top of page
Search

My Bike is my MVP, My Most Valuable Possession

  • Writer: Jack Maico
    Jack Maico
  • 4 hours ago
  • 5 min read
My adventure buddy for 4 years! What a journey together we have had.
My adventure buddy for 4 years! What a journey together we have had.

May mga pag-aari tayo o bagay na lubos nating minamahal dahil sa nagpapagaan ito sa mga ginagawa natin sa araw-araw. Katulad na lamang nitong aking bisikleta na talaga nga namang personal na nakatulong sa akin lalo na noong nag-uumpisa akong makarecover sa aking operasyon sa puso. Ang bisikletang ito ang nagsilbing gabay ko sa aking cardio exercises tuwing umaga upang gumana ang aking mga ugat at dugo na kailangang dumaloy sa aking katawan lalong lalo na sa aking puso. Dahil sa bisikletang ito at sa determinasyon kong makabalik sa normal na buhay ay naging maganda ang mga resulta ng aking laboratory examinations. Nadagdagan ang kakayahan ng puso kong makapag-pump ng dugo mula sa 50% na ejection fraction ay umakyat ito sa 55% ang normal talagang equivalent ng ejection fraction o pagdidispatch ng dugo sa buong ugat ng ating katawan papunta sa mga organs katulad ng baga upang hindi madaling hingalin ay nagsisimula sa 55 porsiyento kaya natuwa sa akin noon ang aking doktor dahil nagkaroon ng magandang pagbabago ang performance ng aking puso.


Nabili ko itong bisikleta na ito anim na buwan matapos ang aking open heart surgery. Sa una nanginginig pa talaga ang binti ko dahil hindi pa ako sanay sa liwanag ng araw at sa dami ng tao ay madali akong nahihilo pero kailangan ko masanay muli para bumalik ang normal na buhay. Mahirap sa umpisa at sa awa ng Diyos, I know, I'm on the right track. I'm starting to feel comfortable sa pagsakay sa bago kong bike. I can feel the difference before noong nagbabike ako na may sakit pa ako at ngayon na nagsisimulang gumana ang mga bagong ugat na ikinabit sa puso ko. Wala na akong nararamdaman na pain sa dibdib though may mga kaunting kirot, but the doctor says it's normal because the wounds are slowly healing. Napansin ko rin na wala na, hindi na ako mabilis hingalin. Napapa-praise the Lord talaga ako nuong unang sabak ko ulit magbike dito sa amin. Tuwang-tuwa ako dahil nagagawa ko na ulit, napapangiti at nagpapasalamat habang pabilis ng pabilis ang aking takbo. Mga tatlong linggo ko itong ginawa ang ikutin ang aming buong subdivision. Another 3 weeks dinagdagan ko ang ruta ko sa pag eexercise ko sa umaga. Dito ko na sinimulang pumadyak sa labas ng subdivision, sa Buhay na Tubig hanggang Prima Rosa pabalik ulit sa amin at iikutin ulit ang buong subdivision hanggang makauwi. Ginawa ko yun tuwing umaga ng hanggang dalawang buwan.


Dumating ang Christmas season. Kasama ko rin ang bisekletang ito nang matapos ko ang Simbang Gabi. Isa sa pinakamasaya at meaningful na Pasko para sa akin dahil ito ang pangalawang beses lang sa buong buhay ko na nakatapos ako ng Simbang gabi na kailangang pumadyak. At sa pinakasiyam na araw ay namigay ako ng pagkain sa mga asong nagugutom sa kalsada o yung tinatawag nating stray dogs na inabandona at pinabayaan na lang ng kanilang mga iresponsableng amo. 2013 ng sinimulan ko ang Project Pawprints kung saan tuwing rest day ko sa trabaho ay kikilos ako ng madaling araw at maghahanda ng pagkain para sa mga asong makikita ko sa kalye. Natigil lang ito noong nadiagnosed nga ako na may sakit sa puso taong 2016. Pero walang sisidlan talaga ang aking kasiyahan dahil nagagawa ko na ulit tumulong sa mga aso at pusang kumakalam ang tiyan. Sobrang na-miss ko talaga ang gawaing ito. Simula noong Disyembre ay kada linggo na ako naghahanap ng mga asong kalye para magbigay ng aking mga adobo packs. Nakakalungkot nga lang at natigil ulit dahil sa paglaganap ng Covid-19. Malakas ang aking panalangin na muli kong makikita ang mga lingguhan kong pinapakain. Sana nga ay nariyan pa rin sila at hindi pa sila nawawala dahil sa gutom. Sana ay may mga taong nagpapakain pa rin sa kanila.


Humaba ang aking ruta at sinubukan ko kung kaya kong pumadyak mula dito sa amin hanggang Carsadang Bago palabas ng Bucandala pabalik ng Aguinaldo Highway. Wala naman akong naramdamang hingal o pananakit sa aking dibdib kaya okay naman ang rutang yun. Sinubukan ko pa ulit lumayo, at mula dito sa Buhay na Tubig ay sumubok ako ng bagong ruta. Sa unang pagkakataon ay tinahak ko ang papuntang Pag-asa, Imus, Cavite at tumigil pansamantala sa Pag-asa 7-11. Mula dito ay sumubok pa akong lumayo at mula sa Pag-asa 7-11 ay tumawid ako ng pakaliwa. Padyak lang ng padyak hangga't walang kapaguran kahit hindi nalalaman kung saan ako tutungo hanggang umabot na ako sa Brgy. San Nicolas, Bacoor, Cavite yun palang ruta na yun ay pagkalabas mo ay Zapote, Bacoor na. Mula sa amin ay hindi ko namalayan na naka 15 km na pala ako at palabas na iyon ng Manila. May natuklasan na naman akong ruta at mula sa kanto nun ay dumiretso na ako sa highway para umuwi at nagmistulang parang mini loop sa Strava ang aking ruta at halos 20+ km din ang itinakbo ng aking pag-ride.

Rascal Flatts - Life Is A Highway

Lumipas pa ang mga sumunod na taon ay mas nakalayo ako sa aking pagbibisikleta kasama ang ilang mga kaibigan sa road trip at unang pagkakataon din na nakapag rekord ako ng pinakamahabang ride sa buong pagbibisikleta ko. Ito ay nangyari sa Sto. Tomas, Batangas kung saan pinadyak namin ang National Shrine of St Padre Pio. Espesyal sa akin ang lugar sapagkat nung nakaratay ako noon sa aking karamdaman ay dinarasal ko rin ang prayer ni Padre Pio para sa mga may heart condition. Kaya nung nagkayayaan ang grupo ng aking high school classmate na niyakag ako na sa Padre Pio sila pupunta ay hindi ako nagdalawang isip na sumama at makakapag pasalamat sa Diyos at kay Padre Pio sa kanyang nasyonal na dambana. Sobrang epic ng ride dahil ramdam ko ang proteksiyon ng Panginoon sa akin at ng aking mga kasama. Alas-kuwatro kami ng madaling araw umalis at nakauwi kami sa aming mga bahay ng pasado alas otso na. Nakaramdam ako ng pagod at hingal pero ayos lang at sulit talaga ang ride na yun.


Sa paglipas ng mga buwan, hindi ko akalaing mararating ko ang mga lugar na dating imposible para sa akin. Mula Cavite, nakarating ako sa Los Baños sa Laguna, umikot sa Quezon City, Pasig, Pateros, Makati, at Maynila. Hanggang sa isang araw, nagising akong nasa kahabaan na ng Ilocos—nakarating sa malamig na hangin ng Pagudpud at sa makasaysayang kalsada ng Vigan. Sa bawat destinasyon, dala ko ang tibok ng puso kong unti-unting lumalakas, dala ng tapang at tiwala na hatid ng aking bisikleta. Hindi lang ito naging transportasyon—isa itong panata ng pagbangon, isang personal na tagumpay laban sa sakit.

Ngunit sa pagtatapos ng taong 2023, isang mapait na balita ang dumating. Bumalik ang aking dating karamdaman. Isang balitang muling sumubok sa aking lakas at pag-asa. Napilitan akong itigil ang mga mahabang biyahe sa bisikleta—ang mga araw ng malayang pagtahak sa mga lansangan ay napalitan ng katahimikan at muling pakikibaka. Ngunit kahit hindi ko na magamit nang tulad ng dati ang aking bisikleta, nananatili itong isa sa pinakaespesyal kong pag-aari. Tinitingnan ko ito at naaalala ko ang bawat tagumpay, bawat buhos ng pawis, at bawat patak ng luha ng kaligayahan.


Walang anumang bagay ang makapapalit sa aking bisikleta. Isa itong alaala ng pag-asa, lakas, at muling pagbangon. Isa itong paalala na minsan, sa kabila ng lahat, kaya nating lampasan ang mga unos. At kahit huminto man ang gulong ng aking paglalakbay sa ngayon, ang kwento ng aking bisikleta ay mananatiling buhay sa aking puso—habambuhay.

 
 
 

Comments


Join my mailing list

© 2023 by The Book Lover. Proudly created with Wix.com

bottom of page