top of page
Search

Hulk Hogan Legacy and the Attitude Era of Wrestling (WWF)

  • Writer: Jack Maico
    Jack Maico
  • 1 day ago
  • 10 min read
Hulk Hogan vs Andre The Giant on WRESTLEMANIA 3
Hulk Hogan vs Andre The Giant on WRESTLEMANIA 3

(Rewinding memory wires) Konting katahimikan, konsentrasyon sa pag-iisip at muli tayong babalik sa "attitude era" ng pinakapaborito kong palabas tuwing Miyerkules ng gabi, 11:30 PM, patalastas ng Encarnacion Bechaves Flowers at Anzahl Car Paint. Alam kong lampas na ako sa curfew ko sa panonood ng TV ngunit hindi ko mapigilang tumakas para makapanood kahit isang laban lang. Ang sagwa pa ng intro nung RAW is WAR nuon akala mo hindi wrestling ang papanoorin kasi yung tunog parang pang exercise lang ng Bodies in Motion, yan naman yung palabas tuwing linggo ng umaga kung sinong gustong mag ehersisyo ay pwedeng sabayan yung host.


"WWF... what the world is watching!" Tama!

1988 WWF INTRO

Ito naman yung pinaka unang intro na napanood ko isa sa pinakajologs na intro kung saan lalabas ang logo ng WWF ala credits ng Star Wars at ang background ay mga bundok at dagat pa pero kulay pula ang ulap at bigla na lang kikidlatan yung logo sabay may isang machong boses ng announcer at sasabhin ang katagang "WWF... what the world is watching!" Dumating ang wrestling sa Pilipinas at talaga nga namang sinakop tayo nito pati mga lolo at lola ko ay hindi napigilang hindi manood ng wrestling. Ang natatandaan ko hindi mo mapapanood ang mga pay-per-views noon dahil wala pa nito sa Internet at hindi pa rin naipapalabas sa TV. Pati mga laban sa karaniwang araw ng palabas ay hindi mo mapapanood ng buo ang kumpletong episode sa araw na yun. Pasalamat na lang ako sa kapitbahay namin na may business na VHS rentals, VHS at Betamax days mga tohl, klasik na klasik yan. Nakakarenta ako ng bala noon sa halagang bente pesos. So saan aabot ang bente pesos mo? - "eh di sa pagrerent po ng bala ng betamax."


Noong nasa San Andres Bukid pa kami, kamuntik-muntikan na rin akong dalhin sa ospital dahil itong mga kalaro ko sinubukan kung gumagana ba talaga ang "sleeper hold" (finishing move ni Brutus the Barber Beef Cake) kung saan sinasakal niya ang kanyang kalaban hanggang sa makatulog. Napaniwala din kami na kapag humawak ka sa ropes biglang babalik ang lakas mo, yung kung anong merong enerhiya na dumadaloy sa ropes na yun sa tuwing mabubugbog ng husto si Ultimate Warrior. At siyempre naman sino ba naman ang hindi makakalimot sa wrestler na ito. Kumbaga sa atin at sa basketball siya naman ang Jawo ng wrestling - walang iba kundi si Hulk Hogan. Talagang kumakapit sa mga bata ang mga trademark gestures niya tulad ng pag senyas ng siraulo (twirling of the wrist) bago idikit ang kanyang kamay sa tenga niya, pati na rin ang pang ilang beses na pagpunit ng kanyang dilaw na sando. Yung hand gesture niya ginawa ko yun sa nanay ko nung araw na inuutusan niya ko maghugas ng plato. Ayun, na-cheap shot ako from out of nowhere. Galit na galit siya noon dahil tatlong sando na ang kanyang nabibili sa loob lamang ng dalawang linggo. Ngunit naawa ako noon kay Hulk Hogan nung natalo siya kay Ultimate Warrior para sa kampeonato. Ayoko rin naman mainis kay Ultimate Warrior kahit maka-Hogan ako kasi hindi naman talaga siya kontrabidang wrestler. Tsaka napansin niyo ba bago pa magsimula ang mga laban ni Hulkomaniac ay ang ganda ng kanyang buhok - shining shiny. Pero pagdating sa kalagitnaan ng laban ay unti-unti mo nang mabibilang ang buhok niya.

WWE RAW intro from 2002-2006 (one of my favorite WWE intros by Union Underground, "Across the Nation)

Eh si Million Dollar Man naaalala niyo? siya ang Kanong version ni Smokey Manaloto. Ang tag-team na Rockers, na akala ko noon miyembro talaga ng isang rock band; si Hacksaw Jim Duggan, na naka-asul na brip at laging may dalang dos por dos. Ito yung pinakamadaling gayahin na props kasi puwede ka lang kumupit ng kahoy sa may construction site sa tabing bahay, sabay sigaw ng "Hooooooooooo". Eto pa, wala din naman sigurong makakamiss sa wrestler na sepulturero - si Undertaker (with Paul Bearer na laging may dalang urn sa tuwing entrance ni Undertaker.) Yung nakapagluto ka na ng pancit canton at naubos mo na tsaka pa lang nakaakyat ng ring si Undertaker. Isa sa may pinakamahabang entrance. Para sa akin, isa siya sa mga bida. Kaso nga lang kalaunan ay hindi na siya realistic kasi nagsusuot na siya ng elbow at knee pads. May sepulturero bang nagsusuot ng ganun?!!


Malaki talaga ang naging impluwensiya ng WWF sa buhay nating mga kabataan ng dekada. Ngunit ang bagay na pinakamahalaga para sa akin ay dahil sa wrestling na yan, nawala ang hiya naming mga bata na mag-brief sa kalsada na minsan ay nagsusuot pa ng pink na shades na kagaya ni Bret "The Hitman" Hart.


Miyerkules ng gabi puyat kung puyat dahil inaabangan ko talaga ang WWF. Isang newsbreak lang sa Channel 5, eto na umpisa na ang bugbugan sa ring. May lineup na naman ng mga superstar na mapapanood ko, pati yung mga wrestler na hindi kilala at ipinapain lang sa mga wrestler na heel ay talagang bugbog sarado.


Pero alam niyo ba na hindi si Undertaker ang kinatatakutan ko noon kundi si Bob Backlund. Itong wrestler na 'toh yung basta na lamang sumusulpot kung saan at gagawin niya yung crossface chicken wing niya. Nung nagtagal eh nainis na lang talaga ako sa kanya dahil parati na lang siyang nanggugulo eh. Kahit sa kalagitnaan ng laban biglang lilitaw at mang uupak kung sino ang gustong matipuhan.Siya rin ang recipient ng one of the fastest matches ever dahil sa sampung segundo ay natalo siya ni Big Daddy Cool Diesel.


Speaking of Diesel, isa siya sa mga pinakacool na wrestler dahil bukod sa matangkad (at cool ang pangalan), klasik din ang jack knife powerbomb niya. Kaso napilayan siya nung naglaban sila ni Sid Justice, na may parehong finisher katulad ng sa kanya. Sid Justice becomes Pyscho Sid isa din sa mga kinatakutan ko. Malaking mama na animo'y nakakawala sa mental hospital. Talagang matatakot ka sa gimmick ng itsura niya.


Sid Justice. Siya ang dumb bodyguard ni Heartbreak Kid Shawn Michaels, na may mini show na sobrang nakakabored. Parati kong sana na sana walang mini show si Shawn Michaels dahil anlaking kakaining oras nun. Ang segment ay tinawag na Heartbreak Hotel. Baka na bored din si Sid Justice at napuno na sa kanya at naglaban sila. Siyempre, nanalo ang mas pogi.


Hindi ko idol yan si Shawn Michaels, dahil hanggang ngayon ay naniniwala akong dinaya niya si Bret Hart! Hindi talaga nagsubmit nung shinarpshooter siya eh, hanggang sa maubos ang oras at nag-overtime. Yan yung Montreal Screw Job halos gusto kong i-eject na yung bala sa Betamax nung nalaman kong dinaya lang ang idol kong si Bret "The Hitman" Hart. Si Michaels din yung laging dinudugong wrestler, hindi regla ha kundi siya yung madaling mapadugo ang mukha kapag nakikipag umbagan na. Kasama rin siya sa 'The Rockers' at ang tag team partner niya ay si Marty Jannety na nawala na lang bigla nung nag solo na si Michaels at natibag na ang The Rockers. Para sa akin, ang The Rockers ang pinakamagaling na tag-team sa buong mundo, kaparis sila ngayon ng The Hardys na isa rin sa mga pinakasikat na tag teams hanggang sa kasalukuyan.


Minsan na rin akong sumulat ng love letter kay Santa Claus para hilingin ang shades ni Bret Hart. Pero walang dumating. : (


Sino ang nakapanood sa inyo ng Hulk Hogan's Classics? sa'n ka nakakita ng wrestler na itinali na sa corner ni Andre The Giant pero nakahulagpos pa rin at nanalo pa?! Iba talaga ang power at strength ni Tatang Hulkster and The Hulkomaniacs run wild! Syempre dun ko rin napanood and klasik na laban nila ni Ultimate Warrior. Hulk Hogan ako dun kaso talagang natalo eh. Pero nung nagyakapan sila after the match, syet! yun yung part na nakakaiyak!


Ay ito pa may naaalala pa ko! Alam niyo ba yung Megapowers vs Megabucks? Naaalala mo? Nangingiti ka? ayun nung bata ako, ang kilala kong members sa Megapowers eh 'yung mga blonde ang buhok at crowd favorite. So ang mga kasama diyan ay sina Hulk Hogan, Ultimate Warrior, Tatanka, The Rockers at Bushwackers, atbp. Kasama naman sa Megabucks sina Million Dollar Man, Ravishing Rick Rude na kamuka ni Ishmael Vernal na kontrabida lagi sa pelikula ni FPJ, Andre The Giant at iba pang rule breakers.


Eto pa ha, may tsismis ako na galing sa mga batang kalyeng nakakalaro namin nuon. Ang nakarating palang tsismis sa akin, si Andre The Giant daw yung binuhat ni Ultimate Warrior. Tapos, pumutok yung muscle niya. Tapos pinalitan siya kaya hindi na raw original na Ultimate Warrior yung naabutan ko.


Ang ganda talaga ng WWF ee. Palagi ko pa ngang nilelettering 'yang sulat ng WWF na yan. Madali lang naman eh. Halos lahat ata ng notebook ko may WWF na logo na lettering. Pero nuong napalitan na ng WWE ang hirap na ilettering kahit isang W na lang yung pagkakasulat.


Idol ko din talaga yang si Hitman eh pati mga tita ko kinikilig diyan dahil sa laki na ng katawan ang gwapo pa. Sobrang sang-ayon ako sa sinasabi nyang, "I'm the best there is, the best there was, and the best that there ever will be..." Totoo talaga yan para sa akin. Si Hitman yung hindi gaanong kalakihan pero palaging heavyweight champion. Namimigay pa yan ng shades sa mga bata na pangarap ko ring magkaron dati.


British Bulldog. 'Yan naman ang bayaw ni Hitman. Napangasawa niyan ang kapatid ni Hitman. Mejo maliit lang pero malaki ang katawan. Hindi pa uso ang cornrows noong 90s pero naka cornrows na yan. Nag-away sila ni Hitman pero hindi ko alam ang dahilan ng malaon tinaggap na rin siya ni Hitman sa pamilya nila.


Eto pa ang isang super-klasik na wrestler, Jake "The Snake" Roberts. Shempre sikat 'yan dahil sa dala niyang ahas na nakalagay sa sako na tela. May tsismis din na may namatay dahil may natuklaw 'yung ahas niya, ewan ko lang kung sino yun. 'Pag nilabas na niya yung ahas niya lahat na natatakot at nagtatakbuhan. Ang finisher niya sa kalaban ay DDT.


Demolition. Isa sa pinaka astig na tag team para sa akin. Parang sila ang unang nakita ko na may pintura sa mukha. May helmet pa talaga sila. Pagdating sa ring, ayan na huhubarin na nila ang helmet at bigla nang didila si Smash. Mahaba at mapula ang dila niyan at ang pintura nila sa mukha ay may pagkasilver at black. May kumalaban sa kanila ang "Legion of Doom". May mga pintura din sa muka at may suot pang shoulder pads na may spikes. Sila ang mga naging siga ng tag team dati.


Ang dami dami pa, andiyan sila Honky Tonk Man na laging may dalang gitara at Elvis Prestley ang gimmick. Minsan pag masyadong napuno inihahampas ang gitara sa ulo ng kalaban. Texas Tornado, Tito Santana (magkamukha sila ni Texas Tornado). Coo Coo Beware (negro na may laging dalang parrot), Virgil (alalay dati ni Million Dollar Man na napuno na sa kanya), Razor Ramon, Superfly Jimmy Snuka (ang taas tumalon nito), Macho Man Randy Savage (na naging Macho King), at marami pang iba. Ang tingin pala namin sa buhok ni Sid Justice ay parang Lucky Me Pancit Canton.


Sabi ko nga kanina nanghihiram pa talaga kami ng betamax sa rentahan na kapitbahay lang namin sa halagang bente pesos isang bala. Lahat ng mga special events pinapanuod namin tulad ng Wrestlemania at ang paborito nating Royal Rumble. Palagi kaming nagpupunta sa rentahan para lang i-check kung may bago na silang WWF tapes.


THE TRAGIC NEWS

Hulk Hogan's Entrance Theme - "REAL AMERICAN"

Pero ang highlight ng blog post na ito ay yung nangyaring trahedya kaninang umaga lang, Pilipinas time nang nabalitaan ng mundo na pumanaw na ang isa sa pillars ng wrestling ang isa sa idolo ko nung kabataan, si Hulk Hogan sa edad na 71. Ang totoong pangalan niya ay Terry Gene Bollea. Isang malungkot na araw para sa wrestling fan na katulad ko na sumusubaybay sa wrestling simula pa noong dekada nobenta, simula pa nung bihira mapanood ang wrestling at sa pamamagitan lang ng VHS o di kaya ay Betamax.


Isa si Hogan sa pinaka-iconic at maimpluwensyang personalidad sa kasaysayan ng professional wrestling. Para sa amin na lumaki noong dekada nobenta, si Hulk Hogan ay hindi lang basta wrestler—isa siyang alamat, isang superhero sa tunay na buhay, at isang bahagi ng ating pagkabata na hindi kailanman mabubura.


Bago pa man naging global phenomenon ang wrestling, si Terry Bollea, na mas kilala ng buong mundo bilang Hulk Hogan, ang naging mukha ng World Wrestling Federation (WWF), ngayon ay WWE. Ang kanyang trademark na bandana, ang kanyang malalim na boses na may linyang “Whatcha gonna do when Hulkamania runs wild on you?”, at ang kanyang signature poses at leg drop ay naging bahagi ng pop culture ng dekada 80s at 90s. Isa siya sa mga dahilan kung bakit sumikat ang wrestling hindi lang sa Amerika kundi maging sa buong mundo, kabilang na ang Pilipinas. Lahat ng batang lalaki noon ay gustong mag-hulkamania flex at magsuot ng dilaw na sando na parang siya.


Ang kanyang pagsikat ay hindi aksidente. Noong 1980s, sa ilalim ng pamumuno ni Vince McMahon, pinangunahan ni Hogan ang “Rock 'n' Wrestling Era” kung saan pinagsama ang mundo ng music at wrestling. Siya ang naging pangunahing bida sa unang WrestleMania noong 1985, isang kaganapang nagbukas ng pintuan para sa mas malawak na audience. Sa loob ng maraming taon, si Hogan ang naging pambato ng WWF—isang simbolo ng kabutihan, lakas, at tagumpay laban sa kasamaan. Dahil sa kanya, napalapit ang wrestling sa mainstream media, at siya rin ang naging inspirasyon ng maraming bata na maniwala sa kanilang kakayahan.


Ngunit gaya ng maraming sikat na personalidad, hindi naging perpekto ang kanyang buhay. Isa sa mga pinakamatinding kontrobersya na kinaharap niya ay ang isyu ng rasismo, kung saan kumalat ang isang audio recording noong 2015 na naglalaman ng mga racial slur mula sa kanya. Dahil dito, tinanggal siya sa WWE Hall of Fame at binura ang kanyang presensya sa mga opisyal na platform ng kompanya. Bagamat humingi siya ng paumanhin at nagpahayag ng matinding pagsisisi, hindi maiiwasan na ang ilan ay patuloy pa ring bumabatikos sa kanya hanggang sa kanyang kamatayan.


Sa kabila ng mga pagkakamaling ito, hindi natin maikakaila na malaki ang ambag ni Hulk Hogan sa mundo ng wrestling. Ang kanyang karisma, ang kanyang kakayahang dalhin ang isang buong arena sa isang emosyonal na rollercoaster, at ang kanyang pagiging simbolo ng pag-asa sa maraming kabataan ay hindi matatawaran. Maraming mga kasalukuyang wrestling superstars ang umamin na si Hogan ang naging dahilan kung bakit nila pinasok ang industriya. Siya ang naging tulay ng nakaraan sa kasalukuyan—mula sa golden age hanggang sa modern era ng wrestling.


Oo, hindi siya perpekto. May mga bahid ang kanyang pangalan, at hindi natin dapat iwaksi ang katotohanan. Pero sa huli, isa rin siyang tao—nagkakamali, natututo, nagsisisi. Isa siyang debotong Kristiyano na sa mga huling taon ng kanyang buhay ay mas pinili ang pananampalataya, kapatawaran, at kabutihan. Hindi man natin lahat mapatawad agad, pero hindi rin natin dapat kalimutan ang mga alaala at kontribusyon niyang iniwan.


Habang may ilan pa ring patuloy na bumabatikos sa kanya kahit sa kanyang kamatayan, mas pipiliin naming alalahanin ang Hulk Hogan na nagbigay ng sigla sa mga Sabado ng umaga, kapag Miyerkules ng gabi, ang Hulk Hogan na nagturo sa amin ng kabayanihan sa loob ng wrestling ring, at ang Hulk Hogan na naging parte ng masayang kabataan ng maraming batang 90s.


Paalam, Hulk Hogan.

 
 
 

Comentários


Join my mailing list

© 2023 by The Book Lover. Proudly created with Wix.com

bottom of page