
Sa tuwing gusto kong mag-trip down memory lane pupunta lang ako dito sa aking munting tahanan ng blogosperyo, mananahimik at magiisip ng magandang maisusulat sa nais kong ihain na nostalgic na piyesang mababasa ng aking mga tagasubaybay. Habang namimili ng panregalo sa aking mga mabibigyan noong nakaraang Pasko ay bigla kong na-miss ang mga bagay na nakakapagpasaya sa aking nung bata. Kaya naman naisipan kong magsulat ng blog para dito. Nakakatuwang isipin na simple lang ang kaligayahan namin noon kumpara sa mga bata ngayon na sa tingin ko ay hindi na maaappreciate ang ilan sa mga ito.
Naaalala niyo pa ba yung pinakapaborito mong laruan na sa tuwing nababagot ka sa maghapon ay hahanapin mo lang ang laruan na yun at malilibang ka na, hindi man teknikal na laruan, maihagis lang, mapindot, mahipan o mahaplos ay nawawala na yung inip. Ganyan kasimple noon. Nasaan na kaya sila? Maaaring ang mga laruan na ito ay wala na, ang iba'y naiwan na kung saan sa tagal ng panahon, nawasak na ang ilan o maaaaring nabaha, ipinamigay o naiwan sa lumang bahay kung sakaling lumipat kayo ng tirahan. Sa blog na ito mararanasan niyong maging musmos muli at magkaroon ng kasiyahan sa damdamin upang maalala ang kasimplehan ng panahon noon.
The Youth - "Laruan"
POOR MAN'S LEGO OR PINOY LEGO

Makabuo lamang kasi ng kahit anong imahe sa lego na ito ay masaya na kami. Madalas na nabibili lamang noon sa sari-sari store. Kanya-kanyang creativity kung anong mabubuo mo sa laruang ito. Pero kadalasan dahil uso noon ang mga palabas na Bioman at Shaider madalas kaming nakakabuo ng spaceship. Babylos!!
ELISI

Isa sa mga klasik na laruan ng batang 90s. May sisimple pa ba sa laruang ito kung saan ikikiskis mo lang sa mga palad mo at hahayaang lumipad ang mala-helicopter na laruan. Wag lang sasabit sa puno ng alatiris ni Aling Meding.
HAW FLAKES

Minsan ang mga pagkain namin nagiging laruan din. Lord, patawad po bilang na musmos pa ang kaisipan. Ginagawa namin itong role play at nagpapanggap si Estong na pari at ginagawang ostia ang haw flakes ang iba naman pipila para kunyari kumuha ng komunyon at sambit naman ni Estong, "katawan ni Kristo". Sagot naman nila ay "macho". Kaya kapag nakita ito ng matatanda sa amin lintik na sermon ang aabutin namin sabay sumbong sa mga magulang. Uwi!
PAPER DOLLS

Ay eto, hindi ko masyado ma-explain sa inyo kasi hindi naman ako naglalaro nito pero yung mga kababaihan noon na nakikita ko na naglalaro nito ay minsan ginagawaan pa ng table, bed at kabinet na yari sa kahon ng Baygon katol at nakakagawa sila ng dollhouse. Ito ang poor girls Barbie Doll noon.
TAU-TAUHAN

Marami ako niyan. Nagkaroon ako ng koleksiyon nito na nakaimbak sa kahon ng Chivas Regal na hiningi ko kay Lolo noong bagong taon ng dekada otsenta para may lalagyan ang aking mga pamato sa tatching. Alas-kuwatro na, tatching na boy! Minsan naman kapag boring ang mga tau-tauhan ay nagagawan ko ng kwento o role playing at ako mismo ang bumoboses nagiging aktor at aktres sila sa sarili kong mundo.
POLO CANDY

Aba! Marunong ka dapat sumipol kung meron kang candy na ganito. Pero medyo mahal to noon lalo na yung isang mahabang pack. Mint ang lasa. 80% sipol, 20% tunawin sa laway bago ubusin.
SLAP BRACELET

Kausuhan yan noong elementary eh. Ito yung bracelet na parang ruler na kapag pinalo sa kamay tutupi at magpopormang bracelet. Kahit masakit paulit-ulit naming ginagawa.
NIDO TALES OF THE WORLD BOOKLET

Isa sa mga magandang kolektahin noon na hatid na gatas na Nido. Laking Nido ka ba o Birch Tree? Tuwing nagogrocery kami sinisigurado kong updated yung bibilhin namin at mayroong nakasulat na may free booklet ng Nido kasi masarap siyang basahin at pandagdag kaalaman na rin. Ito ay mga kuwentong alamat na nakasulat sa Ingles.
TOY CAR CANDIES

Maraming talagang pagkain noon na may instant toy ka na may pagkain ka pa. Another poor man's matchbox car na yari sa kahon. Masaya na kami niyan.
SARANGGOLA

"Matayog ang lipad ng Saranggola ni Pepe", ito ang mga katagang aming kinakanta sa tuwing nagpapalipad kami ng saranggola sa bukid tuwing hapon. Meron pa bang nagpapalipad ng saranggola sa panahon ngayon? Mukhang wala na siguro meron pa pero sa mga probinsiya na lamang. Yari lamang sa walis ting-ting ang saranggola namin na binalutan ng lumang diyaryo, pisi, glue ay pwede ka nang makagawa ng instant saranggola.
JACKSTONES

Ang sabi nila laruang pambabae lang daw ang Jackstones. Hindi ako naniniwala dahil kaming mga kalalakihan pa sa batang 90s ang magaling mag exhibition pagdating sa larong ito. Sige nga iharap niyo sa amin kung sinongmagaling diyan mag around the world, falling star, double falling star at triple dots! Kapag medyo boring sa hapon nilalaro namin ito ng aking mga pinsan.
YOYO

Alas-kwatro palang ng hapon lalabas na yan si Bokyo sa bahay nila hawak-hawak ang kanyang Coke na yoyo habang ako namay nakasilip sa aming balkonahe. Hudyat na yun para ilabas kona rin ang aking neon green na yoyo. Paligsahan na naman ng mga yoyo boys na may kanya-kanyang tricks. Sige nga isang walking the dog nga diyan! Super sikat ng laruan na to noong dekada nobenta at nagkaroon pa nga ng mga pakontes nito sa TV. Pantanggal buryong sa hapon.
TRUMPO

Labas mga Tropang Trump diyan! Isa sa mga tanyag na laro ang trumpo na yari sa kahoy. Maaaring biluhaba, bilog o kono at may nakausling pako na siyang nagpapaikot dito. Para mapagalaw at mapaikot ang trumpo gumagamit ng pisi na nilagyan ng pinitpit na tansan sa kabilang dulo. Ang tansan ang nagsisilbing pansagka upang hindi mabitiwan ng manlalaro ang pisi. Binibilutan ng pisi mula sa pako hanggang sa kalahati ng kahoy at pinakakawalan upang umikot ang trumpo. Ang layunin ng laro ay mailabas sa iginuhit na bilog ang trumpo ng taya. Sakaling hindi ito magawa may pagkakataong makaganti ang taya sa pamamagitan sa pagsilo sa trumpo ng kalaban.
TEDDY BEARS

Mawawala ba naman sa ating mga laruan ang teddy bears. Ito na nga ata ang pinaka sentimental sa lahat. Dito ka natuto mag-alaga ng parang buhay na tao, ang lagi mong kayakap sa gabi, katabi matulog at minsan na rin katabing kumain. Nagiging sentimental dahil sa pagtanda mo naaalala mo yung mga memorya ng pagiging bata kasama sila na ngayon ay hindi mo na alam kung nasaan na sila ngayon. Maaaring naitapon mo na o naipamigay sa mga sumunod na henerasyon.
Ilan lamang ito sa mga laruang ating kinalakihan noong panahon natin. Hindi pa uso ang Internet at mga teknikal na laruan na ginagamitan na ng de baterya o de-kuryenteng gadgets. Hindi na simple ang mga laruan ngayon. Kahit wala kaming mga gadget noon ay naitatawid namin ang pagkaburyong sa mga simpleng laruan at gawain. Nagkakausap, nagkakasiyahan at nagtatawanan sa mumunting mga laruan na aming pinagsasaluhan.
Ikaw, simple pa ba ang mga laruan mo ngayon?
Comments