Your Nostalgic TV show: Takeshi's Castle on IBC 13
- Jack Maico
- 1 day ago
- 5 min read

Ganitong tag-ulan ang sarap talaga magsulat. Dadalhin ko kayong muli patungo sa masasayang alaala ng dekada nobenta, this time in a form of TV shows na lagi kong napapanood sa Channel 13. Haays, sinong hindi makaka-alala sa pinaka-panalong Japanese reality show na TAKESHI'S CASTLE? Sino?!
'Yung Japanese game show na punong-puno ng kahihiyan, kabalbalan, at kamalasang physical challenge. Nariyan ang maligo sa putikan at mag swimming sa maruming tubig, ang malaglag sa safety net habang kinakanyon ng bola, ang thrill ng square maze na dapat hindi ka mahuli ng tauhan ni Takeshi at maraming pang ibang games.
“Sinong mapalad, sino ang kaawa-awa…"
Dati itong palabas sa IBC 13 tuwing Sabado ng gabi at hindi ito pumapalya sa pagbibigay sakin ng kabag. Elementary days ko ito napapanood dati. Pag uwi ko galing sa paglalaro sa labas, derecho ako sa harap ng telebisyon. Wala nang ligo-ligo. Nasa huli ang pagsisisi. Kapag dinatnan ka ng putok, habangbuhay ka nang may putok. Bat ko ba sinasabi ‘to. Nyeta. Pagkatapos nito Magandang Gabi Bayan naman kaya hindi hassle sa mga bata at walang kaaway sa matatanda kasi magkasalungat ang time slots. Pero bago mag Takeshi hindi ko lang alam kung Shaider muna ba o Maskman ang palabas. Yun ang maganda hindi magkakasabay ang time slots at mapapanood mo silang lahat habang kumukutkot ka ng Mama Mia at Mimi Noodle Snack na pinakyaw mo kila Aling Meding.
Malupit na show ang Takeshi’s Castle, hosted by Takeshi and Iwakura, na siya ring lider ng kalaban. Orig na orig ang mga laro dito. Daan-daang manlalaro ang lumalahok at sumasali sa iba’t ibang laro/obstacles hanggang sa ma-eliminate sila. Matira, matibay (sa boses ni FPJ). Ang lider/general naman ng mga kalahok ay si Direktor Sugata ng Maskman. Sige na, ngumiti na kayo. Naaalala niyo ‘to alam ko. Siya ang laging naglalabas ng espada para utusan ang mga kalahok na sugurin sina Takeshi at ang kanyang mga alagad. Naaawa ako kay Direk Sugata kasi sa dami ng episode na napanood ko ay minsanan lang sila manalo sa Final Battle nila with Takeshi's forces.
Lagi akong natatakot doon sa larong parang maze na may dalawang nakakatakot na kalaban. Yung isang kalbo dun ay yung kalbong kalaban din sa Bioman. Pare-pareho lang ang mga artista nila. Mamamatay ata ako sa takot kung ako yung pumasok sa maze na yun. Tanginang laro ‘yan. Nagtatakip pa ako ng mata dahil magkalapit lang na pinto ang contestant at yung kalaban. Kailangan kasi dun mahanap ang pintuan palabas dun sa maze. Mukhang mga halimaw pa naman yung nanghuhuli dun.
Natatandaan niyo ba, gumanap dati si Anjo Yllana na Takeshi at si Smokey Manaloto si Iwakura. May episode na nanalo ang mga kalahok sa huling laban na barilan ng tinta ngunit panaginip lang pala ito sa huli. Nakakainis. Buti na lang at nagbibigay sila ng “special prize” sa mga kalahok na sobrang nakakatawa ang pagkaka-eliminate.
Ihanda na ang Snacku at Oishi dahil manonood na tayo ng pinakamalupet na reality show para sa mga batang kalye.
Ang unang stage ay ang Sliperry Wall. Diyan pa lang marami nang nababawas sa mga kalahok dahil sa dulas ng aakyatin nila. Lalong dumarami ang natatanggal dahil yung ibang hindi maka-akyat ay kumakapit sa iba at parehas tuloy silang nahuhulog pabalik. Bad trip! Sige ok lang galingan na lang natin sa mga susunod na stage.
Isa naman sa pinaka-nakakatawang stage eh ang maraming pinto. Ang ibang pinto eh peke lang at kapag binangga mo eh parang bumangga ka ng pader. Bibilisan mo pa naman pumasok dahil may mamaw rin na hahabol sa’yo. Nakakatawa ang mga hapon na todo takbo sabay pagpasok sa pinto eh peke pala at tutumba na lang silang parang naninigas pa.
Mga Tauhan sa Takeshi's Castle:
Count Takeshi – ang matandang parang landlord sa Ghost Fighter, siya ang may-ari ng kastilyo at laging mayabang. Pero aminin mo, 'di mo rin maintindihan anong pinagsasabi niya kahit may subtitle.
General Tani – ang pinaka-kagalang-galang na heneral sa balat ng TV. Lagi siyang may suot na Army uniform at may hawak na megaphone.
Mga Ninja nI Takeshi – mga maskarado at matitipuno na parang tambay sa gym na walang ibang ginagawa kundi ang maghagis ng foam, tubig, o kabayo.
Ang mga Contestants – mga ordinaryong tao sa Japan na ginawang human sacrifice para sa entertainment ng buong mundo. Walang insurance. Walang dignity. Basta't may helmet, laban!
Red Head at Kalbo - silang dalawa yung nanghahabol at nanghuhuli ng contestant sa Square Maze.
Mga larong natatandaan ko:
1. Bridge Ball
Maglalakad ka sa isang kahoy na tulay na walang hawakan, habang may sumisigaw sa megaphone at kinakanyon ka ng beach ball
2. Honeycomb Maze
Isang labyrinth na puno ng pintuan, ninjas, at kasamang psychological trauma. Ang mga pinto ay minsang bukas, minsan solid cement. Pag mali ka ng bukas, sigurado — mukha mong una sa pader.
3. Skipping Stones
Pang-international humiliation to. Tatawid ka ng ilog gamit ang mga "bato" na kung minsan fake pala. Meaning, lulubog ka. Minsan pa nga, split ang bagsak.
4. Mud Pool Wrestling
Contestant vs. Ninja sa isang ring na puno ng putik. Walang panalo rito. Kahit manalo ka, putik pa rin ang uwi mo.
5. Slippery Wall
Climb the wall daw. Pero 'yung wall, parang nilagyan ng mantika, floorwax. May isa pa: may mga ninja sa taas na handang manulak ng walang awa!
6. Dragon Lake Zipline
'Yung tipong babayuhin ka ng hangin habang naka-zipline tapos babagsak ka sa tubig na parang ice bucket challenge na walang premyo.
7. Spinning Mushrroom Ride
Sasakay ang isang contestant sa isang hugis mushroom na nakabitin sa ere at ang hahawakan lang ng contestant ay tali, aakap sila sa mushroom na umiikot hanggang makatawid sa safe zone.
8. Final Fall
Ito naman yung papasok ka sa isang kuweba may makikita ang contestang na limang butas at sa limang butas na yun may mga halimaw. Sa TV naka marka na "x" kung saan nandoon yung halimaw at kapag dun pumasok yung contestant eliminated na siya sa laro.
9. Cannonball Catch
Sa isang field na panay putik kailangan mong masalo ang bola na paliliparin galing sa kanyon. Kapag ipinutok na yung bola sa kanyon tatakbo ang contestant sa malambot na putikan upang saluhin ito, kapag hindi nasalo eliminated ka.
10. Sumo Ring
Dito sa larong ito may limang Sumo ring na may iba't ibang player ng kalaban at iba't-ibang kulay. Bubunot ang conetstant ng kulay at doon siya papasok para makipagtulakan o wrestling sa mga tauhan ni Takeshi. Minsan ang kalaban mo payatot, may mascot at yari ka kung mabunot mo ang kulay na sumo wrestler talaga. Kapag naitulak ka palabas ng ring ay eliminated ka.
Pagdating sa huling stage, asang-asa na kami na sana marami pa ang natira upang kumalaban kina Takeshi sa barilan. Kapag kaunti lang eh bad trip. Siguradong talo na sila at punit agad ang bilog na papel o plastik nila. Papel ba yun o plastik? Ay malamang papel yun, papel de hapon.
Minsan iniisip namin na may daya yan eh. Iniisip ko na mas makapal ang papel na bilog na gamit nina Takeshi kaya hindi agad nabubutas tapos ang hina rin ng mga baril ng mga kalahok kaya talo talaga lagi eh. Pero kada-episode pa rin kaming umaasa na matatalo si Takeshi at magtatagumpay ang mga bata ni Direktor Sugata na ang damit eh parang lider ng banda ng fiesta.
Halatang comedy show din ‘to e. Nagtatawanan lang silang lahat habang naglalaban. Hay, ang saya talaga sigurong sumali diyan.
Takeshi’s Castle wasn’t just a TV show. Isa itong cultural bonding moment ng buong pamilya. Habang naghuhugas si nanay ng pinggan, tawa siya ng tawa. Si tatay, biglang titigil sa pagtingin ng Lotto para panoorin si Kuya sa TV na lumagapak sa putik. Tayo, mga batang 90s, ginawang Olympics ang paghila ng unan para lang makaupo sa harap ng TV.
Kaya sa lahat ng nabalian, na-sprain, at na-embarrass para lang makapasok sa kastilyo ni Takeshi—saludo kami sa inyo! Kayo ang tunay na bayani ng 90s.
Comments