top of page
Search

Kung Magmamahal Ka Ng Blogger

  • Writer: Jack Maico
    Jack Maico
  • 3 days ago
  • 3 min read
Gusto mo bang magmahal ng blogger?
Gusto mo bang magmahal ng blogger?

Hindi ko sinasabing bawal magmahal ng blogger —dahil kung alam mo lang kung ilang beses na akong napahinga ng malalim sa bawat tula, sanaysay, at lihim na kwento ng mga manunulat sa blogosperyo,baka sabihin mong may PhD na ako sa pa-fall literature. Kaya bago ka pumasok sa relasyon na may kasamang WordPress password at Google Analytics, magmuni-muni ka muna. Dahil hindi lahat ng mga salitang nakakakilig sa blog ay totoo sa labas ng screen. Ang mga manunulat, marurunong magbenta ng sarili —hindi para magpanggap, kundi para mapansin.


Kaya bago ka magpaulan ng puso sa comments section, kilalanin mo muna siya nang walang filter, walang caption, walang SEO keywords. At huwag mong kalilimutan —ang crush mo, hindi lang ikaw ang may crush sa kanya. Kung sakaling ikaw ang mapiling main character ng buhay niya, handa ka bang maging supporting role sa mata ng kanyang mga tagasubaybay? Kasi, sis, may mga “fans” na mas matindi pa sa Marites Nation. Sila ang maghuhusga, sila ang maglalatag ng thread tungkol sa’yo sa Twitter, at kapag siniraan nila ang mahal mo, handa ka bang hindi sumagot —dahil alam mong sa huli, ang karma, ngayon, ay digital na. At kung sakaling maswerte ka, at makita mong sinusulat niya ang pangalan mo sa pagitan ng mga tula —masarap, di ba? Pero tandaan mo rin: kapag naghiwalay kayo, ikaw ang magiging kontrabida sa sarili mong kwento. Siya ang bida — dahil blog niya ‘yun eh. Kahit siya ang may sala, sa dulo ng post, ikaw pa rin ang kawawa. Ganun ka lakas ang editing power ng isang writer. May plagiarist nga riyan, pero sa husay ng kanyang syntax, nagmistulang martir sa comment section. Magaling magdrama at umakting na rin ang blogger sa likod ng kanyang mga panulat.


At higit sa lahat —kapag may bago na siyang inspiration, handa ka bang basahin iyon? Handa ka bang ngumiti kahit natitigilan ka sa linya na, “Finally, I found the one”? Habang ikaw, ayun, nagre-refresh ng feed, hoping for closure sa paragraph na hindi kailanman sinulat para sa’yo. Aw, tsakit! Pero liwanagin lang natin, hindi ko sinasabing masama ang magmahal ng blogger. Minsan, ang pinakamagandang kwento ay ‘yung hindi kailangang i-publish. Yung nasa pagitan ng mga yakap, hindi ng mga hyperlink. Kaya kung magmahal ka man —blogger man o hindi —basta wala kang nasasaktan, at masaya ka sa sarili mong berso, hindi kailanman mali ang magmahal. Ang mahalaga lang, hindi ka character lang sa kwento ng iba. Dapat, ikaw mismo ang nagsusulat ng sarili mong ending.


Sa totoo lang, napakasarap sigurong magmahal ng taong kayang gawing prose and poetry ang bawat titig mo, kayang ilarawan sa pinakamagandang talata ang ngiti mong hindi mo man lang alam ay nakakapagpa-freeze ng utak niya habang nagta-type ng “New Post.” Para kang pumasok sa relasyon na may kasamang footnote at hyperlink. Kasi kahit hindi mo tanungin, alam mong may backstory ang bawat yakap, may metadata ang bawat halik. Ang mga “kamusta” niya, minsan may kasunod na “pwede bang i-quote 'to?” At huwag ka magugulat kung minsan, habang nag-aaway kayo, bigla niyang sabihing:


"Wait lang, ang ganda ng linya mo ah—pwedeng title.”


Sa totoo lang, kapag blogger ang minahal mo, magiging parte ka ng isang unending draft. May mga araw na ikaw ang main character— at may mga gabi rin na ikaw ang plot twist. Baka isang araw, mabasa mo na lang ang sarili mo sa isang blog entry na nagsisimula sa:


“Minsan may taong dumating at tinuruan akong muli kung paano magtiwala...”


at nagtatapos sa:


“...pero hindi lahat ng natutunan ay kailangang ipaglaban.”


Masakit? Oo. Pero poetic? Labis.


The Paper Kites - When The Lavender Blooms

Sapagkat ang blogger, hindi lang basta nagmamahal—nagmamasid, nagmemental note, nag-eedit. Habang nakikinig sa tawa mo, may naisip na siyang caption. Habang naglalakad kayo sa ulan, iniisip na niya kung anong magandang title:


“Tag-ulan sa Tagpo Natin” o “Sa Bawat Patak ng Alaala.”


At kapag iniwan mo siya— Siguradong may part two. May follow-up post, may closure entry na ipapublish nang alas-dos ng umaga habang nagpe-play sa background ang “Bawat Daan” ni Ebe Dancel. Pero sa kabila ng lahat, magmahal ka pa rin ng blogger. Kasi kahit minsan ay mas marami silang sinasabi sa keyboard kaysa sa bibig, kapag minahal ka nila, buong mundo maririnig ang pangalan mokahit hindi direktang binanggit, ikaw ang inspirasyon sa bawat simula ng talata, ang pahina sa pagitan ng bawat tuldok. At kahit minsan, ang sakit nilang magmahal—kapag blogger ang nagmahal, hindi ka lang minahal.


Ginawa ka niyang literatura.


Kaya kung magmamahal ka ng blogger... handa ka sanang maging musika sa bawat pahina, tema sa bawat kwento, at alaala sa bawat draft na hindi na niya binura. Dahil ang pag-ibig ng blogger, hindi lang sinusulat—ito'y tinatandaan. At kahit lumipas ang panahon, mananatili ka sa kanyang archives. Hindi bilang “ex.” Kundi bilang entry na hindi niya kailanman magawang i-delete.

 
 
 

Comments


Join my mailing list

© 2023 by The Book Lover. Proudly created with Wix.com

bottom of page