Sa Mahabang Tag-ulan
- Jack Maico
- Jan 4, 2024
- 2 min read

'Ang paggising sa alimpuyong ng malamig na hangin ay pakikipaglaban sa pagitan ng panaginip at lungkot'
Tahimik siyang nakaupo sa balkonahe ng kanilang tahanan sa probinsiya na kay-payapa. Balkonaheng natatakpan ng mga makakapal nang puno ng dahon ngunit pumapasok pa rin ang malambot na sinag ng haring araw. Nakataas ang mga paa sa isang upuan at naglalakbay ang diwa sa kapayapaan ng umagang tanaw ang kabundukan sa di kalayuan.
At ang kanyang mga hinagpis na sambit sa hangin:
Nanalangin ako ng mas mahabang tag-araw yaring ang araw na nawala ka. Kasabay ng paghimbing ng daigdig, dinalaw ako ng unang ulan ng Hunyo: nagpatibay ng kutob at nagbabala ng mas mahabang araw ng tag-ulan.
Mula noon, binubuksan ng hamog ang umaga at ikinakalat ang sikat ng araw sa bawat sulok ng kwarto, dingding, salamin at bintana. Ang paggising sa alimpuyong ng malamig na hangin ay pakikipaglaban sa pagitan ng panaginip at lungkot. Ang araw ay magtatapos nang may hamog sa mga daanan at bukirin at sinasakop ang siyudad tungong kadiliman. Hindi kita nakita.
Peryodiko - Tayo lang ang may Alam
Nagsimulang magpaulan ang kalangitan tuwing tanghali. Sisilip ang araw ngunit magbabalik ang ulan na nagpapahiwatig ng mas matagal na pananatili. Lagaslas ng tubig mula sa alulod, patak ng ulan sa bubungan at amoy ng alimuom ang kaagapay na musika sa aking lumbay. Ang mahalumigmig na tanghali ay naging lamig na dati ay sa gabi lamang tayo binibisita. Hinahanda mo ang ating kumot kahit ito'y maikli ay pilit nating pagkakasyahin ang ating mga katawan na nagkiskisan para panatiliing mainit ang gabi. Mas mahaba na ang ulan kaysa sa araw, ang lamig sa init, ang lumbay sa saya.
Mistulang bumibigat na rin ang patak ng ulan sa hapon kasabay ng makapal na hamog na tinatakpan ang bukirin sa di kalayuan. Ang alas-singkoy naging pagluha ng langit. Naging ugali na ng kalangitan ang pag-iyak sa ganitong oras. Magtatapos ang buong araw na walang araw, ang dilim ay mas madilim sa iyong mahabang buhok. Ang kalamigan ay mas malamig sa yelo. Wala ka pa rin.
Nanatili ang mas mahabang pag-ulan sa gabi habang ang lahat ay namimilipit sa ilalim ng kanilang mga kumot. Ang kumot ay wala nang hatid na init. Mas humihigpit ang yakap sa aking unan. Mas nagkakaroon ng espasyo ang aking kwarto. Manhid na sa tunog ng ulan sa bubungan; hindi na siya bago.
Wala ka pa rin. Ang narito ay ang lamig na laging nakamasid sa aking balkonahe, kumakatok sa pintuan; nagpapahiwatig ng walang hanggang tag-ulan. Delubyo.
Comments