top of page
Search

Ang Lumang Transistor Radio

  • Writer: Jack Maico
    Jack Maico
  • 12 hours ago
  • 5 min read

Naabutan mo ba ang lumang transistor radio?
Naabutan mo ba ang lumang transistor radio?

Katatapos lang ng ating kuwentuhan tungkol sa kape, pero alam niyo bang kapares ng pag-inom ng kape nakagawian na rin ng mga Pilipino kadalasan sa probinsiya ang makinig ng radyo sa kapayapaan ng umaga.


Isipin mong nakatira ka sa probinsiya, gigising ka ng alas-singko ng umaga at mayroon kang maliit na balkonahe sa inyong tahanan bilang tambayan.Minamasdan ang napakagandang bukirin, kabundukan, mga puno't, mga tanim na halaman. Natatakpan ng mga puno't halaman ang inyong balkonahe kaya kahit mainit ay hindi ramdam ang init ng araw. Tambayan, tahimik, payapa at naririnig mo lamang ay ang ingay ng mga kuliglig bago mag-umaga at huni ng mga ibon pagsibol ng bagong-araw. Amoy mo na yung pagsisiga ng kapitbahay ng nahulog na mga tuyong dahon sa bakuran nila. Bubuksan mo ang lumang transistor na radyo at sinasabayan ng pagkakape at pagmumuni-muni ang anchormen ng nagbabalita sa radyo. Pinipihit mong maigi ang radyo para tumalaga ito sa eksaktong himpilan pero may kaunting garalgal pa rin. Hangga't naiintindihan mo ang sinasabi ay hahayaan mo na lamang ito at makikinig habang nagpapatanggal pa rin ng antok at hinihintay umepekto ang kapeng pampagising.


Bago pa man maimbento ang Internet at maging depende tayo sa mga balita sa Social Media para sa akin isa pa rin na mabisang komunikasyon ang radyo para sa pagbabalita. Maayos sana ang social media dahil napakabilis makakuha ng impormasyon para sa mga kaganapan sa buong bansa ang ganitong gawi, ngunit simula ng lumabas ang mga fake news ay parang mahirap nang maniwala sa lahat ng balita o mahahalagang impormasyon na natatanggap natin mula sa Internet. Hindi na natin alam kung ano ang totoo sa hindi at lalo na, hinaluan pa ng Artificial Intelligence ang ating teknolohiya ngayon. Madali nang mapaniwala ang isipan ng lahat kahit pa peke ang mga ibinabalita at mga larawan nito.


1950's nang mabuo ang isang makabagong imbensiyon, nang nagbukas ng mga pinto para sa mas malawak na komunikasyon at libangan sa buong mundo - ang transistor radio. Ang transistor radio ay ang umpisa ng rebolusyon sa pakikinig sa radyo at naging abot-kamay ng mga tao saan man sila naroroon.


Lumaki ako ng dekada 80's at naging bahagi ng buhay ko ang pakikinig ng radyo, kadalasan ay sa AM radio kami nakatutok. Ang radyo noon ang nagsilbing tulay namin lalo na kung bumabagyo para maghintay ng anunsiyo sa Department of Education Culture and Sports (now DEPED) secretary kung may pasok ba o wala sa eskuwela. Ang radyo din ay naging mode of entertainment naming mga teenager para naman sa FM band station. Kasi puwede ka noon tumawag sa mga istasyon sa radyo para simpleng mag-greet, bumati sa mga kakilala mo at dito makakausap mo ang disc jockey (DJ) ng himpilan. Kami noon, gustong-gusto namin marinig ang tinig namin sa radyo kung maganda ba o boses pinupunit na parang yero ang aming mga tinig sa radyo, o di kaya ay mabanggit lang ang pangalan namin sa radyo ay laking tuwa na namin. Lalo na kapag inalayan ka ng isang kanta, kasi maaaring magrekwes ng kanta sa DJ at puwede mo to idedicate sa crush mo kung mapakikinggan niya. Itong mga song request na to ay kadalasan naming napapakinggan kapag Sabado o Linggo habang binubunot ko ang aming sahig. Kaya naman usap-usapan sa school na si Jack nagdedicate ng kanta para kay Rose, instant chismis na may halong kilig yan pagpasok mo ng Lunes. Kaso sabi nila ang cheap ng kanta na ni-request yung "Sanay Tanggapin ang Pag-ibig ko" nila Vingo and Jimmy (formerly known as April Boys). Marami rin mga palaro noon na nauso sa FM radio at puwede ka manalo ng instant load para may pang text or pantawag ka na sa crush mo. Yan ay mga early 2000s.


The Transistor radio evolved into a Boombox radio in the 70s.
The Transistor radio evolved into a Boombox radio in the 70s.

Bago pa man mauso ang transistor radios, ang mga radyo noon ay malalaki, mabigat at umaasa sa vacuum cubes na mahirap dalhin at madaling masira. Ngunit sa pagdating ng transistor radios noong 1947, nagsimula ang pagbabago. Ang transistor ay isang maliit na elektronikong bahagi na nagsilbing kapalit ng vacuum tubes, kaya't naging mas maliit, magaan, at mas matibay ang mga elektronikong aparato tukad ng radyo. Naenjoy ang transistor radios ng karamihan late ng 1950s.


Dahil sa maliit at magaan na disenyo, naging posible na ang pakikinig sa radyo kahit saan sa bahay, trabaho, at lalo na sa mga pampublikong lugar. Ang mga tao ay nagsimulang magdala ng kani-kanilang mga radyo habang naglalakad, nag-eehersisyo, o nagpi-picnic, kaya't ang mga paboritong programa, musika at balita ay naging mas accessible. Para sa maraming pamilyang Pilipino, ang transistor radio ay naging mahalagang bahagi ng pang-araw-araw na buhay.


Mas naging malawak din ang pagkakalat ng impormasyon, mula sa balita ng buong mundo hanggang sa lokal na mga kaganapan.Sa panahon ng lokal na krisis at digmaan, ang transistor radio ay isang mahalagang kasangkapan sa pagtanggap ng mahahalagang impormasyon at babala. Maging sa mga liblib na lugar at mga probinsiyang malalayo, ang mga tao ay nakakakuha pa rin ng balita at aliw mula sa kanilang mga radyo.


Mas madalas paring pakinggan ang FM band station kaysa sa AM na parte ng radyo na mas nagbibigay ng mga balita. Kadalasan ang mga matatanda ang mga nakatutok sa AM at mga kabataan naman ay sa FM station nakikinig.



RUN DMC, Jason Nevins - It's like that

Dito sa Pilipinas, naging tanyag ang transistor radio noong dekada 60 hanggang 80s. Ang mga pamilya, lalo na sa mga probinsiya, ay hindi puwedeng mawalan ng mapapakinggan gamit ang transistor radio sa kanilang mga tahanan. Ito ay hindi lamang ginagamit para makinig ng mga balita, kundi pati na rin sa mga paboritong programa sa radyo tulad ng drama sa hapon, music programs, at mga lokal na istasyon at ang kinagigiliwan ng lahat na pakinggan, ang mga istoryang katatakutan sa gabi, ang pamosong "Gabi ng Lagim" ang longest running horror program sa radyo simula pa noong dekada sisenta.


Habang patuloy ang pagsulong ng teknolohiya, unti-unting napapalitan ang transistor radio ng mga makabagong gadgets tulad ng smartphones at digital radios. Gayunpaman, ang transistor radio ay nananatiling isang simbolo ng simpleng aliw at komunikasyon na nagbigay sa mga tao ng kalayaan at koneksiyon sa isang mundong tuloy ang pagbabago. Bagama't lumipas ang maraming taon, nananatili ang alaala ng mga gabi ng pamilya na nagtipon sa ilalim ng liwanag ng transistor radio, nagsusubok makinig sa mga paboritong programa kahit may kaunting garalgal, at nagbabahagi ng mga kwento at karanasan sa bawat himig ng radyo.


Isipin mo ulit na nasa probinsiya ka at unti-unting natatalupan ng dilin ang pababang-araw. Alas-onse na ng gabi at tahimik na ang kapaligiran ang tanging naririnig mo lamang ay ang ingay ng mga palaka at mga kuliglig. Kinakagat ka ng lamok sa ilalim ng gaserang mapanglaw ang liwanag ngunit malamig ang klima. Binuksan mo ang radyo at naabutan mo ang intro ng paborito mong programa:


𝙂𝐀𝗕𝐈 𝑵𝙂 𝐿𝐀𝙂𝙄𝗠 𝘐𝑁𝑇𝑅𝑶𝗗𝑈𝐂𝗧𝐈𝘖𝑵

"𝘈𝗻𝙜 𝐩𝗮𝐠𝐥𝘢𝗹𝗮𝘬𝑏𝐚𝘆 𝑛𝗴 𝒊𝐧𝒚𝙤𝗻𝗴 𝙙𝘪𝘸𝒂 𝐩𝘢𝒈𝒔𝘢𝙠𝒔𝘪 𝒔𝑎 𝘮𝙜𝙖 𝐩𝘢𝑛𝘨𝘆𝘢𝘺𝗮𝒓𝐢𝐧𝒈 𝐡𝑖𝘯𝐝𝑖 𝐦𝘰 𝒔𝘂𝒌𝗮𝘁 𝐚𝐤𝙖𝙡𝐚𝒊𝑛. 𝑩𝘄𝑎𝐡𝐚𝐡𝒂𝘩𝘢ℎ𝘢𝐚ℎ𝘢𝗵𝙖𝘩𝐚𝐡𝑎! (𝑼𝐧𝙜𝗼𝐥 𝘯𝙜 𝑎𝘀𝑜) (𝐦𝗴𝑎 𝑝𝗮𝐠𝗮𝑠𝙥𝐚𝑠) (𝘮𝘨𝘢 𝘀𝒊𝗴𝗮𝘸𝙖𝑛, 𝒉𝒊𝘺𝗮𝑤𝙖𝗻)


𝐌𝒈𝒂 𝐤𝐚𝙗𝑎𝗯𝐚𝙡𝑎𝐠𝙝𝗮𝐧𝘨 𝗵𝗶𝙣𝐝𝒊 𝘬𝙖𝒚𝗮𝐧𝘨 𝙩𝘢𝙣𝐠𝐠𝗮𝙥𝒊𝘯 𝒏𝙜 𝒊𝗻𝒚𝗼𝒏𝑔 𝑖𝐬𝗶𝒑𝐚𝗻 𝑛𝒂𝘨𝒂𝗴𝐚𝗻𝑎𝗽 𝘵𝑢𝘸𝒊𝑛𝗴 𝒔𝐚𝘀𝒂𝐩𝙞𝒕 𝒂𝙣𝙜 (𝑈𝙣𝙜𝗼𝗹 𝐧𝙜 𝑎𝑠𝐨) 𝐺𝗔𝘉𝙄 𝘕𝙂 𝐿𝘈𝙂𝐼𝙈! (𝒆𝙫𝒊𝙡 𝒍𝗮𝒖𝐠𝗵)


𝘗𝑖𝙣𝑎𝙜𝘀𝘢𝘮𝒂𝙣𝗴 𝑝𝒓𝐨𝐝𝙪𝒌𝘴𝑖𝘆𝘰𝙣 𝐧𝐠 𝐷𝘡𝗥𝐇 𝑎𝙩 𝑆𝘁𝘢𝙧 𝐂𝘪𝑛𝐞𝐦𝒂"


Kaya mo ba tapusin ang ganitong programa?

 
 
 

Comments


Join my mailing list

© 2023 by The Book Lover. Proudly created with Wix.com

bottom of page