top of page
Search

Bagyo Ka Lang, Mahaharot Kaming Mga Pinoy

  • Writer: Jack Maico
    Jack Maico
  • 1 hour ago
  • 2 min read
likas na mahaharot? thrill seekers nga ba ang nga Pinoy?
likas na mahaharot? thrill seekers nga ba ang nga Pinoy?

Sinulat ko ang blog post na ito dahil sa isang larawang naging viral kahapon lang ata ito, kung saan makikita ang mga lalaking nagtatakbuhan sa tabing-dagat habang hinahampas ng matitinding alon dulot ng bagyong Uwan na dumaan sa Pilipinas. Sa wakas naman habang sinusulat ko ito ay unti-unti na ring sumisilip ang ngiti ng haring-araw upang magbigay muli ng init at enerhiya sa ating mga giniginaw na katawan


Itong mga tambay na ito habang ang iba ay nagkukubli sa loob ng bahay, heto sila — basang-basa pero masayang-masaya, parang walang takot, parang gusto pang makipaglaro sa unos.


At doon ko naisip:

bakit nga ba napakahaharot ng mga Pilipino?


May bagyo na, may alon pa — pero ayan, tumatakbo pa rin sa tabing-dagat! Hindi ko alam kung kabayanihan ba o kabaliwan ‘yon, pero sigurado ako: harot ‘yon, pre. Harot na may halong tawa, tapang, at konting kabaliwan. Habang ang iba’y nagkukubli sa silong, heto tayong mga Pilipino — cellphone sa isang kamay, tapos sa kabila’y saging o tsinelas na ginawang props.


“Uy pre, i-video mo ‘ko ha! Para may content tayo!”


At bago mo pa masabi ang salitang “ingat,”ayun na — SWOOSH! nasa tabing dalampasigan at animoy nanonood ng show sa Sea World para hampasin ng pagkalalaking mga alon. Kahit mabasa ng tubig, imbes na maimbiyerna. Ayun ang mga loko-loko tawa pa rin! Tuwang-tuwa na parang nanalo sa raffle ng barangay fiesta.


Ganun talaga tayo, e. Laging may taglay na espiritu ng kakengkoyan at kaharutan. Para bang nasa dugo na natin ang pagiging thrill seeker — kapag may delikado, mas nae-excite! Kapag may bawal, mas nakakakiliti! Kapag may bagyo, ayun, content time na! Kahit hinahampas ng alon, basta may kamera, may ngiti pa rin, may pabida pa rin, may pa-“Like and Subscribe!” pa minsan. Parang sinasabi ng bawat Pinoy sa picture na ito,


“Sige lang, Uwan! Hindi mo kayang tangayin ang kaharutan namin!”


Agaw Agimat - Makulit

Ang harot natin, hindi lang simpleng kakulitan. Isa ‘yang likas na sandata laban sa lungkot, isang panata sa buhay na kahit anong hampas ng dagat o unos, hindi kailanman mawawala ang ngiti sa labi. Kaya kapag may nakita kang mga lalaking nagtatakbuhan sa tabing-dagat habang sumisigaw ng:


“Lakas, pre! Lakas ng alon!”


...alam mong hindi lang sila takot — nagsasaya rin sila sa gitna ng peligro. Ganun magpakatotoo ang mga Pilipino: kahit tinatangay na ng alon, may oras pa rin para maging content creator, komedyante, at bida sa sariling pelikula ng buhay.


Sa huli, baka hindi naman talaga tayo harot — baka lang sobrang buhay natin. At sa bansang sanay sa unos, minsan, ang tawa, kakengkoyan, at kaharutan ang pinakamagandang sandata.

 
 
 

Comments


Join my mailing list

© 2023 by The Book Lover. Proudly created with Wix.com

bottom of page