Walking Down Memory Lane at My Childhood Place at 2120 Ciriaco Tuazon Street, San Andres, Manila, Part 1
- Jack Maico
- 2 hours ago
- 14 min read

Bago ako mag-umpisa I drink a lot of water to begin with and hopefully hindi ako dalawin ng aking mga pagkabog sa aking dibdib sa aking mahabang pagsusulat na ito. I don't want to be bother of anything or any supernatural disturbances, if you know me well since my mother passed away last year, naging prone ang bahay namin sa kababalaghan na bumabalot sa kabilang kwarto. Iniwan kami ng unang katulong namin at hindi siya nakatapos ng isang linggo sa mga pagpaparamdam at nakikita niya. Pangalawang katulong ang dumating, she stayed because she really need this job pero hindi namin naikwento sa kanya yung mga experience nung unang kasambahay namin pero may mga nashashare din siya sa amin sa mga nararamdaman niya dito sa bahay. But this is not the topic of this blog at medyo napahaba na rin ako ng kwento sa inyo. But if my readers is interested on what's going on in this house despite of my heart condition plus this supernatural experience I can create a separate post. So, here we go, isang mahabang kwento mula sa aking lugar na kinalakihan. Pag-usapan natin.
Lumipas man ang panahon, madagdagan man ang ating edad sa mundong ito ay may mga espesyal na lugar pa rin ang ating hindi malilimutan lalo na kapag sa lugar na yun nailagak ang mga alaala ng ating kamusmusan.
1981, 2120 Ciriaco Tuazon St. San Andres, Manila
Dito sa taong ito at sa lugar na ito tumahan ang panahon ng aking kabataan. Isang simple at mapayapang kalye na matatagpuan sa pusod ng San Andres Bukid, Malate, Maynila. Kakaunti pa lamang ang tao nuon sa aming lugar. Yung mga panahon na napakasarap pa maglalakad sa kalye dahil hindi pa ganoon karami ang masasamang tao at krimen noon. Quality ang kinis ng kalye namin at maayos ang mga kanal, hindi nagbabaha puwera na lang kung may bagyo at walang tigil ang ulan sa mahahabang oras. May mga krimen ngunit hindi nababalita ang aming lugar sa hindi magagandang gawain ng tao. Yung malaya kayong makakapaglaro sa kalye mula tanghali hanggang ala-sais ng gabi. Oo, ala-sais ng gabi ang curfew naming mga bata, basta pagkalembang ng kampana ng simbahan na dinig sa di-kalayuan ay hudyat na para magpaalam ka sa mga kalaro mo at para gawin mo na ang mga assignments mo kung ang uwi mo sa eskuwelahan ay alas-dose ng tanghali. Ito ring lugar na ito ay simbolo ng paggalang ng mga tao sa kalembang ng simbahan. Kapag narinig na namin ang kalembang ay maghihintuan ang lahat sa kani-kanilang puwesto, magsasign of the cross at mananalangin. Ito ang tinatawag na "Angelus". Ang iba naman sa aming lugar na amin ring ginagawa ay nagrorosaryo ang magkakamag-anak o pamilya tuwing Linggo sa tuwing sasapit ang ala-sais ng gabi. Walang magbubukas ng telebisyon o radyo hanggat hindi natatapos ang pagrorosaryo at higit sa lahat dapat na nakapagsaing na bago mag-rosaryo para pagkatapos nito ay sama-sama nang kakain ang pamilya. Hindi man magkasya ang lahat sa lamesa ay puwede sa salas kumain o kaya ay umupo sa sahig habang ang lahat ay nanonood sa telebisyon. Ganyan ang aming simpleng buhay noon sa Maynila.

Tunay nga namang napakahabang taon ko rin naging tahanan ang kalyeng ito. Kabisado ko pa ang aming address sa loob ng 16 years na pananahan, 2120 C. Tuazon St. Ang kalyeng sinanayan kong lumakad gamit ang andador na binili sa akin ni tatay at nanay, ang mga kalye rin na ito ang nagpatatag ng aking mga binti mula sa paglakad at pagtakbo tuwing ako'y inuutusan sa tindahan nila Aling Meding, dito rin sa kalye na ito humalik ang aking tuhod sa semento sa pagkakadapa nung unang pagkakataon kong tinanggal ang extrang gulong sa likod ng aking unang pulang bisekleta, mga galos, sugat at hapdi na mararanasan ng isang batang kalye sa tuwing siya'y makikipaglaro ng mataya-taya sa kanyang mga kalaro. Unang gupit ng aking buhok, unang hairstyle at ang unang pagkakataon na maging estudyanteng iyakin nang simula na iniwan na ako nila tatay at nanay sa kalye ng Fermin St para sa aking pagpasok sa Kindergarten.
Dito sa aming lugar ay magkakakilala lahat ang tao maski sa ibang kalye pa sila nakatira. Naging magkakaibigan dahil magkakasama sa isang paaralan. Nagkaroon ng familiarity ang bawat isa at lubos rin ang paggalang sa bawat kapwa-tao. Napakasarap umuwi galing eskuwela habang kayong mga classmates mo ay sabay-sabay na naglalakad at nagkukuwentuhan at nagkakantiyawan. Mga kuwentuhang wala lang, out of this world at mga tsika ng kung anu-ano. Ito ang isa sa pinaka namimiss ko noong kabataan ko.
Kumpleto rin sa establisyemento ang aming lugar mula sa talipapa, barberya, mga tindahan, grocery katulad ng Manels Mart noon, clinic, dentist, mga panaderya, pawnshop, patahian, gas station, simabahan, paaralan, comic stand, burger stands katulad na lamang ng Minute Burger, Bart Burger, Burger Machine at noong meron pang Smokeys, meron ding mga manghihilot para sa mga katulad kong bata noon, lalo na kapag nalalamigan at nasisinat. Tandang tanda ko pa si Mang Demet na aking manghihilot at Mang Inciong naman ang personal na mangugupit na hitik sa mga hubad na kalendaryo ang maliit na barberya. Pampahatak nga naman ito sa mga customers niya kahit saan kang anggulo tumingin ay panay haponesa o pinay na kalendaryong nang-aakit ang iyong makikita at kahit siguro kung makita mo yung araw ng pagbabayad mo sa utang o yung deadline na araw mo sa pagbayad ng Meralco ay makakalimutan mo pansamantala.
"Iho anong gupit?"
"3x4 lang po Mang Inciong."
"Ah, gaya ng dati."
"Opo!"
Ang aming bahay ay duplex style ngunit mala-Kastila ang istruktura. Ito ay inuupahan lang namin at dalawang pamilya ang nakatira. Ang panganay na kapatid nila nanay at kami at mga kapatid ni nanay at si Lolo. Bahagi lang kami ng bahay ngunit may pintong naglalagos sa bahay ng kapatid ni nanay. Napakasaya talaga kapag extended family kayo at kasama kong lumaki ang aking mga pinsan. Naaalala ko pa nang kaming magkapatid ay nakikipanood pa sa kuwarto ng aking mga pinsan dahil sila ay colored TV na, at kami naman ay Sanyo na black and white pa ang pinanonooran. Mas masaya kasi manood ng may kulay kaya kami nakikinood lalo na kapag nakakatakot ang palabas sa Mother Lily's Regal Presents tuwing Lunes o di kaya ay Million Dollar Movies kapag Linggo pero minsan lang kami nanonood niyan kasi maaga kaming pinatutulog dahil may pasok na kinabukasan. Yung Regal presents nakakanood pa kami kasi pagkatapos lang yun ng TV Patrol, bandang alas-siyete matatapos yun mga alas nuwebe sabay tulugan na, at minsan napapanaginipan pa namin yung mga nakakatakot na palabas kaya minsan kahit gusto mong umihi sa gabi ay natatakot kang lumabas ng kulambo mo.
Marami ring antique at muwebles ang bahay ng kapatid ni nanay. Isa na rito ang nagsisilakihang poon sa 2nd floor ng kabilang kuwarto. Sa kuwarto na ito makikita ang pinakalumang gamit, mula sa lumang tumba-tumba ni lola, mga antique na kabinet at aparador, ang lumang makinilya, at yung vintage na Singer brand na sewing machine, yan yung may manibela sa ilalim na lagi kong iniikot kapag wala akong magawa. Hindi ko rin makakalimutan ang buntot pagi na nakasabit sa 2nd floor ng banyo sa kwartong iyon. Ito daw ay proteksiyon para sa masasamang espiritu. Hindi ko rin naman makakaila na may mga espiritung nananahan sa aming lumang bahay sa San Andres, sapagkat sa twuing aakyat ka sa hagdanan sa itaas ay pawang pakiramdam mo na may mga matang laging nagmamasid sayo at bigla ka nalang kikilabutan.
Ang aming kalye ay puno rin ng mga sikat na artista. Madalas mag-shooting dito ang gaya nila Ace Vergel at John Regala. Doon kasi sa dulo ng aming kalye at pagliko mo ay may mga barong barong na puwedeng gawing scene ng mga goons para makipagbugbugan o makipagbarilan ang bida kaya siguro gustong gusto ng mga producer ng pelikula na dito mag-shooting. Pero wag ka, ang tapat ng bahay namin ay nakita kong naglalaro ang maliliit pang sila Claudine Baretto at Marjorie Baretto. May bahay kasi sila sa aming tapat at kitang kita sa aming bintana ang kanilang malawak na garden kapag dumungaw ka. Sa aming eskuwelahan naman noon ay may concert tuwing araw ng Foundation Week at doon ko unang nakita si Jolens, yes si Jolina Magdangal, Ten Ten Munoz at Gino Padilla na kinanta ang "Closer you and I" yan yung themesong ng isang sikat na tooth paste commercial. Nung pasikat pa lang si Ogie Alcasid ay bumisita rin ito at guest sa aming Foundation Week na ginaganap tuwing Pebrero.
At dahil napag-uusapan na rin ang mga artista. Naging schoolmate rin namin sa St Anthony School sina Jackie Forster, Katya Santos at Kathleen Hermosa. Dito rin sa eskuwelahan namin nag-aral ang mga anak ng mga dating PBA players na sina Donking Sasuman na naglaro sa Purefoods at Kevin Ramas na naglaro naman sa Alaska.
Kabisado ko pa ang tirahan ng aming mga kapitbahay. Noong 1980s ay wala pa ang malaking building sa kanto ng aming kalsada. Ang nakatayo pa doon ay gas station ng Caltex. Kaya naman minsan ay hindi mahirap bumili ng kerosene na aming ginagamit sa aming kalan. Karaniwan ay bote ng Coke ang ginagamit pambili ng kerosene at minsan na rin akong nautusan na bumili nito. Naging runner ako ng mga kailangang bilhin mula sa bato ng lighter at sigarilyo ni Lolo hanggang sa mga sangkap katulad ng paminta, bawang, sibuyas, asin, ajinomoto, shampoo, sabon, methiolate, kandila, chichiria, softdrinks at kung anu-ano pa. At dahil hindi pa ganoon katalas ang memorya ko habang humahaba ang pinabibili nila ay ginagawan nila ako ng listahan hanggang tatlong item lang kasi ang kaya kong mamemorya.
Maraming bilihan ng tindahan dito pero kadalasan akong nakakabili ng mga inuutos ni nanay at mga kapatid niya ay kila Aling Meding. Meron akong blog post tungkol sa tindahan ni Aling Meding, ito ang aking naging paboritong sari-sari store dahil sa sobrang dami at laging bago ang kanilang mga itinitindang tsitsirya. Masarap din at iba't-ibang flavor ng ice candy ang inilalako nila Aling Meding. Kapag naman wala silang tinda ng spices na pinabibili sa aking katulad ng pamintang-durog at tatakbo naman ako sa kanto, umaasang meron tindang pamintang-durog kila Aling Dely, sa tindahan ni Aling Dely ay mayroong asong laging nakabantay sa animoy rehas na klasik na design ng tindahan. Ang pangalan ng aso ay si "Pluto". Marami rin tindang tsitsirya sila Aling Dely pero hindi katulad ng tigpipisong tsistsirya na meron si Aling Meding. Hindi ko pa kasi afford noon ang mga Mr Chips, Chippy at Piattos. Alam niyo naman kaming mga batang 90s kung ano lang ang maibigay bilang reward sa amin sa pag-utos ay yun lang ang matatanggap kaya stay lang tayo sa tigpipisong tsitsirya kaya hanggang Pompoms lang muna, bawi na lang sa masarap na tsitsirya kapag nag-grocery na kami ni nanay sa Manels Mart sa harap ng aming eskuwelahan.
"Nak, bumili ka nga muna ng paminta. Sabihin mo yung durog ha pamintang durog."
"Yes, nay, pamintang durog!" (sabay karipas ng takbo sa tindahan)
Sobrang gamit na gamit ang pagiging runner ko lalo na kapag Kapaskuhan, siyempre maraming niluluto para ihanda sa aming gabi ng Noche Buena at marami silang nakalimutang sangkap na bilhin sa palengke o mas pinili nila na sa tindahan na lang bilhin ang sangkap na yun at ako nga ang nautusan. Noon nga, ang akala ko sa Coke 500 ay parang sa gas station na may isasalin lang na hose dun sa bote, kasi pagkabili ng mga pinsan ko aba may laman na yung bote na kanina lang naman ay walang laman. Yun pala bagong bote yun. Akala ko nilalagyan. Nakakatuwa ang mga kainosentehan noon sa mga bagay na wala ka talagang ideya kung paano ito nagawa. Hahahaha!
Naaalala ko rin ang bahay at tindahan nila Catherine na kaklase naman ng aking pinsan sa high school. Lagi akong bumibili ng Chocnut dito pero sa kasamaang palad ay maagang pumanaw si Catherine dahil sa isang malagim na trahedya noong kasagsagan ng bagyo somewhere in the 90s. Ang sumunod naman na kahilera ng kanilang bahay ay ang bahay nila Aling Senyang at Mang Enteng na punong puno rin ng mga santo at rebulto at marami din silang halaman. Si Aling Senyang siguro ang una kong nakitang plantita sa buong buhay ko. Ang sumunod ay bakanteng lote at ang susunod ay bahay ng aking classmate na si Ryan, ito yung bahay na nasabi ko kanina na pinaglalaruan ng magkakapatid na Baretto. Sumunod ay apartment. Maraming nakatira dito at may mga classmate din ang aking pinsan na naninirahan sa mga apartment na yun. Naaalala ko yung apartment na yun tuwing Kapaskuhan dahil kapag inuutusan ako sa gabi ng bumili ng kung ano ay napakaganda ng disenyo nila na Christmas lights sa gate ng kanilang apartment. Mapapasabay ka talaga sa kantang, "Kumukuti-kutitap, bumubusi-busilak" ni Ryan Cayabyab.
Ang kahilera naman namin ay yung malaking building sa kanto. Sumunod na bahay ay sa Manimbo family isang buong gate ngunit maraming bahay sa loob. Ang susunod ay paborito ko, hindi siya bahay, rentahan siya ng mga VHS tapes kung saan tuwing weekend ay bumibisita ako para tumingin ng mga bagong labas na tapes.
"Tol, may bago ba kayong labas na Wrestling diyan?"
"Meron kaso nahiram na hindi pa naisosoli. Maganda yun Wrestlemania 8, yun ang latest."
"Sayang naman. Pa-reserve na lang kapag naibalik na."
Sumunod na bahay ay kila Merino. Alam ko may lahing Espanyol ang nakatira sa bahay na ito at kras ko yung nakatira dito si Elizabeth. Ayieeehh. May kapatid siyang singer na laging kumakanta at parang may recording studio sa loob ng bahay nila.
Sumunod ay bahay namin ang 2120 C Tuazon st. Duplex style ang bahay namin, isang istruktura pero dalawa ang nakatira sa pamamagitan ng dibisyon sila Mune at Kalot ang aming kapitbahay. Pero simula nang mabili itong bahay ay pinag-isa na ang bahay at wala siyang division. Minsan kila Mune at Kulot kami nakikitawag at nakikidial para tumawag sa telepono kungmay kailangan tawagan o may tumatawag sa amin at kami ang hinahanap ng caller ay kumakatok sila sa amin para makiraan sa bahay nila para sagutin ang tawag long distance from abroad. Ito yung klasik na telepono yung iniikot yung numero para idial. Sumunod naman sa kanila ay ang bahay ni Alex Fernandez, isa siyang goons na pulis. Medyo siga kasi ang pulis na ito at minsan na rin na kinakatakutan sa aming kalye. Ayaw na ayaw niyang may pumaparadang sasakyan sa kanyang harapan kahit pa sa kabilang side basta sa tapat niya ayaw niya. Minsan ko rin nakita noong may pumaradang taxi at umalis ang driver para mananghalian sa dulong karinderya. Maya maya pa ay sinira niya ang side mirror nito at kitang-kita ko yun. Ako ang eye-witness. Nagtago na lang ako sa takot. Ang sumunod ay ang bahay ni Aling Fe at Bokyo, si Bokyo na minsan ko ring nakalaro ng mga tau-tauhan at teks. Ito yung klase ng laruan na puwede mo gawaan ng istorya, minsan pinag-aaway niyo ito sa di malamang dahilan depende kung anong kwento ng istorya niyo kung bakit niyo pag-aawayin. Ang mga tau-tauhan rin minsan yung tinitira ng toy gun sa mga booth sa karnabal, kapag napatumba mo lahat ng tau-tauhan ay may libre ka, may libre kang tooth.... joke lang kanta yan ng Grin Department. May libre kang stuffed toy o di kaya ay mga kendi.
Ang aming kalye ay nagmistulang alaala ng iba't-ibang klaseng trahedya. Nariyan ang mga alaala ng ashfall ng Mt.Pinatubo na umabot hanggang Maynila. Isang umaga ang akala namin ay umuulan na ng snow sa Pilipinas sapagkat pagkagising ng lahat ay may gulat na naramdaman sapagkat mala kulay abo ang aming kalye, makakapal na abo ang tumakip sa mga winshield ng kotse. Nabalot ang mga bubungan at daanan ng abong ito na dulot ng pinsala ng pag aalburoto ng bulkan. Buwan ng Hunyo naman ang matinding pagbaha dulot ng mga bagyo. Hindi binabaha ng ganito ang aming lugar maliban na lamang sa malalakas na pag-ulan na tumatagal ng mahabang oras. Dito ko naman naranasan na isakay ako sa batya ng aking nanay at tita. Tuwang tuwa ako dahil akala ko talaga nasa beach na ko sa loob ng bahay. Taong 1995 naman ng nagkakaroon lagi ng shortage sa kuryente ang aming lugar at umaabot ang brownout ng mahigit walong oras kada araw. Nagkaroon din ng takot dahil laging sumasabog ang poste na malapit sa bahay sa tuwing mag-aalasais ng gabi dahil hindi kinakaya ng boltahe ng kuryente sa poste kapag sabay-sabay na gumagamit ng kuryente ang buong street namin,6 nasak45to pa kasi noon na magdi-Disyembre, ang lahat ng tahanan ay kaya pang maglagay ng Christmas lights sa bawat tahanan. May mga katatakutan ding kwento ang aking narinig katulad na lamang ng White Lady na hinahabol daw ng mga barangay tanod at lumusot daw ito sa aming harapang pintuan. Ang mga tita ko daw ay may nakitang malaking anino ng paniki na tumambad sa aming bintana.
Ang Street Viewer ng Google ay nagmistulang time machine para sa akin para balikan ang mga lugar na aking kinalakihan. Ang ilan ay mga biswal na larawan ng aming kalye at mga lugar na may espesyal na alaala sa aking puso. Kung meron lang sanang existing ng mga street viewers noong dekada nobenta ay mas maraming alaala akong maikukuwento and I think mas maraming nostalgia memories ang magbabalikan.

Back in 2019, pumasyal akong muli sa dating tahanan. Ibang-iba na ito at iisang bahay na lang siya. Gusto ka lang ilarawan ang itsura ng lumang buhay. Yung dalawang bintanang sa taas na pa-ekis ang disenyo, yan rin talaga ang style noon. Naaalala ko pa nang dito ako tumatambay at kapag walang magawa sa bandang hapon ay dumudungaw ako dito at naninitsit ng dumadaan sabay nagtatago kapag may lumingon sa akin. Dito ko rin nasisilayan ang ganda ng langit tuwing bagong taon, ang mga pailaw at mga putukan sa kalawakan. Mula dito tanaw ko ang kampana ng simbahan ng San Antonio De Padua, ito rin ang Catholic chool na aking pinapasukan. Sa bintana ding ito natanaw ang mga batang Claudine at Marjorie Baretto nung bumisita sila sa malaking bahay sa tapat namin. Ang bintanang ito ay kwarto ng aking tita mama, siya ang pinakamatanda sa magkakapatid sa side ng nanay ko. Dito kami nakikinood sa gabi kapag nakapatay ang TV sa salas, nanonood kami dito ng McGyver at tandang-tanda ko pa ang kinatatakutan naming palabas ang Twilight Zone sa Channel 13 ata ito. Sama-sama kaming nanonood ng mga pinsan ko habang nakapatay ang ikaw.
Yung gate sa kanan ay gate namin papunta naman sa bahay namin sa loob may divider sa loob sa bahay namin at sa bahay nila mama pero nakakapasok kami sa kanila at nakakapasok din sila sa amin. Tanda ko pa na kulay kahel ang pintura ng aming gate. Wala pa ang pader na katabi ng gate. Dito naman naka-pwesto ang pintuan nila tita mama. Hindi pa siya pader kundi mga halaman sa harap ng bahay, iba't-ibang uri ng halaman katulad ng gumamela, sili at yung bulaklak na kulay pink na may tinik sa tangkay na kapag tinanggal mo sa dulo ay may matamis na parang nektar. Ito rin ang ginagamit ng bata para pitasin ang bulaklak at sabay sinasambit ang "she loves me, she loves me not". Usong-uso ang bulaklak na yan noong dekada nobenta. Sa likod na bahagi kaparehas lang din ang disenyo ng bintana at ito ay kwarto para naman sa mga pinsan ko na anak ni tita mama. Dito hindi mabilang ang mga santo at santa na naka display bukod pa sa mga santong naka-display sa aming altar na kaharap ng aming dining table. Talamak ang brownout noong 90s kahit sa gabi kaya minsan sa harapan ng aming gate ay dito kami tumatambay para magpahangin at magkwentuhan habang kami naman ng kapatid ko ay naglalaro ng takbuhan sa kalsada dahil wala rin naman gaanong sasakyan pa noon na dumaraan sa aming kalye. Napakasayang alaala nito at kapag bumulaga na ang ilaw sa buong kalye at bawat tahanan hudyat na ito para pumasok kami para mag-hapunan yan ay kung nauna ang brownout bago kami kumain sa oras ng aming hapunan.

Kanto pa lamang ng aming lugar ay sandamukal na ang mga alaala. Dati ay mahaba ang daang ito papunta sa amin pero sa huling pagbisita ko ay hindi ko malaman kung parang bakit umikli na lamang ito. Nakikita ko pa sa kantong ito nang minsang makawala ang alaga kong aso na si "Doggie" at napagod ako sa kakahabol sa kanya para ibalik sa garahe. Ang mga upuang semento sa gilid ng tindahan nila Aling Dely ay naging tambayan para uminom ng Fanta softdrinks at ang aking pagbibisekleta na may may dalawa pang gulong sa likod mula sa amin hanggang sa kanto ay napaka nostalgic para sa aking. Sa isang larawan maraming alaala.
Kapag tatawid kami sa kanto tatlo lamang ang purpose. Una kung pupunta ng Paco para samahang mamalengke si ermats at bitbit namin ang bayong, pangalawa kung magpapagupit ako kay Mang Inciong na nagsilbing barbero ko sa maraming taon. Mayroong bangkito sa labas para kung sakaling marami pang nakapila ay puwede kang umupo at pagmasdan mo muna ang mga kalendaryo niyang mga sexy celebrity chicks habang naghihintay para hindi ka mainip at pangatlo ay kung kailangan ko na magpatahi at magpasukat muli ng aking cocky pants sa tatay na sastre ng aking classmate na si Montalban.

Pero wala na si Mang Inciong, matanda na siya noong bata pa ako kaya hindi ko alam kung nananaili pa siya sa mundong ito. Yang Electronic Appliances Repair Shop ang puwesto niya noon, talaga nga naman napakaliit na espasyo lamang pero maraming kliyente. Wala na rin ang tahanan ng classmate kong si Montalban at tila napalitan na ng ukay-ukay store ang kanilang tahanan.
Hanggang dito muna at marami pa tayong tatalakayin sa part 2 ng ating memory lane sa San Andres Bukid. Sa susunod ay lalabas na tayo ng aming kalye at magsisimula ang kwento mula sa kanto ng aming kalsada hanggang sa eskuwelahan na aking pinasukan ng high school, ang St Anthony School at mga tambayan at mga ganap sa loob ng eskuwela kung bakit napakasaya ng buhay noong high school.
Comments