top of page
Search

Sa Gitna ng Putukan at Suntukan: "Lights!, Camera! Action! (Movies ala Pinoy-style)

  • Writer: Jack Maico
    Jack Maico
  • 2 days ago
  • 8 min read

'Tawagin na si tatay, lolo at kuya at action films ang ipalalabas ngayong gabi sa Regal Films Presents"
'Tawagin na si tatay, lolo at kuya at action films ang ipalalabas ngayong gabi sa Regal Films Presents"

"Pagmasdan mo na mabuti ang araw, dahil bukas hindi ka na sisikatan ng araw." - Fernando Poe Jr


Ito ang mga katagang natatandaan ko nung 2003 sa loob ng bus pauwi galing sa pag-aapply ng trabaho. Bagong graduate at kailangan kumita agad ng datung. Medyo na relieve yung pagod ko sa kaka-Ingles sa aking interview nung nakita ko ang pelikula na ipinalalabas sa TV ng bus. Action movies na nauso noong 80s or 90s. Siyempre sino ba naman ang hindi mapapanganga noon kapag pinapanood mo na ang maaksiyong action scene ni Action King, Fernando Poe Jr. Nakaka-miss ring manood ng mga ganitong pelikula. Tila patay na rin kasi ang ganitong genre ng pelikula sa bansa natin. May ilan mang inilalabas na action movies paminsan-minsan, hindi naman kumikita at nilalangaw lang sa takilya. Aminin natin na ang pelikulang Pilipino ay kasalukuyang pinaghaharian ng comedy, romance drama, fantasy at horror genre. That’s in no particular order.


Kung lumaki kang nanonood ng pelikula habang kumakain ng Kropek at iniinom ang RC Cola, malamang nakapanood ka na ng isang tunay na Pinoy action movie. Ito ‘yung pelikula kung saan may walang katapusang habulan, may kontrabidang nakasuot ng shades kahit gabi, at may bida na hindi tinatablan ng bala basta galit siya. Ang determinasyon ng bida na kayang suongin ang kahit ang pinakamaliit na butas ng karayom ay gagawin mai-save lamang ang kanyang pamilya o leading lady sa mga goons ng pelikula.


Ang action movie sa Pilipinas ay hindi lang basta pelikula — isa itong kultura. Isa itong aral sa buhay na kahit simpleng tricycle driver ka lang, basta may prinsipyo ka, puwede kang tumumba ng drug lord.


Balik tayo sa palabas, isang lumang pelikula ni Fernando Poe Jr. o FPJ ang kasalukuyang pinanonood ng mga pasahero. Hindi ako fan ni Da King kaya hindi ko alam ang title ng movie, hindi ko rin inabot ang opening credits. Pero medyo bata pa sa pelikula ang yumaong actor kaya malamang ay luma na nga ang pelikula. Siyempre ang plot ng pelikula ay iyong palasak na tema ng isang ordinaryong tao na inapi (pwedeng pinatay ang asawa o anak) pagkatapos ay maghihiganti at uubusin ang lahi ng mga taong umapi sa kanya.


Pero nagustuhan ko si Da King noong bata bata pa ako nang gumanap siyang si Flavio sa Panday. The best yung kanyang espada na tumu-tunog tunog pa habang humahaba bago kalabanin ang tropa ng mga halimaw ni Lizardo as Max Alvarado. Naging patok ito sa mga kabataan noong dekada nobenta, si Panday ang tagapagligtas ng naaapi at mga inaaswang, kinakapre, namamatanda at minamanananggal. Klasik na klasik yan!


Hindi mawawala ang trademark ng mga Pinoy action movies na bago magsuntukan o magbarilan ay magpapalitan muna ng mga quotable quotes gaya ng “pagsisimbahin kitang may bulak sa ilong,” “’di ka na sisikatan ng araw,” “iyo ang Tondo akin ang Cavite,” “harap mo linis mo” at “aso lang ang umiihi dito.” Sa Pinoy action movie kailangan munang maghamunan kayo na parang mga script sa wrestling habang tayong mga viewers ay hindi kumukurap sa mga susunod na mangyayari lalo na kung may hostage ang kontrabida at kung paano ito maisasalba ng bida. Ganyan ang aksiyon movie, pero ang kongklusiyon hindi mananalo ang kasamaan at sa huli matitimbuwang din ang kontrabida pero ito ang pinaka trademark ng Pinoy action movie, asahan mong kapag sa Maynila nangyari ang barilan, yung mga pulis akala mo ay manggagaling pa sa Tuguegarao o Aparri at huli na dadating at dito na aangat ang credits, signalling na tapos na ang pelikula at tapos na rin ako ng kangunguya ng Liempong Manok barbeque flavor.


Gloc 9 ft Denise - "Hari ng Tondo"

KARANIWANG SETTING: SAAN NANGYAYARI ANG MGA GANAP?


“Tahimik na Barangay” na Laging Gulo sa Dulo


Laging nagsisimula ang pelikula sa isang simpleng baryo. May batang naglalaro ng teks, may tindahan si Aling Nena, at ang bida ay tahimik lang na nag-aalaga ng baboy. Pero syempre, sa eksena ng pangatlong putok ng baril, may dadaan nang van na itim at tinted, at andiyan na si Don Victor! Si Don Victor na gustong bilhin ang lupa ng mahihirap at gagawing istruktura ng kanyang business pero hindi papayag ang mga nakatira dito. Dito na iikot ang istorya.


Lumang Bodega


Kapag may bodega, siguradong may laban. Lagi itong may kahon, drum, at tatlong goons na nagkakape habang nagbabantay. May tatak na "DANGER: FLAMMABLE" ang mga drum kahit mukhang matagal nang abandonado. Dito kadalasan dinadala ang mga hostage na nakagapos sa isang kuwarto sa bodega. Unti-unti namang nalalagas ang tauhan ng kontrabida habang dahan-dahan at tahimik na nilulusob ng bida at maaalerto lang ang mga goons ng sabay-sabay kapag nagkaroon na ng pagputok ng baril. May isang goon na magsasabi sa lider na nilulusob tayo ni "Kardo" (pangalan ng bida) at sasabihin naman ng lider na paikutan niyo ang paligid na may halong kaba na ito. Dito rin kadalasan nagtatapos ang pelikula sabay dating ulit ng laging missing in action na mga pulis.


Mansyon ni Kontrabida


Gated subdivision. May fountain. May mga goons sa gate na naka-barong o leather jacket. Laging may eksena si kontrabida habang iniikot ang brandy sa baso habang nagsasabing, “Hindi ako natatakot kahit pulis pa ‘yan!”. Yan ang kuta ng kontrabida sasabihin niya lahat ng dialogue niya na hindi siya natatakot sa bida. Dito sila kalimitan nagpaplano ng sidekick niyang kontrabida rin kung anong susunod na kalagiman ang gagawin nila sa kanilang mga biktima.


Putukan pero Walang Reloading


Mapapansin mo, ang mga bida gaya nina FPJ, Lito Lapid, o Ramon Revilla Sr. ay may baril na walang katapusan ang bala. Ilan rounds lang ang pwedeng lamanin ng revolver, pero nakakapatay sila ng 30 goons straight. Pero minsan para may thrill ay naubusan siya ng bala pero ang kalaban papalapit na, kailangan niya mag reload ng mabilis pero ang kontrabida isang segundo na lang sa pagkalabit ng gatilyo sa kanya pero siyempre laging may mirakulo sa bilis ang kontrabida at maaunahan pang putukan ang kontrabida. Patay ang kontrabida. Ako naman sa ganitong eksena kahit hindi horror ang palabas ay nagtatakip ako ng mata pero may siwang ng kaunti para napapanood ko pa rin. Parang tanga lang di ba sabay kuha ulit ng Expo nuts sa supot ng tigpipisong makukutkot na chichiryang binili. kay Aling Meding.


Suntukan na may Choreography


May choreography ang suntukan. May mga sound effects na “Pak!” “Thud!” at “Ugh!” Laging may eksenang tatapon ang isa sa kahon, mesa, o bintana — kahit nasa gitna ng kalye. Kung may goons hindi mawawala ang mga dakilang stuntman, sila yung mga tauhan ni kontrabida na laging minamani-mani ni bida sa suntukan, tadyakan, saksakan o barilan. No match ang mga ito sa bida at kahit gatiting na sugat ay hindi nila magagawa sa bida. Sila yung mga ibinabalibag sa mesa, hinuhulog sa building, nahahataw ng dos por dos at kung anu-ano pang torture kaya minsan saludo din ako sa mga stunt man na ito. Hindi gaganda ang action film ng Pilipino kung wala sila.


Tabo Scene


Kapag gusto ng bida ng redemption arc, maliligo siya. Minsan sa balde, minsan sa poso, habang seryoso ang mukha. Ito ang palatandaan na may gigil na siya. Lagot ang kalaban. Ang bumangga giba. From tabo scene to taob lang ng kalaban. Dito nagiipon ng lakas ang kontrabida sasalamin sa kanya ang mga alaala na pinatay ang kanyang mga mahal sa buhay, sa eksenang ito kokolekta siya ng lakas at parang Raygun ni Eugene na sasambulat ang paghihiganti sa mga kontrabida.


Final Showdown sa Bodega with Explosion


Laging may eksena na may lalagablab na drum. Minsan may sumisigaw ng “Walang makakapigil sa akin!” bago tamaan ng bala at mahulog sa apoy. Klasik. Halos lahat ng bida sa napapanood kong Pinoy action movies ay laging buhay ang bida, kaunti lang ang mga namamatay lahat happy ending pero huwag ka, ang bida sugatan, maraming tama ng baril at saksak, umuubo na ng dugo pero at the end happy ending kasi buhay sila a maisusugod pa sa hospital. Ganyan ang drama sa mga maaksiyong pelikula sa pinilakang tabing.


Sino nga ba ang mga sikat na kontrabida sa Pinoy action movies. Kilalanin natin:

PAQUITO DIAZ


Walang mas matalim tumingin kaysa kay Paquito Diaz. Isa siya sa mga OG kontrabida na kahit wala pang sinasabi, mukha nang may binabalak na masama. Bida man si FPJ, Dante Varona, o Rudy Fernandez, siya ang kadalasang tumatayong kingpin. Kilala siya sa mga eksenang rape scene at smuggling.


MAX ALVARADO


Si Max, kahit kontrabida, minsan ay may sariling drama. Madalas may backstory kung bakit siya naging masama. Pero kahit ganun, laging talo sa dulo. Pinaka nakilala si Max sa pelikulang Panday bilang Lizardo ang mortal na kaaway ni Flavio aka Panday. Siya ay isang masamang salamangkerong nagtataglay ng kapangyarihan ng dilim o kasamaan laban sa mga inosenteng tao.


SUBAS HERRERO & ROMY DIAZ


Mga kontrabidang sosyal at barumbado.


Si Subas ang corporate villain. Suot ang Americana, laging kalaban ng masa. Si Romy Diaz naman, goon ng goon. Kasama sa lahat ng pelikula, kung hindi goon, siya ‘yung tauhang biglang sasabihing, “Boss, may problema tayo...”


DINDO ARROYO, EDDIE GARCIA, and CONRAD POE


Mga classy pero deadly. Laging pino magsalita pero mamamatay-tao pala. May political connection. Minsan si Dindo ay ginagampanan ang pagiging drug addict/rapist. Si Eddie Garcia minsan bida at kontrabida ang ginagampanan, kadalasan comedy ang mga banat pero astig. Hindi ko makakalimutan ang mga pelikula niyang Boyong Manalac at Asiong Salonga.


Pagdating sa suntukan, walang tatalo sa bida. Kahit lima pa ang kalaban niya ng sabay-sabay, walang binatbat ang mga kalaban. Gugulpihin niya ang isa habang ang iba pa ay nakatunganga lang o dahan-dahang bumabangon. Sa sobrang galing ng bida, kaya pa nitong gumamit ng iba’t ibang klase ng suntok… may uppercut, straight, left o right hook at minsan ay tumatambling pa kahit na matanda na ang bida!


Kapag sa barilan, laging asintado ang bida kahit pa ang bida ay noon lang nakahawak ng baril. At syempre, dahil asintado ang bida, ang mga kalaban ay puro bano, laging nakakailag ang bida. Ang baril din ng bida ay hindi nauubusan ng bala kahit na napakarami ng kalaban. Mauubusan lang ng bala ang baril niya kapag nakaharap na niya ang lider ng mga kalaban o ang kontrabida. Samantalang ang kontrabida naman, kahit ilang beses pa lang niyang pinaputok ang baril, nawawalan agad ng bala kapag nakaharap na ang bida. Iyon ang hudyat na kailangan na nilang magsuntukan.


Special mentions: BOB SOLER, CHARLIE DAVAO, ROLDAN AQUINO, EFREN REYES JR, VIC DIAZ, EDDIE GUTIERREZ, JOHN REGALA, DICK ISRAEL and JOAQUIN FAJARDO.


TUNAY NA MGA PELIKULANG AKSYON NA TUMATAK SA MASANG PILIPINO:

“Agila ng Maynila” (1988) – FPJ


Si Fernando Poe Jr. bilang si Mauro Reyes. Pulis na ginipit, nilabanan ang korapsyon, at sumabog ang isang buong warehouse. Classic na kwento ng "taong-bayan laban sa sistema."


“Mistah” (1994) – Robin Padilla


Sundalo si Robin dito. Maraming barilan, maraming sigawan. May linya siyang: “Buhay sundalo, walang kasiguraduhan.” Tapos lahat sila umiiyak sa ulan habang may nabu-burnout na jeep sa likod.


“Asiong Salonga” (1977, remake 2011) – Joseph Estrada / ER Ejercito

Sa Tondo nagsimula ang lahat. Batang kalye, naging astig, naging alamat. Grabe ang sapakan. Sa 2011 version ni ER Ejercito, lahat may pomade. Kahit goon.


"Markang Bungo" (1991) - Rudy Fernandez


Based sa tunay na pulis na si Bobby Ortega. Kung gaano ka-deadpan si Rudy Fernandez ganun siya kabilis magbunot ng baril. Trademark niya ang lilipad na katawan sabay roll sa lupa.


“Nardong Putik” (1971) – Ramon Revilla Sr.


May agimat. May madyik. May baril. May tabak. Kung bida si Ramon Revilla Sr., hindi sapat ang isa. Minsan ang bida, amain ng kalaban, pinsan ng mayor, at may kapangyarihang taglay mula sa sinaunang panahon. O diba?


- LISTAHAN NG PINOY ACTION FILMS -

Nakaka-miss talaga ang mga Pinoy action movies. Siguro ay talagang napaglipasan na ng panahon ang mga ganitong pelikula. Hindi na rin kasi naa-appreciate ng mga kabataan ngayon ang mga ganitong movies. Wala na rin sa mga bagong artista ngayon ang nalilinya sa action genre. Mas gusto na nilang maging dramatic actors at umiyak nang sabay na tumutulo ang luha at uhog. Wala na ang nangahas na sundan ang yapak nina FPJ, Erap, Ramon Revilla, Lito Lapid, Philip Salvador, Ace Vergel, Robin Padilla, Jeric Raval atpb. Baka makornihan na ang henerasyon ngayon sa mga taglines ng bida at kontrabida. Iba na kasi ang panahon ngayon mas uso ang kwentong pag-ibig na may halong drama at higit sa lahat mas nagugustuhan na ng kabataan ang panlasa ng Kpop drama, horror at komedya.



Dahil sa pelikulang aksyon, natuto tayong lumaban. Natuto tayong hindi lang tumakbo sa problema.


Ang bida ay laging para sa masa. Hindi siya mayaman. Minsan tricycle driver. Minsan dating sundalo. Pero lagi siyang may prinsipyo. At sa dulo, kahit duguan, nakatayo pa rin siya, habang ang theme song ay pabulong na sumasabay sa hangin.

 
 
 

Comments


Join my mailing list

© 2023 by The Book Lover. Proudly created with Wix.com

bottom of page