Valentine Phenomenon
- Jack Maico
- Feb 11, 2024
- 3 min read

Ngayon palang gusto ko na malaman ang weather forecast pagdating ng labing-apat. Umulan man o umaraw sa araw na iyon ay ayos lang. Magkaroon man ng bagyo, bahain man ng luha ang mga pusong naninibugho sa atensiyon at pagmamahal ay nakahanda ako.
Kung sabihin man ng PAG ASA na magsasabay sabay ang pagpasok ng Isang taong bagyo sa araw na iyon, di ako maniniwala pagkat nakilala kita sa panahong pwede ako. Pwede ako sa mga bagay na bubuhay na aking dugong matulog sa apatnapu't dalawang taon.
Hindi ko kailangan ng maaliwalas na panahon kung ang tanging gagawin mo lamang maghapon ay mag-like at magscrolldown sa mga Facebook newsfeed at pumuso sa wall post ng mga pinakamasasayang magkasintahan sa araw na ito. Nakangiti nga ang haring-araw pero napapaligiran ka naman ng magkakaparehas na nilalang na magka-holding hands. Kahit yung alagang love birds niyo sa bahay ay pinagbubulungan at pinagtsitsismisan ka na wala kang ka-pares.
Ngunit kung sakaling darating ka. Hinihiling ko kay Bathalang kahit bigyan na lamang ako ng kulog o kidlat. Kumportable pa rin ako sapagkat nariyan ka.
Mga larawan sa Dangwa noong Valentines 2023
Habang ako'y nasa ex-tasi ng aking imahinasyon, aking aasahan na rin na sana sa pagdating mo matapos na ang tagtuyot sa malamig na gabing ang Daiso from Japan pillows lang aking kayakap. Kasabay na rin ng pakikipag usap ko sa mga insekto, gagambang bahay at agiw na halos isang dekada ko nang kakwentuhan ng aking mga pagdaramdam, mga napagtagumpayan at kalungkutan. Sana'y ang huli ay siya nang huling pagtirik ko ng kandila sa aking yumaong pag-ibig. Isang libo at isang katanungan kada araw...handa na nga ba akong itayang muli ang aking kakisigan?
Pero baka masyado na akong natutuwa sa imahinasyong ito. Tama na. Ititigil ko na muna ang pagtagay sa sarili. Hanapin ang tansan ng pulang kabayong itong nakakapagpaligaya sa akin sa lahat ng aking imahinasyon. Tatakpan ko muna ang mga espiritung nang-aaliw sa aking imahinasyon sa sarili kong mundo kasabay din ng pagtakip muna sa kalendaryo ni Ivana. Preno muna at baka mali ang forecast natin sa ating nararamdaman. Mahirap sumugal kung ang paiiralin natin ay hanging nagmumula sa ating dibdib, mas mahirap din kung sa puwet. Lahat tayo nangangailangan ng warmth. Ngunit nababahala ako na baka ito maging cold front. Magkaiba ang inog ng mundo natin at pag nagkataon disaster ang dala nito sa buong sanlibutan.
김효린 Kimhyurin - Alone Again (Naturally)
At sa harap ng bintanang pupog ng tubig ulan na animo'y mga patak ng luha akoy naghihintay sa iyong pagdating. At sa puntong ito hayaan mo na lang na damhin kita mula sa malayo. Ituring mo akong bahaghari na magpapakita pagkatapos ng kalat-kalat at malawakang mga pag-ulan at pagkidlat-pagkulog na maaaring magdulot ng mga pagbaha at pagguho ng mga lupa.
Hanggat wala ka pa didistansiya na ako at hindi na mauulit muli ang mga panahong ako ay nagpadarang. Ititgil ko na ang mga mapanlinlang at malalaswang pahina mula Internet, ihihinto ko na ang panonood ng Girls Jumping on Trampoline at ng kung anu-ano pang panoorin na nakapagpapakiliti ng aking tralala. Manonood na lamang ako ng Disney channel para sa iyong pagdating at ikaw ay aking makikilala ay masaya ang ambiance.
Pero paano ko kikimkimin ang isang mala-habagat na pakiramdam ng pagiisa?
Sana nga'y dumating ka na at makilala ka sa panahong pwede pa ako. Patuloy na umaasa sa aking mga sana. Alam kong nasa malayo ka pa at nandito lang ako.
Single. Unattached. (Virgin.) Patiently waiting.
Comments