Homecoming
- Jack Maico
- Feb 15, 2024
- 3 min read

My High School Alma Mater!
Wala akong balak umattend sa mga reunions ilang beses na rin akong naimbitihan ngunit ilang beses na rin akong tumanggi. Matagal ko nang pinutol ang relasyon ko sa mga tao mula sa nakaraan, sa lumang panahon, sa nirarayumang oras mula kindergarten hanggang kolehiyo. Mabibilang ko lang sa kamay ko yung mga nakakausap ko pang mga dating kaklase, kaibigan man sa eskuwelahan at sa mga naunang trabaho at iba pang mga kakilala. Hindi ko naman sinasadya. Madalang na akong maglalabas ng bahay o di kaya ay dumayo sa Maynila kaya hindi na ako nakakasama sa mga outing or any kind of gatherings pati nga yung mga inaanak ko nakalimutan ko na. Pasensiya na. Hanggang sa hindi na rin ako invited kinalaunan. Hindi ko naman sila masisisi sa pagkailang beses na pagtanggi.
Sa mga Facebook page ko na rin na bigla na lang nahahack at nagpapalit-palit ng account ay mangilan-ngilan na lang din yung mga friend ko. Madalas yung masipag lang mag-add dahil intentional akong hindi rin nag-aaad unless may kailangan ako sa kanila. Besides, bukod naman sa paglalike ng mga post or mandatory comments katulad ng pagbati ng birthday and all, hindi naman kami talaga naguusap. Pagkatapos ng mga lockdowns, yung nabuhay na group chat (bloc group, basketball group, school group, marites group project group at alumni group, etc.) ay isa-isa na rin naglaho. Bumalik lahat sa normal - tahimik.
Pero habang sinusulat ko to ay nagbalik ang mga kaganapan noong kabataan habang nakita ko yung Caritas Annual Year book noong akoy nakaraang naglinis ng kuwarto. Maalikabok at naninilaw na rin ang bawat pahina. Habang isa-isa kong inililipat ang bawat pahina. inaalala ko yung mga memorable na bagay sa kanila.
Ang aming bahay pukyutan ng paghuhubog ng sarili at kaisipan, my Alma Mater!
Si R, na crush ko pa rin mas lalo nga siyang gumanda at tila hindi tumatanda ang kanyang kayumian. Si J na nakasagutan ko kelan lamang sa diskusyon ng pulitika mukhang kinain ng sistema ng kasalukuyang nanalong pangulo. Sana okay ka lang J mayaman ka naman kaya walang epek sayo ang buhay ng mga kapwa mo Pilipino. Si kaibigang A, rest in peace kaibigan kung nasaan ka man sanay nasa mabuti kang kalagayan. Si J at si P na lagi ko pa rin nakakausap hanggang ngayon. Si A na nilamon din ng sistema ng fentanyl at coke. Si S na madalang ko nakakakwentuhan pero nangailangan kaya tayo naambunan ng kanyang mensahe na siya naman nating tinulungan. At sa mga nanalangin na kaklase sa akin noong ako'y nasa bingit naman ng kamatayan ay maraming salamat sa inyo.

Unang bisita noong 2018
Kaybilis ng panahon, at hindi mo rin talaga malalaman kung saan ka dadalhin ng mga desisyon mo sa buhay. Hindi ko maiwasang maikumpara ang sarili ko sa kanila. Kung sakaling darating ako sa alumni homecoming ay masasabi ko bang 'tagumpay' ako sa buhay? Ang petty, oo. Pero ito yata problema kapag achiever ka as a pupil/student tapos bigla mong narealize na ang liit liit mo lang na alikabok sa kalawakan ng uniberso. Ito yata ang rason ko kaya pinili kong paliitin lang circle na ito, maging lowkey (siguro). Dumaan sa phase na nagmamadali. Hanggang sa napagod. Hanggang sa tumigil. Pero ito ako eh, di ko gusto maging pamoso sa mga nagawa ko sa buhay ang nais ko lamang sa ngayon ay sakto lang na may tema ng katahimikan, may trabahong kayang suportahan ang mga kailangan at mga kakaunting di kailangan, tumutulong ng may kawang-gawa, nagpapakain ng mga aso at pusang kalye. Gusto ko maging simple sa mata ng lahat ng may nagagawang kabutihan sa kalsada, sa tao, sa hayop. Nais kong ito ang maiwan ko sa mundong ito at magpaalala sa lahat na ganito ako, ang tanging naibigay na compassion at pagmamahal na mamarka sa isipan ng karamihan. Ayaw kong tumatak sa utak ng aking mga kakilala ang kayamanan, estado sa buhay, posisyon, at kung ano pang karangyaan dahil wala ako nun.
Verve Pipe - The Freshmen
Kapag naubusan na ako ng suwerte sa sakit kong ito ay gusto kong malaman ng lahat na marami akong napagraduate noong akong nagtuturo pa. Isa sa maipagmamalaki ko bilang ako hindi man ako naging magaling na teacher ay naiwan ko naman yung mga nalalaman ko at naibahagi ko yun sa aking mga estudyante. Pitong taon sa institusyon. Pitong batches na estudyante.
O baka, hindi ko alam. May mga bagay pa akong pinoproseso sa sarili ko. Isang step siguro itong magreconnect sa mga elementary friends. Genuinely happy naman ako sa mga ka-batch ko. Masaya siguro sa mga reunion kasi siguradong mala-piyesta ang kaganapan at magdamagan ang kwentuhan (at inuman)
Sa ngayon, ito munang paglipat ng pahina sa lumang Yearbook ang aking sariling "alumni homecoming" o pagbabalik sa sarili at paghahanap sa mga bagay na nawala nitong nakalipas ng 25 taon.
コメント