Boundary
- Jack Maico
- Dec 31, 2023
- 2 min read

Panahon ng mga pangako't panaghoy
Narito na tayong muli sa "boundary" kung saan ipinahahayag natin ang mga pangakong iniiwan at mga pangakong bibitbitin, pag-alaala at paglimot, kinabukasan at kahapon. Boundary na mga kaibigan!
Pero bago ang lahat Maligayang Pasko at Manigong bagong taon ng 2024. Panibagong panimula at bagong rebolusyon ng pag-asa. Salamat sa patuloy na naliligaw at mga regular na bumibisita sa munting tahanan ng aking mga salita't-panaghoy sa pahinang ito. Sa Internet na patuloy na binibigyang laan ng espasyo ang blogosperyong ito.
Mas marami ba akong maisusulat sa susunod na taon yan ay tanong na ibibitin ko ng patiwarik sa aking sarili pero hanggat may siklab at interes sa nag-aapoy na damdamin ay patuloy tayong hahanap kahit sa pinakamaikling pagkakataon ay patuloy nating ikakahig ang ating pluma at pag-iisip upang makabuo pa rin ng makabuluhang piyesa.
Leo Sawikin - "The Same Mistakes"
Disyembre 31, Panahon na naman ng mga pangakong indibidwal, kadalasan isinusulat sa kanya-kanyang pader sa mundo ng social media, minsan ikinukupkop na lamang sa sarili kasama ng pananalig na baguhin ang mga bagay na hindi kagandahanag nagawa o pinagsisihan sa nakaraang taon. Ilan dito ang maisasakatuparan at ilan dito ang aalimbuwang sa hangin kasabay ng mga kwitis sa kalangitan?
Sa pagputok ng kanyon, pla-pla at bawang namnamin ang pagpasok ng taon na puno ng pag-asa. Pag-asang handang mangarap at pag-asang siksik-liglig sa pananampalataya higit kaysa sa dati. Bawat minuto, oras o segundo man, bigyang laya ang kumukunat nang isip.
At pagkatapos ng mga alingawngaw ng mga pagputok kasama sanang lumipad sa usok ang gawaing nais ng iwanan sa huling hatinggabi ng dos mil veintitres.
Papasok na ang bagong taon, natatakot tayong dumating na naman ang araw na ang mga ibinubulong, isinulat, isinidlan na mga salita't-titik ay tuluyan ng malimutan at hindi mapansin. Boundary na naman kaibigan ilahad mo na ang iyong mga pangako.
Comments