top of page
Search

Para Sa Mga Ipinanganak Ng 1981

  • Writer: Jack Maico
    Jack Maico
  • 1 hour ago
  • 3 min read

Kamusta Ka, Ipinanganak Noong 1981?


Kamusta ka na? Ikaw na isinilang noong 1981 — ikaapatnapu’t apat na taon na ang lumipas mula nang unang beses mong nasilayan ang mundong ito. Marami na ba ang nagbago? O tila ba may mga bagay na nanatili pa ring masakit, mabigat, at mahirap tanggapin? Sa loob ng 16,000 na araw na inilagi natin dito sa mundo, kamusta na? anong bago? anong meron?


Hindi biro ang 44 taon. Halos kalahating siglo ka nang lumalaban, sumusubok, nabibigo, bumabangon, at patuloy na nabubuhay. Sa likod ng bawat kulubot sa noo, sa paligid ng mata, sa sulok ng labi, at mga pilat ng sugat sa katawan,— may istorya. Isang tahimik ngunit malalim na kasaysayan ng pakikipagtunggali sa buhay.


Naabutan mo pa ang panahong walang cellphone, walang internet, at ang pinakamasayang laro ay habulan sa lansangan, teks, pogs, at patintero. Lumaki kang may tunay na kaibigan, hindi followers, walang likes walang follow back. Ang pagkakaibigan ay puro at hindi sinusukat sa likes, sa react at sa share kundi sa yakap at sabay na tawanan sa ilalim ng araw o sa kadiliman ng pagtambay sa gabi dahil brownout at mainit sa loob ng kabahayan.


Ngayon, 44 ka na. Marahil may mga anak ka nang malalaki. Marahil may asawa kang kasabay mong kumakayod. O baka naman mag-isa ka pa ring humahanap ng katahimikan at tunay na kahulugan ng pag-ibig. Hindi madali ang umabot sa edad na ito. Maraming gabi ang tinulugan mong may luhang hindi mo maipaliwanag. Maraming umaga ang bumungad na punô ng pag-aalala—bills, trabaho, kalusugan, at minsan... ang tanong: "Ito na ba talaga ang buhay ko?"


Paano na ang katawan? Ramdam mo na ba ang pananakit ng likod? ang nanghihinang mga tuhod? Ang mga mata mo, malinaw pa ba ang pagbasa tat hindi ka pa naka-salamin o mabilis nang mapagod? Ang dating kayang-kayang tumakbo ng malayo noon kapag naglalaro ng mataya-taya at block 1-2-3 ay kaya mo pa bang laruin ngayon? o di kaya ay hingal at nagkukumahog na kahit konting akyat. Bumabagal ang metabolism, bumibilis ang pagod. Marahil ay may iniinom ka nang maintenance. O marahil, tinatanggap mo na lang ang pananakit bilang parte ng pagiging ‘pagtanda.’

The Grays - The Very Best Years

Pero hindi mo dapat ikahiya. Ang bawat kirot, bawat pilat, ay patunay ng tibay mo. Nabuhay ka sa panahon ng kaguluhan, ng pagbabago, ng mga trahedya’t tagumpay ng bansa. Isang saksi. Isang mandirigma. Isa kang bayani sa sarili mong paraan.


At kamusta naman ang puso mo? Napagod na rin ba? O patuloy pa ring naghahangad ng pagmamahal, kahit sa katahimikan? May mga pangarap ka bang sinuko na? O baka naman may bago kang hinahabol, kahit pa sinasabi ng iba na huli na ang lahat. Hindi huli ang lahat. Hangga’t may hininga, may laban.


Kaibigan, hindi ka nag-iisa. Marami tayong ipinanganak noong 1981 na pare-pareho ng tanong, ng sakit, ng lungkot, at ng bahagyang pag-asa. Sa mundong mabilis ang takbo, minsan masarap huminto sandali at itanong sa sarili: “Kamusta na ako talaga?”


Hindi mo kailangang perpekto. Hindi mo kailangang malakas palagi. Hindi mo kailangang masaya araw-araw. Ang mahalaga, nandito ka pa. At ‘yan ang isang napakalaking tagumpay sa panahong sa araw-araw ay puwede tayong lumisan. Lumisan ng walang paalam at bakas. Makalimutan at manatiling ang mga lapida na lamang ang magsisilbing alaala ng bawat isa.


Para sa’yo, para sa ating mga anak ng 1981 — isang mahigpit na yakap. Isang paalala: hindi pa tapos ang kwento mo. Marami ka pang kayang baguhin. Marami ka pang pwedeng mahalin. At higit sa lahat, karapat-dapat ka pa ring mahalin. Hindi base sa edad mo. Kundi base sa kabuuan mong tao — buo, tapos nasira, pero muling nabuo. At patuloy pa ring bumabangon.


Kamusta ka na talaga?

 
 
 

Comments


Join my mailing list

© 2023 by The Book Lover. Proudly created with Wix.com

bottom of page