top of page
Search

Oda sa Wala: "The Macabre Fragrance of Nothingness"

  • Writer: Jack Maico
    Jack Maico
  • 36 minutes ago
  • 3 min read
"Habang tumatanda ka mas lalo kang nagkakaroon ng dahilan  para gawin ang mga bagay na akala mo di mo gagawin nung bata ka"
"Habang tumatanda ka mas lalo kang nagkakaroon ng dahilan para gawin ang mga bagay na akala mo di mo gagawin nung bata ka"

Kagabi habang ang sungit ng panahon ay patuloy na nananalanta sa Luzon ay sinubukan kong maghanap ng mga full movies sa YouTube. Ugali ko na rin kasi na maghanap ng pampaantok na pelikula bago ako matulog. This time gusto ko ng tagalog at inihatid nga ako ng Youtube sa isang pelikula na ang title ay, "Oda sa Wala". Na-curious ako sa title at nagulat din ako sa bida, si "Pokwang". Sabi ko sa sarili ko na mukhang ang napindot kong pelikula ay nakakatawa dahil kilala ang artista na si Pokwang bilang komedyanteng aktres sa Pilipinas. Mas lalo pang naging interesante dahil ang bungad ng pelikula ay tila hindi kakatawan. Mukhang mabigat, dark at gothic ang tema, pero sino ang bida? si Pokwang! Mas lalo pa akong nag-agree sa sarili na panoorin ang pelikula dahil ito pala ay indie film na pinalabas din sa ibang bansa sa 54th Karlovy Vary International Film sa bansang Czech Republic noong 2018. Inumpisahan ko na nga at natapos ang istorya. At nandito tayo ngayon sa ating blogosperyo para bigyang kritiko ang nasabing pelikula na bihira nating gawin dito sa Ubas na may Cyanide.


Ang oda ay karaniwang isang liriko o isang uri ng tulang awitin na nakasulat bilang papuri o dedikasyon para sa isang tao o isang bagay na nakakakuha ng interes o pagtuon ng makata o nagsisilbing isang inspirasyon para sa mismong oda. Sa Ingles ito ay tinatawag na "Ode".


Para sa aking ang Oda sa Wala ay isang malalim, mabigat, at tahimik na pelikula na sumasalamin sa matinding kalungkutan, pag-iisa, at ang desperasyon ng isang tao na maramdaman ulit na siya ay may halaga. Sa gitna ng dilim at katahimikan ng kwento, makikita ang isang uri ng pag-iyak na hindi sigaw kundi bulong—isang uri ng lungkot na walang luha pero mabigat sa dibdib.


Tampok dito si Pokwang bilang Melodina, siya'y isang matandang dalaga na namumuhay sa isang lumang punerarya na minana niya mula sa kanyang ama. Halos walang kliyente, walang kausap, at tila nakakulong sa isang nabubulok na espasyo, lumalalim ang kanyang depresyon. Isang araw, dumating ang isang hindi kilalang bangkay—isang matandang babae. Imbes na i-cremate o ibaon, piniling panatilihin ni Melodina ang katawan, na kalauna’y kinakausap niya, pinapaliguan, at tila itinuturing nang kaibigan o ina. Medyo weird di ba?


Habang lumalalim ang kanyang ugnayan sa patay na katawan, unti-unti ring lumalantad ang kanyang pinagmumulan ng lungkot: ang kapabayaan ng lipunan, ang pagkakait ng pagmamahal ng ama, at ang kanyang desperasyon na maramdaman muli na siya ay mahalaga.


Isang napakagandang sorpresa ang pagbibigay-buhay ni Pokwang kay Melodina. Malayo ito sa kanyang karaniwang comedic roles. Tahimik, pigil, at puno ng damdamin ang kanyang acting—tila bawat titig, bawat kilos, may dalang bigat at kwento. Isa itong career-defining performance na nagpapatunay na kaya rin niya ang malalalim at dramatikong papel.

The Cranberries - Ode To My Family

Unique din ang cinematogrpahy ng pelikula. Dalang-dala ng desaturated colors at claustrophobic framing ang bigat at lungkot ng lugar at specially punerarya pa ang setting. Ang bawat eksena ay puno ng espasyo pero walang buhay, na sinasalamin ang emotional state ni Melodina. Ang punerarya ay isang karakter sa sarili nito—bulok, malungkot, at puno ng alaala ng kamatayan.


Tahimik ang pelikula sa kabuuan, ngunit ang mga tunog—langitngit ng kahoy, lagaslas ng tubig, at ang tila huni ng hangin—ay nagbibigay ng tensyon. Wala halos musical score pero iyon mismo ang nagpapalakas sa epekto ng eksena. Ang mga pag-uusap ay maiikli lamang at mas mahaba pa ang mga tunog ng mga bagay na ginagawa ng mga karakter.


Ang “Oda sa Wala” ay isang tula para sa mga nakalimutan, sa mga hindi napansin, at sa mga pilit hinahanap ang kahulugan ng kanilang pag-iral. Ito ay alegorya ng kung paanong ang kakulangan sa pagmamahal ay maaaring magbunga ng kabaliwan. Sa kabila ng katahimikan nito, ang pelikula ay isang malakas na sigaw sa lipunan ukol sa mental health, pagkalinga, at ang sakit ng pag-iisa.


Hindi ito para sa lahat—sapagkat mabagal ang pacing ng kwento. Minimalist ang estilo, na maaaring ituring ng iba na “boring”. Mas dinig ko pa nga ang aking paghinga habang pinapanood ang pelikula dahil kadalasan sa mga scene ay tahimik. Malabo para sa mga naghahanap ng tradisyunal na kwento o resolusyon. Pero dahil kakaiba ang istorya ng pelikula at maganda ang presentasyon ng cinematography at disenyo ng produksiyon, binibigyan ko ito ng:


8 out of 10 para sa akin ang kanyang final rating.


Isang obra maestra sa indie Filipino cinema. Hindi ito para sa kaswal na manonood, kundi para sa handang harapin ang kalungkutan ng katahimikan. Sa Oda sa Wala, makikilala mo hindi lang ang kamatayan, kundi pati ang pagkamatay ng koneksyon, ng pag-asa, at ng sarili.


Oda sa Wala (2018)

Direksiyon: Dwein Baltazar

Bida: Pokwang

Genre: Drama, Pyschological, Art House


Kung gusto niyo rin panoorin, narito ang link sa Youtube:

 
 
 

Comments


Join my mailing list

© 2023 by The Book Lover. Proudly created with Wix.com

bottom of page