pebrero. Guguntingin at tatambakan at lulunurin namin ng korteng puso ang buong silid-aralan at papaliguan ng glitters ang mga ito. Kapag mayroon na hindi na sumasama sa tropa asahan mo na naa kamay na yan ng pag-ibig. Hindi mo na siya makikita dahil busy na sa sundo't-hatid. Naks. kaya ang sarap ulit mag-high school.
Group Projects at Overnight – Ang sinasabing "group project" pero ending tambayan at kulitan. May tagagawa ng assignment, may tagaluto ng pancit canton, at may tag-kwento ng ghost stories. Hindi pa naman uso ang inuman noon (ng todo) kaya chill, chill lang kapag may mga overnight projects. Tamang kulitan at takutan diyan namin sinasabay ang pagagawa ng mga kailangang ma-accomplish para sa subject ni mam.
Bakit Nga Ba High School ang May Pinakamasarap na Alaala?
Sa high school, unti-unti tayong natutong makisama, umibig, masaktan, magtagumpay at mabigo. Dito natin unang naranasan ang freedom habang naka-uniporme pa. Walang mabigat na responsibilidad, pero damang-dama natin ang drama ng buhay, ang pag-ikot ng mundo sa araw-araw.
High school life ng 90s ay puno ng firsts—first love, first heartbreak, first failing grade, first award, at first barkada. Para itong pelikulang walang script—natural ang saya, totoo ang luha, at di mapapalitan ang bawat eksena.
Kaya kung isa kang batang 90s, salute!—bitbit natin ang isang henerasyon ng mga alaala na kahit ilang dekada na ang lumipas, ay nananatiling buhay sa ating mga puso.
コメント