Walang Pasok in the 90s Era
- Jack Maico
- 2 days ago
- 5 min read

Alas-singko ng umaga. Hulyo 1997. Sa loob ng kulambo.
Naririnig ko na ang ingay ng kapitera at tila nangangalit na ang mga bula sa pagkulo nito. Nakapikit ngunit gising na ang g diwa sa ilalim ng kulambong pumoprotekta sa kagat ng lamok sa magdamag. Nakabalot pa ang kumot sa aking giniginaw na katawan habang sumasagitsit ang lakas ng kidlat at kulog habang rumaragasa ang buhos ng tubig ulan sa aming bubungan.
Dinig ko na ang tinig ng aking nanay at ako'y kanyang tinatawag na para magtanggal ng antok at magmuni-muni habang titimplahan niya na kami ng aking kapatid ng gatas o kaya'y kape. Uso na noon ang humingi pa ng dagdag na limang minuto upang umidlip muli dahil na rin sa masarap pang matulog at namnamin ang lamig ng panahon sa umagang umuulan. Talaga nga namang nakakabitin ang pagtulog kapag ganito ang inihahain na tukso sa iyo ng klima.
Gising na pala ang aking kapatid at siya'y nasa harapan na ng lamesa. Iniligpit ko na ang pagkakatali ng kulambo mula sa mga gilid gilid na mga pako sa aming kwarto at iniayos na rin ang mga unan, kumot, pajama, at mga pang-akap. Kukuso't-kusot ang mga mata at lumabas ng kwarto, umupo sa harap ng lamesa habang di mapigil ang hikab at pagpipikit-pikit ng mga mata.
Sa aking gawing kanan ay nakasalang na sa kawali at rinig ko na ang pagtilamsik ng mantika sa hotdog na piniprito ni nanay. Amoy ko na ang aroma ng umuusok na kape sa pagkakatanggal ko ng takip sa aking tasa. Hawak ko ang tainga ng aking tasa habang humihigop-higop ng paunti-unti. Habang nakasalang ang aming aalmusalin ay binuksan ni nanay ang aming radyo upang makinig ng balita kung masususpindi nga ba ang pasok namin sa eskuwelahan sa araw na iyon. Hindi pa uso ang balita sa TV noon. Ang lahat ay nakatutok talaga sa radyo at totoo nga namang kapaki-pakinabang pa ang mga AM stations pati sa mga kabataan. Wala pang Twitter, Threads at walang Facebook, kung saan duon ka na lamang titingin kung ano nga ba ang pasya ng inyong lokal na pamahalaan kung magkakaroon ba ng pasok o masususpindi ba buong maghapon.
Tagapaghatid ng balita kung may pasok ba o wala ay iisa lamang, ito ay ang DECS o Department of Education Culture and Sports sa pangunguna ni Dr. Nilo Rosas. Siya ang lagi mong maririnig sa DZMM (radyo station ni Nanay) na mag-aanunsiyo kung may pasok ba ang mga estudyante o wala. Sa panahon ngayon ang inatasan na sa ganitong responsibilidad ay mga Mayor o Governor sa kanya-kanyang probinsiyang lokal na pamahalaan. Hindi katulad noon na DECS ang nagaanunsiyo. Malayo ang aming eskuwelahan sa aming bahay simula nung lumipat kami ng Multinational Village sa Paranaque galing sa San Andres Bukid, Manila kaya medyo crucial na malaman namin agad ang anunsiyo kung may pasok ba o wala. Ayaw namin suungin ang malakas na buhos ng ulan habang hirap sa pag-aantay ng jeep na aming sasakyan papunta naman sa LRT station ng Baclaran. Kung may pasok paniguradong hassle sa paglabas pa lang sa kanto siguradong basa na kami dagdag mo pa ang struggle namin sa flooded area ng aming barangay.
On this era, kapag sinasagot ng mga taga DECS ang katanungang may pasok ba o wala ay malaki ang tsansa na either sa dalawa ang kanilang isasagot. Sa ngayon kasi kapag may tumawag na opisyal na galing sa lokal na gobyerno nagiging awtomatik na wala talagang pasok. May mga kabataan din na mismong minemessage sa social media ang kanilang mga mayor para pilitin si mayor na wala na sanang pasok. Konting ulan lang ngayon at kahit na normal lang na pag-ulan lamang ay malamang sa malamang na isususpinde na ang klase. Kaya't laking sisi rin ng mga guro, dahil ang iba ay kailangang maghabol ng kanilang ilelesson sa araw na iyon. Samakatuwid, sayang ang araw dahil kaunting ulan lamang at tumila naman ito pagdating ng hapon.
Sa panahon ng dekada nobenta, AM radio ang hari ng impormasyon—lalo na sa mga estudyanteng naghihintay ng himala mula kay Ernie Baron o sa mga lokal na anchor ng radyo. Alas-singko pa lang ng umaga, gising na ang buong bahay, tahimik na nakikinig sa bateryang radyo habang binabanggit isa-isa ang mga lungsod at bayan na may suspensyon ng klase. Kapag narinig na ang "Walang pasok sa lahat ng antas sa buong Cavite," sabay-sabay ang sigawan ng tuwa sa loob ng bahay—parang nanalo sa raffle ang buong pamilya!
Iba ang itsura ng kalsada sa Pilipinas tuwing bumabagyo. Madilim pa kahit umaga, may ulap na kulay abo at hangin na para bang may galit. Kumakampay ang mga sanga ng punong kahoy, naglalaglagan ang mga dahon, at ang mga kalsada ay tila naging ilog sa tindi ng ulan. Ang mga tricycle ay halos lumulutang na sa baha, habang ang mga jeep ay tigil-operasyon dahil sa taas ng tubig sa daan. Ang mga eskinita ay nagiging playground ng mga batang walang takot sa ulan—nagsusuot ng plastik na supot sa ulo, naglalakad nang nakapaa, at tumatawa habang naliligo sa ulan na parang hindi delikado ang bagyo.
Kapag opisyal na ngang walang pasok, instant holiday ito para sa mga bata. Minsan ay naglalaba ng mga laruan sa ulan, o kaya ay nagkakaroon ng instant mini swimming pool gamit ang planggana o drum. May ilan din na nanonood ng TV habang may kuryente pa—“Batibot,” “Ang TV,” o kung swerte, ay isang morning cartoon marathon sa RPN 9. Kapag nawalan ng kuryente, oras na para maglaro ng teks, holen, o taguan sa loob ng bahay. Samantalang ang mga magulang ay abala sa pagbabantay sa baha sa labas, ang mga bata ay abala rin—sa pagtawa, paglalaro, at pagtangkilik sa kakaibang saya ng isang hindi inaasahang araw ng walang pasok.
Sinususpindi ang mga may klase ng pang-umaga at kapag umaraw ng bandang hapon ay dalawang anunsiyo ang hihintayin niyo at asahan mong magkakaroon ng pasok ang mga estudyante ng pang-hapon.
Gising na ang aking diwa sa pagkakainom ng masarap na kape at naiahon na rin ang aming almusal na hotdog sa ibabaw ng lamesa. Inim na rin ang kanin at handa na kaming kumain ng almusal habang si nanay ay inilatag na ang kabayo ng palantsahan upang pasadahan na ang aming unipormeng pamasok. Malakas pa rin ang ulan. Inihanda niya na rin ang aming mga kapote at tsinelas. Isinilid na ang sapatos sa plastik kasama na ang nakabalumbun na medyas sa magkahiwalay na lalagyan. Binalot na rin namin ang aming schoold ID sa plastik para hindi ito mabasa, kasama ang aming mga relo na hindi waterproof.
Ito na ang pinakaaabangan namin kausap na ng nagkokomentaryo sa radyo na si Ka Noli De Castro ang kalihim ng DECS na si Dr. Nilo na may pagka-Ilonggo sa lambing at tono ng kanyang pananalita. Ubos ko na ang aking Purefoods TJ Hotdog, nakaupo na lamang at naghihintay ng anunsiyo at umaasang wala nga sanang pasok dahil reporting ako sa araw na iyon sa aming Science subject.
Sa likod ng panganib ng bagyo ay ang simpleng kasiyahan ng kabataang Pinoy noong ‘90s—mga batang kayang gawing playground ang ulan, at radio announcement ang pinakaabang-abang na parte ng umaga. Sa gitna ng dilim, baha, at takot, nariyan ang liwanag ng munting kaligayahan: ang libreng araw na parang Pasko sa gitna ng kalendaryo ng Hunyo, Hulyo at Agosto.
Nag-anunsiyo.....
Tsaraaann!! may pasok daw! Putragis! Ang susunod ko namang kakaharapin ay ang lamig ng tubig na dadaloy at guguhit sa aking nilalamig na katawan.
Akala ko ay makakapanood na ko ng mga palabas sa TV na hindi ko napapanood sa tanghali at kahapunan. Kagaya ng Teysi ng Tahanan, Eat Bulaga, Cristy Per Minute at ang "4:30 na, Ang TV na!"
"Nay mag-init ako sana ng tubig sa kapitera, pang-ligo."
"Hindi na, sa unang buhos lang yan, malalate na kayo ng kapatid mo kung mag-iinit ka pa. Bilisan mo na lang maligo at susunod pa ang kapatid mo."
Klasik days! Miss you nay!
댓글