New Years Evil
- Jack Maico
- Jan 2, 2024
- 4 min read

'patuloy ang tug-of-war ng kasamaan at kabutihan'
Alas onse ng gabi, Disyembre 31 ay maaga siyang pumanhik sa kanyang silid at isinara ang mga pinto. Tumungo sa kanyang altar na plywood na nakapako sa pader. Inilabas niya ang gamit nang kandila at sinindihan upang magningas sa harapan ng mga santo, bibliya at krusipiyo. Nais niyang manalangin bago maghiwalay ang luma sa paparating na bagong taon. Lumuhod siya sa harapan ng krusipiyong kahoy at huminga ng malalim bago sambitin ang kanyang mga panalangin.
"Panginoong Hesus, sa pagsisimula po ng taong 2024
ako po ay nagpapasalamat at nagpupuri sa iyo sapagkat
ikaw ay mabuti at mapagmahal. Patuloy mo po sana kaming
lingapin sa taong ito at sa mga taon pang darating. Iniaalay
po namin sa iyo ang aming piso, kaluluwa at isip. Patuloy
niyo kaming ilayo sa lahat ng masasama, sa mga masasamang
aking laging nakakasalamuha at sa mga masasamang hindi po
namin nakikita. Kami po ay inyong gabayan at protektahan sa
lahat ng kapahamakan at sakit. Ako po'y patuloy na humihingi
ng kapatawaran para aking mga kasalanan at kalokohan, mga
bagay na hindi magandang nasasabi sa aking kapwa at
pagpapakahulog sa tukso. Panginoon, patawad po sa lahat ng ito.
Ang lahat po ng ito ay akin pong lubos na pinagsisisihan. Ang
iyong kalooban nawa ang siyang maganap sa aming buhay, Amen."
Tumayo siya sa kanyang pagkakaluhod at hinipan ang kandila, kinubkob ng aroma ng upos na kandila ang kwarto niyakap ng usok ang salamin na tinatamaan ng sinang ng kanyang dilaw na ilaw. Naupo siya panandali sa gilid ng kama at huminga ng malalim at bakas pa rin sa kanyang mukha na desidido siya kanyang mga pagbabagong naisi isakatuparan pagtawid ng bagong taon. Maya-maya ay kinatok na siya ng kanyang mga kamag-anak mula sa hagdanan para yakagin sa pagsabay at pagkain ng Media Noche.
Razorback - Nakaturo Sa 'Yo
Masarap ang kanyang pagkahimbing sa unang araw ng taon. Sinilayan ang kanyang mukha ng sinag ng araw na nanggagaling sa puwang ng kanyang bintana. Bagong taon, panahon ng pagbabago. Inalala niya ang lahat ng kanyang binigkas na panalangin. Maingat niyang sinalubong ang unang araw ng pahina ng kanyang pangako. Mga pangakong isasakatuparan sa araw-araw, hindi lang bukas, hindi lang kahapon. Bawat araw nais niyang ingatan na parang salamin na hindi mababasag, walang bahid ng dungis at bitak.
Maraming araw na gusto niyang imbentuhin ang sarili sa paggawa ng kabutihan at pagiging mahabagin sa kapwa man o sa hayop. Ginagawa niya iyon para sa ipinangako niya sa Diyos sa gabi ng paghihiwalay ng taon. Hindi para sumikat, o gustuhin ng tao. Nais niyang linisin na ang kanyang kaluluwa, hindi siya magpapadala sa mga bulong na naririnig ng kanyang tainga para bumalik sa kawalan at kaguluhan ng pagiisip.
Ika-sampung araw ng bagong taon maaga siyang nakatulog sa kanyang kwarto. Mahimbing ang kanyang pagkahimlay nang bigla na lamang siyang napabalikwas at nagising sa kanyang kama na nagbubutil-butil ang pawis habang patuloy ang ugong ng eletric fan na tumatama sa kanyang katawan ay siya naman pawis na bumabagsak sa kanyang noo, leeg at kili-kili. Nanaginip siya ng hindi maganda. Panaginip na hinihimok siya sa dati niyang gawain. Umupo siyang muli sa gilid ng kama at inabot ang kanyang cellphone sa tokador nais niya munang maglibang at tumungo sa social media upang manood ng kaunting mga bidyo para maglibang gamit ang kanyang data pandandalian kung sakalin antukin muli.
Marilyn Manson - Tourniquet
Nakita niya ang bidyo na tungkol sa pagbabago. Inilahad sa bidyo na kanyang nakita na umaatake ang demonyo sa tuwing gustong magbago at hindi ka lulupigin ng diyablo kung madalas ka nang gumawa ng kasamaan. Naalala niya ang kanyang panaginip, mga babae. magagandang babae, makinis, malamyos ang tinig ngunit marurumi ang mga sinasabi at kahit sinong kalalakihan ay kayang matukso sa mga winiwika ng mga ito. Ang isa ay blonde, may magandang katawan yapit ang skirt na maikli sa makinis at maputing hita. Ang ikalawa ay kulay abo ang buhok, may maaamong tsinitang mata, matangos ang ilong at naka bikini na bumabakat ang guhit ng kanyang pagkababae at ang ikatlo ay morena ang kagandahan niyang parang diwata na walang damit pantaas, nakasuot ng fitted na pantalon at ninanamnam nito sa paghawak ang kanyang dalawang prutas habang gumigiling sa mata ni Armando.
Unti-unti silang lumalapit sa kanya, umuungol, gumigiling at sinasambit sa lalake na, "bumalik ka na sa amin, halika na sarapan natin ang bawat gabi", oooohhhhhh!" Nang hahalikan na siya ng tisinitang babae ay doon napabalikwas si Armando sa kanyang higaan.
Ayaw na niyang bumalik sa pagiging adik ng pornograpiya ngunit pilit siyang hinahatak pabalik mula sa mga panaginip, mga bulong, at social media. Alam niyang malakas ang kanyang kalaban pero mas mahalaga para sa kanya ang mga binitawan niyang salita sa Diyos na hindi na siya muling makikipaglaro sa libog, kademonyohan, at kababuyan ng mundong ito sapagkat simula sa gabing iyon ay isinuko niya na ang sarili sa Panginoong Diyos at alam niyang hindi siya pagagapi sa kahit anumang tukso ang daanan niya sa buong taon. Ang bawat araw ay itinuturing niyang huling pagkakataon upang makamit ang langit at higit sa lahat ang Diyos. Para sa ating lahat ay katulad din tayo ni Arman na nakikipaghilahan ng lubid sa gitna ng kasamaan at kabutihan. Pakatatag sa paghila ng tali para sa tamang daan.
Comments