top of page
Search

The After Class Hours: Ghost Fighter Binge Watching in the 90s

  • Writer: Jack Maico
    Jack Maico
  • 4 hours ago
  • 4 min read
"Heto na ang aking isandaang porsyentong lakas!" - Toguro
"Heto na ang aking isandaang porsyentong lakas!" - Toguro

Sa mundo ng mga batang lumaki noong dekada ’90, isa sa pinakamatinding alaala na hindi kailanman mabubura ay ang pag-uwi mula sa klase habang nagmamadaling buksan ang telebisyon para lamang mapanood ang Ghost Fighter. Sa Japan, kilala ito bilang Yu Yu Hakusho, ngunit sa Pilipinas, mas sumikat ito sa Tagalog na bersyon. Ang tambalan ng madidilim na tema, nakakatuwang Tagalog lines, at kakaibang kuwento ay naging perpektong kombinasyon para maging isa sa mga pinakatumatak na anime sa kasaysayan ng Philippine television. Isa ako sa tagahanga ng anime sa TV na ito dahil sa kwela, aksiyon at mga kakaibang mga character sa programa. Alam naman natin kahit ang mga batang Pilipino ay mahilig sa mga "demon world" na palabas na may halong komedya at bakbakan. Present ako diyan!


Isa ito sa mga anime na ipinalabas ng GMA-7 noong hapon—kasama ng ibang paborito tulad ng Flame of Recca at Slam Dunk—pero kakaiba ang dating ng Ghost Fighter. Mula sa iconic opening theme na may kasamang malupit na guitar riffs, hanggang sa malulupit na laban na puno ng sigawan at powers, naging instant hit ito sa mga kabataang Pilipino. Ngunit higit pa sa mga laban, tumatak ito dahil sa mga karakter at sa kanilang kwento ng pagkakaibigan, sakripisyo, at paglaban para sa tama.


Ang bida sa serye ay si Eugene (Yusuke Urameshi sa original), isang high school delinquent na nasagasaan matapos iligtas ang isang batang masasagasaan sana. Dahil sa kabutihan ni Eugene kahit basagulero, binigyan siya ng pangalawang pagkakataon sa buhay bilang isang Spirit Detective—isang tagapamagitan ng mundo ng mga tao at espiritu. Dito nagsimula ang kanyang pakikipagsapalaran kasama ang kanyang mga kaibigang sina Alfred, Dennis, at Vincent.


Si Alfred (Kazuma Kuwabara) ang malakas pero medyo bobo na kaibigan ni Eugene. Siya ay may "Spirit Sword" na kayang humaba at tumibay depende sa kanyang determinasyon. Si Dennis (Kurama) naman ay kalmado at matalino na fighter na gumagamit ng mga halaman, rosas bilang sandata (plantito kaya siya?), lalo na ang kanyang Rose Whip. Ngunit ang pinakakinatatakutan sa lahat ay si Vincent (Hiei), ang tahimik ngunit ubod ng bilis at lakas, may kakayahang gamitin ang Jagan Eye at Dragon of the Darkness Flame—isang itim na dragon na sumasagisag sa ultimate dark power.

Toguro
Toguro

Hindi rin mawawala ang mga iconic villains ng serye. Isa sa mga pinaka-kilalang kontrabida ay si Toguro, isang dating tao na naging halimaw para lang makamit ang lakas. Naalala ko na yung ka-look alike ni Toguro na Pinoy doon sa Netflix movie na Yu Yu Hakusho, tama kamukha nga siya ni Mon Confiado hehehe. Ang kanyang hitsura—maskulado, kalmado, malamig magsalita, at may matinding karisma bilang kontrabida—ay naging dahilan kung bakit siya ang itinuturing na “greatest villain” ng serye. Sa Dark Tournament Arc, lumaban siya kay Eugene sa isang laban na punung-puno ng emosyon, tensyon, at plot twists. Ang tagpong ito, lalo na ang final match ni Eugene at Toguro, ay itinuturing ng marami bilang pinaka-exciting na episode sa buong anime. Sa laban na iyon, lumitaw ang buong potensyal ni Eugene at ang kanyang Spirit Gun na siyang tumapos sa halimaw.

Ghost Fighter Theme Song Batang 90s Lyrics

Bukod kay Toguro, mayroon ding mga katunggaling sumasalamin sa bawat bida. Si Alfred ay may sariling rival na malakas din, si Dennis ay nakipaglaban sa kapwa niyang cunning fighter, at si Vincent ay may mga katapat na nagpapakita ng mga dark powers din. Ang ganitong mga laban ay nagpapakita ng malalim na character development, kaya naman napamahal lalo ang mga manonood sa kanila. Talaga nga naman na inaabangan ng bawat batang Pilipino ang mga death matches sa Ghost Fighter. Wala kang makikitang mga bata noon sa kalye bandang alas kuwatro hanggang alas-singko ng hapon dahil lahat ay nakatutok sa paborito nilang Ghost Fighter. Minsan may mga nakikita kang nagkukumpulan sa isang bahay, at yung mga napa-stop over ay nakikinood na lang para walang mapalampas na eksena.


Ang dahilan kung bakit sobrang minahal ito ng mga batang Pilipino ay simple: relatable ang mga bida. Kahit may powers sila, may pinagdaraanan silang takot, kabiguan, at mga desisyong kailangang gawin para sa kabutihan ng iba. Ang pagkakaibigan nila ay parang barkadahan sa kanto, kung saan kahit palaging nag-aasaran ay handang magsakripisyo para sa isa’t isa. Bukod dito, ang Tagalog dubbing ng serye ay napakahusay—puno ng banat, hugot, at mga linyang sobrang quotable. Sino bang makakalimot sa mga linyang, "Tara na, boys!" o "Hindi pa tapos ang laban!"?


Hapon-hapon, sabay-sabay na manonood ang mga bata sa sala, kumakain ng tinapay at softdrinks o di kaya ay tsitsirya, habang sigawan sa kanto kung sino ang magaling makipaglaban—si Eugene o si Vincent. May mga bata ring ginagaya ang galaw ni Vincent habang sumisigaw ng "Dragon of the Darkness Flame!" gamit ang walis-tambo bilang espada. Sa eskwelahan, talakayan ng mga episode ang usual na usapan sa recess. It was really a hit back then kahit mga teenagers at may mga edad na ay nakatutok sa panonood at nagiging tagasubaybay na rin ng Ghost Fighter. Nagkaroon pa nga ng mga tsitsirya noon na ang pangalan ay Ghost Fighter masundan lang ang kasikatan nito at pati sa mga cheese curls na tsitsirya ay yun ang naka-print na design.


Ang Ghost Fighter ay hindi lang basta anime. Isa itong bahagi ng pagkabata ng isang henerasyon. Hanggang ngayon, sa dami ng mga bagong anime na lumalabas, palaging binabalikan ng mga Batang 90s ang kwento ng apat na mandirigmang ito—na nagtagumpay hindi lang sa mundo ng anime, kundi sa puso ng bawat batang Pilipinong tumangkilik dito.

 
 
 

Comments


Join my mailing list

© 2023 by The Book Lover. Proudly created with Wix.com

bottom of page