top of page
Search

Sa Huling Pagkikita

  • Writer: Jack Maico
    Jack Maico
  • Jan 7, 2024
  • 2 min read



Mahimbing pa ang tulog ng haring araw sa Scout Hill Drive, Camp John Hay noong huling sindi mo ng sigarilyo habang ako nama'y balot sa aking sweater dahil hindi ako sanay sa kalamigan ng panahon dito sa inyo sa Baguio. Mahigit isa at kalahating oras din tayong tumambay dito sa Tree Top Adventure. May mga saglit na katahimikan sa pagitan ng paghithit-buga. Paulit-ulit. Paulit-ulit. Mahabang kuwentuhan ng buhay kung anong ganap sayo, anon ganap sa akin. Mahigit dalampung taon simula nung tayoy mga uhugin pa bago tayo nagkitang muli.


Panandalian tayong tumanaw sa langit kita pa ang mga bituin ngunit unti-unti nang nilalamon ng liwanag ang kadiliman, masigla ang mga puno, kumakaway ng marahan ang mga dahon at mga sanga nito. Unti-unti na rin natin naririnig ang huni ng mga ibon na tila binabati tayo ng magandang umaga. At napakaganda nga naman ng umaga para sa dalawang magkababata na matagal na hindi nagkasama at pinagtagpo sa isa sa mga pinakaromantikong lugar sa Pilipinas.


Tila nagmamadali ang lahat - mga jeep, taong nagdaraan, ang pagbulusok ng liwanang ng daigdig. Tayo ay naiiwang nakaupo sa parke, nagbibilang ng mga minuto, ng oras bago magpasya.



Chase and Sierra Eagleson - "I Miss You" (Blink 182 cover)


Hindi man natin aminin sa isa't-isa, hindi na tayo babalik sa ganoong sitwasyon - nagpapalipas ng oras, namumuhay sa pagkaantala. Ang mga bagay-bagay, mga planong ipagpapatuloy ng ating kanya-kanyang buhay sa araw ng pagkikita ay siyang magtatakda ng ating bawat hantungan. Nung araw na iyon ay pinili nating magsulat tungkol sa mga sangandaan kahit na ang totoo'y ako lamang ang hindi mapakali, alinlangan at hadlang. Ako lamang ang walang sagot na sinabi mong aalamin mo "sa muli nating pagkikita." Nilisan natin ang bukang liwayway nang walang kaisguraduhan kung tayoy magkikita pa o hindi na.


Ilang beses din nating ibiniro ang kamatayan sa isa't-isa at sumang-ayon ang bawat kalooban na hindi ito maiiwasan ninuman. Nagtawanan tayo hanggang sa huling paglagok natin ng kape.


Sa huli, sa magkabilang panig ng daigdig tayo napadpad. Hindi natin kakampi ang tadhana. Nais ko lang na maalala na lagi kang masaya, katulad noong araw ng iyong pag-iisang dibdib sa napili mong kapareha. Gusto kitang maalalang nakangiti habang nangungumusta kasama ng kape (ang huling araw din na tayo'y nagkita). Espesyal ang Baguio. Salamat, Katrina.


 
 
 

Kommentare


Join my mailing list

© 2023 by The Book Lover. Proudly created with Wix.com

bottom of page