top of page
Search

Blogging Life Cycle

  • Writer: Jack Maico
    Jack Maico
  • 10 hours ago
  • 5 min read
11 years of writing. 498 blog posts, 41 still on drafts, 715 page followers... still under-appreciated by personal friends :  (
11 years of writing. 498 blog posts, 41 still on drafts, 715 page followers... still under-appreciated by personal friends : (

Nagsimula akong magsulat bandang 2014 ng Marso, kainitang summer sa Pilipinas. Katatapos lamang magresign bilang guro sa kolehiyo. Halos pitong taon din akong nagturo at nakapag-pagraduate ng mga estudyante sa loob ng pitong taon. Sa totoo lang hindi ko talaga inaasahan na magiging teacher ako sa kolehiyo ni hindi nga ako makapagsalita ng marami sa tuwing may kausap ako kahit sa telepono, pero ganun talaga ang buhay di ba? Maraming sorpresa. Pero papatapos ang 2013 ay nakapag desisyon na ako na magresign sa pagiging teacher sa kolehiyo dahil na rin sa stress. Sa totoo lang, nakakaubos talaga ng enerhiya ang maging guro, hindi ka mauubusan ng gagawin at siguradong walang petiks time. Bukod pa sa pagtuturo ako rin ang taga-gawa noon ng mga marketing materials kapag enrollment period. Design dito, design doon ng tarpaulin. Halos umaabot kami ng alas-diyes hanggang alas onse ng gabi dahil medyo sabihin natin na kupal din ang aming CEO ng eskuwelahan. Darating siya ng alas-singko ng hapon kung kailan papauwi na ang mga empleyado tsaka siya magpapameeting or kung walang meeting ay nakasanayan na naming mahiya dahil kararating lang niya at kung babanatan mo ng uwi ay nakakadyahe rin naman di ba? May mga nocturnal person nga daw talaga pero siyempre nagtrabaho na buong maghapon tsaka mo lang maipapacheck sa kanya yung progress ng ginagawa mong campaign materials para sa marketing period. Kapag napa-check mo may mga revisions siya at gagawin mo rin that moment. Bukod pa dun ako rin ang computer laboratory manager kaya yung mga aksidenteng nasisira na mga computer units ay ako rin ang magto-troubleshoot. Minsan DJ ka rin sa mga school activities lalo na kung may mga performance numbers. Hindi ko nga alam kung bakit ako nakaabot ng pitong taong impiyerno sa eskuwelahan, bukod pa sa walang bayad ang mga overtime. Hanggang sa makapagresign na nga ay gumaan ang buhay ko nang makahanap ng bagong trabaho sa BPO. A whole new world ika nga sa Aladdin, a new fantastic point of view. It's true, dito hindi ako pagod. Nakakauwi agad ako sa oras ng uwian. Ang challenge lang, gabi ang pasok at doble ang lamig ng aircon kaya minsan balot na balot ang buo kong katawan kapag nasa floor. At dahil marami akong oras at nakahinga ng maluwang ay dito ako unang natutong mag-blog at makagawa ng sariling blogosperyo, ang Ubas na may Cyanide.


Pero kagaya ng lahat ng bagay, ang lahat ay may katapusan at pagwawakas. Minsan nagsusulat lang ako kung nasa mood, kung may nakita akong kaaya-aya sa Internet at itoy gagawaan ko ng post, kapag may nabasang piyesa na nakakainggit ay gagawa ako ng sarili kong bersiyon. Ang paguumpisa sa blogging ay may mga stages. Dito ishashare ko kung paano ako nagsimulang magsulat at kung ano nga ba ang life cycle ng isang blogsite at ng blogger. Pag-usapan natin.


Stereophonics - Mr. Writer

STAGE 1: EXPLORATION


Nag umpisa talaga sa pagiging bored simula nang mawala na rin ang mga online friends ko sa Yahoo Messenger at maglaho ang aming entertaining room ng mga pa-trivia games sa Camfrog. Naghanap ako ng bagong kasiyahan. Basa-basa lang muna sa google ng mga kwento. Mga kwentong bastos, nakakatawa, nakakalungkot, nakakatakot at bingo may nakita akong web page sa Multiply na nagpopost about nostalgia. Dito ko naisip na kaya ko rin gawin ang mga kwento niya lalo na at fresh pa sa isip ko ang mga kaganapan sa dekada nobenta. Natawa. Naaliw. Nainggit. Nagsulat.


STAGE 2: FORMATION


Namili kung sa letrang B ba as Blogger o sa letrang W as Wordpress. Nag-isip ng cool na title. Dineseyuhan ang blog. Nagsulat ng unang post. Naghintay ng may magbabasa. WALA. Nag bloghop sa mga nababasang ibang blog site. Nagkumento. Nagmensahe sa chatbox sa gilid ng blog. Nag follow ng ibang bloggers sa bird app, Facebook at anumang social media. Gumawa ng Facebook page para sa nilikhang website blog. Nag request na ifollow ang page at bisitahin ang website. Nag request sa mga batikang blogger ng "link exchange" o "follow me and I'll follow back". Nakareceive ng unang follower at unang commenter.


STAGE 3: ENCHANTMENT


Nagalak ang puso sa unang kumento. Adrenaline rush. Nagsulat ulit. Ngayon mas kontrobersyal para maging interesado ang maliligaw. Nagkuwento kung ano ang mga dahilan kung bakit tayo iniiwan ng mga mahal natin, kung importante ba ang malaking pututoy at pinaalam ang estado ng buhay ng mga Pilipino noong nagkaroon ng Martial Law sa ilalim ng pamumuno ni Ferdinand Marcos Sr. Nadagdagan ng commenters at followers. Sumunod sa mas maraming pang blog. Natutong magsulat ng mas madalas.


STAGE 4: GAIN PROMINENCE


Araw-araw nang nagsusulat para araw-araw din may nagong commenters at followers. Naadik sa kaka-refresh ng homepage, lalo na kapag mainit-init pa ang post at kaka-publish lang. Naglagay ng kung anu-anong abubot sa paligid ng blog. Naglagay ng music sa blog. Naglagay ng themesong sa bawat kwento sa blog post para mas nakakaaliw basahin ang isang kwento. Naglagay ng stat counter. Naglagay ng flag counter kung may bumibisita bang foreign countries sa website. Meron! Marami baka kako mga Pinoy din sa ibang bansa. Naging mas mapangahas sa mga sinusulat na post pero kadalasan ay mga post na mapapahalakhak ka.


STAGE 5: A PIECE OF FAME


Nagkaroon ng sariling pakulo sa kanyang blog. Pinaghanap ang mga readers ng kasagutan sa mga tanong na ang sagot ay makikita lamang sa mga blog post na isinulat para ma-force silang basahin ang mga kwento. Load ang premyo. Nag post ng mga tanong sa Facebook page ng hindi nila alam kung anong oras ko ipopost para lagi silang nakatuon sa aking Facebook page. Ang unang mag comment ng tamang sagot ay siyang mananalo ng 50 pesos na load. Napansin ng researcher ng GMA 7 na si Kent Ugalde ang isang blog post ng katatakutan tungkol sa Halloween at tinanong kung puwede nilang mai-share ang post sa kanilang Halloween Specials.


STAGE 6: THEREAFTER


Nagkasakit. Di inaasahang sakit dulot ng pagpupuyat sa trabaho. Hindi kinayanan ang stress sa BPO. Natigil sa pagsusulat noong 2018. Naoperahan ng 2019. Nakabalik sa pagsusulat at nakagawa ng halos 50 post writings. Nawili sa pagbibisikleta at kumonti ang pagsusulat. Mas nawili sa pagbibiseklta mula 2020 hanggang 2023.


STAGE 7: IS IT THE END?


Bumalik ang dating sakit at nagkaroon uli ng mga bara sa ugat ang puso. Bumalik sa blog dahil napirmi sa bahay. Inaaliw ang sarili habang naghihintay muli ng pangalawang operasyon pero walang kasiguraduhan. Nakalikha muli ng 50 blog post writing simula ng Marso hanggang kasalukuyan nang magkaroon muli ng interes sa pagsusulat. Nahack ang lumang Facebook at nawala ang page ng marami-rami na ang followers. Gumawa ulit ng Facebook page pero mukhang wala ng panahon at interes ang mga datingkaibigan at mambabasa. Kailangang maglibang habang walang kasiguraduhan sa buhay. Pero isa lang ang sigurado ang blogging ay parang printer machine na may end life cycle.


Gusto ko lang magsulat hanggang sa katapusan. ✍️💀

 
 
 

Comments


Join my mailing list

© 2023 by The Book Lover. Proudly created with Wix.com

bottom of page