top of page
Search

Life is a Piece of Cake

  • Writer: Jack Maico
    Jack Maico
  • Aug 17
  • 4 min read
'A little lovin' and some fruit to bake, life is a piece of cake.
'A little lovin' and some fruit to bake, life is a piece of cake.

Bago natin umpisahan ang kuwento nais ko lang muli pasalamatan ang mga bumibisita at patuloy na sumusuporta sa aking munting tahanan ng katatawanan at kalokohan dito sa blog na ito. Pero ngayong hapong ito ay medyo sisimulan natin na seryoso ang usapan.


Ang katotohanan hindi ko alam kung hanggang kailan mawawala ang site na ito. Ngunit kung sakali man na mawala ito, inyo pa din namang matutunghayan ang aking mga kwento sa ubasnamaycyanide.blogspot.com at https://ubasnamaycyanide.wixsite.com/mysite


Tinatamad? Baka. Walang bagong maihaing kwento? Siguro. Pero kung kwento lang din naman, sa palagay ko, ang araw-araw na nangyayari sa aking buhay ay sapat na para maging kwento ko sa inyo pero mas mainam nang pinili kong maging pribado at maging abala sa paggawa ng ilang bagay na sa aking palagay ay hindi naman interesante para sa mga mambabasa.


LIFE. 4 letters in english at limang letra sa Tagalog. Napakasimple. mabilis lang at ika nga pansamantala lamang. Pero kung iisipin mo, totoo naman, sa katunayan, ikaw na nagbabasa nito ngayon ay hindi rin magtatagal sabihin nating pagkalipas ng dalawang daang taon. Lahat tayo pagkatapos ng taon na iyon ay hindi na muling maaalala at tuluyang na tayong makakalimutan. Maliban na lang siguro kung magiging bayani ka o santo o kaya'y nakagawa ng pambihirang kapakipakinabang na bagay para sa tao.


LIFE is temporary. Parang Simeco lang. Mabilis lang. Pero sa saglit na yun bakit natin kailangang dumaan sa di mabilang na pagsubok. Sa buhay kailangan nating paghirapan ang mga bagay-bagay. Bakit kailanganng karanasan? Bakit kailangang maging mahalaga, at pagkatapos nun ay mamamatay ka rin naman. Bakit kailangang gumawa ng masama o kabutihan kung sa dulo kamatayan din ang kahuli-hulihang yugto ng buhay natin. Bakit nga ba?


Mahirap na masarap daw ang mabuhay. Pero kung titignan mo ang sirkulo, simple lang naman yun. Ipapanganak ka. Mabubuhay ka sa pag-aalaga ng mga magulang mo. Gatas ang unang likidong papasok sa katawan. Ngangawa, luluha, maglulupasay kapag hindi mo nakuha ang gustong laruan o gustong junk foods na ipinagbabawal sayo. Maglalaro ka. Kakain. Kakain ng marami. Dodoble ang hilig mo sa kanin hanggang sa matutunan mong mag extra thrice na rice. Magpapalaki. Dadaan ka sa stage na wala ka pang silbi. Mag-aaral ng dalawang taon sa Kinder at Prep. Ngangawa hangga't wala ka pang sundo. Mag-aaral ka ulet ng pitong taon. Lalabas ang mild na kagaguhan. Mag-aaral ng apat na taon sa High School. Lalabas ang pinakatatagong mong katarantaduhan. Magkakacrush. Mananapak ng kaklase. Matitikman ang unang halik. Magaaral ka na naman ng apat na taon depende sa kukunin mong kurso sa Kolehiyo. Mabibigyan ka ng singko ng propesor mo. Iibig muli. Matutunan mong makipagrelasyon. Gagraduate. Magtatrabaho. Magaasawa. Magkakaanak. Tatanda. MAMAMATAY.


So anong point ko? Bakit nga ba natin kailangang mag-struggle? Bakit kailangan o hindi kailangang gawin ang mga bagay-bagay? Bakit lahat na lang kailangang may dahilan? Eh bakit ko nga ba tinatanong ito, eh lahat din naman tayo ay mamatay sa takdang oras.

Kung minsan iniisip ko, baka masyado ko lang pine-personal ang “buhay.” Para bang akala ko lahat ng desisyon ko ay may mabigat na epekto sa buong sangkatauhan. Pero ang totoo, sa grand scheme of things, wala naman talagang pakialam ang mundo kung anong ulam ang kakainin ko bukas o kung ilang beses akong magpapalit ng bedsheet ngayong taon (aminin mo, may mga taon na wala).


Ang masaklap, lagi nating hinahanapan ng “meaning” ang lahat ng nangyayari. Kung nadapa ka sa kalsada—sasabihin mo agad, “Baka may aral ito sa buhay ko.” Pero sa totoo lang, minsan nadapa ka lang kasi hindi mo tinignan ang dinaanan mo. Walang mas malalim na dahilan. Hindi lahat ng bagay ay kailangang gawing inspirational quote sa Facebook.


At eto pa, habang tumatagal napapansin ko na mas nagiging komplikado ang buhay. Noong bata tayo, simple lang: gatas, laruan, at cartoons. Ngayon? Kape, bills, at cholesterol. Noon, ang problema lang ay kung makukuha mo ba yung laruan sa Jollibee kiddie meal, ngayon ang problema ay kung paano mo babayaran ang kuryente na parang laging naka-level na “Super Saiyan” ang metro.


Eraserheads - Fruitcake

Pero kahit ganun, siguro ito rin ang kagandahan ng buhay—yung kahit alam mong may ending, tuloy-tuloy ka pa rin. Para kang nanonood ng pelikula na alam mong malapit na ang credits pero nananatili ka pa ring nakaupo, kasi gusto mong malaman kung paano matatapos ang eksena. May twist ba? May plot hole ba? O baka naman biglang may sequel?


Kung tutuusin, ang buhay parang cake nga talaga. Minsan matamis, minsan mapait. Minsan nauubos agad kasi ang daming nakikihati. Minsan naman masarap i-enjoy ng dahan-dahan, slice by slice. Pero sa huli, ubos pa rin. Kaya siguro habang meron pang natitirang piraso, mas mainam na tikman at namnamin.


Kaya siguro ito rin ang punto ko—na kahit alam nating may katapusan, baka ang tunay na sikreto ng buhay ay hindi yung malaman kung bakit lahat may dahilan, kundi yung matutong tumawa, magpahinga, at kumain ng cake kasama ng mga taong mahalaga sa atin. Dahil sa dulo, hindi naman yung dami ng taon ang mabibilang, kundi kung gaano kasarap at kakulay ang mga naging alaala.


At kung darating man ang araw na wala na ako, gusto kong maalala na hindi ako natakot mabuhay at hindi rin ako natakot mamatay. Gusto ko rin malaman niyo na patas akong nakipaglaban sa buhay. Wala tayong tinarantado, wala tayong tinapakan o inabuso. Ang tanging kinatatakutan ko lang ay yung maiwan ang mga taong mahal ko—ang pamilya, ang kaibigan, at ang mga alagang aso’t pusa na umaasa sa akin. Kasi sa totoo lang, hindi naman ang kamatayan ang pinakamabigat, kundi yung iniwan mong puwang sa puso ng iba.


Buhay tayo para magmahal, para masaktan, para matuto, para bumangon, para bumagsak ulit at bumangon na naman. Parang cycle lang siya, pero sa bawat ikot, may bagong leksyon, may bagong sugat, at may bagong ngiti. At doon, nagiging totoo ang buhay—hindi dahil perfect siya, kundi dahil sa lahat ng imperfection niya.


Kaya kung meron man akong maiiwan na mensahe sa mga mambabasa ng munting espasyo kong ito: huwag kayong matakot mabuhay, kahit alam ninyong lahat tayo’y mamamatay. Dahil ang tunay na halaga ng buhay ay hindi nakikita sa haba ng ating panahon sa mundo, kundi sa lalim ng ating pinili—kung paano tayo nagmahal, kung paano tayo nagpasaya, kung paano natin pinahalagahan ang buhay ng mga hayop, silang mga walang boses, at kung paano natin niyakap ang bawat piraso ng cake na dumating sa ating mesa.


At kung ang buhay ko man ay isang “Piece of Cake,” sana sa huli, masabi ko ring “It was sweet enough.”

 
 
 

Comments


Join my mailing list

© 2023 by The Book Lover. Proudly created with Wix.com

bottom of page