Dirty Laundry: Planggana at Pag-ibig
- Jack Maico
- Jan 10, 2024
- 3 min read

Ang bukambibig ng karamihang bruskong lalake ay nakakasira daw sa pagkalalaki nila ang paglalaba. Teka lang naman kung susuriin nating mabuti, hindi ba ang modelo ng paglalaba sa isang pamosong sabong pang-laba ay bruskong lalaking kalbo na naka-shades. Nakakahiya naman ata kay Mr Clean.
Lalake ako (di nga la ng brusko) pero.......gabi-gabi ako naglalaba at sinasakripisyo ko ang hindi makapanood ng inaantabayanan kong mga teleserye sa telebisyon matapos ko lamang ang aking pagkukuskos-piga. Ang bida sa aking prime time ay ang aking mga maruruming damit, salawal, brip at (bra).
Heto ako ngayon may sariling telenobela kasama ang mga palanggana, sabong panglaba, laundry softener, palo-palo at brush. Nagkukusot under the sky full of stars (ika nga ng Coldplay) habang ramdam kong bumibigat ang aking pakiramdam dahil bumabalik ang iyong mga alaala. Pakiwari ko'y ayaw na kitang isipin pero tila mas malakas ang pagbulusok ng iyong mga alaala kesa sa tapang ng amoy ng aking Zonrox, hindi ang amoy ng Zonrox na nasa isipan mo wholesome ang blog site na ito, ito yung likidong nagtatanggal ng kahit ano mang marka ng dumi. Kung puwede lang lagyan ng Zonrox na ito ang memorya ng tao upang maalis na rin ang mga alaala ng mga nakaraan, ay gagawin ko. Pero hindi, pipilitin ko na lang na kalimutan ka sa isipan ko, at ibabaling ko na lang dito sa rubber ducky na lumulutang sa aking palanggana. Ganyan ako maglaba kailangang may nakikita akong nagpapalibang sa akin, kasi nuon ikaw ang mistulang rubber ducky ng buhay ko habang nagkakatinginan tayo sa isa't-isa at bigla tayong nagkahawak ng kamay sa ilalim ng palangganang puno ng sabong bumubula. Iyun na ata ang pinakamatamis na sandali na nilikha ng tadhana para sa akin. Sa bawat kuskos at piga ikaw ang nakikita ko sa malinis na tubig sa kabilang palanggana bilang aking pang-banlaw.
Hindi ko ipinagyayabang na magaling akong maglabada. Dati konting babad at konting kusot lang ayos na. Pero ang lahat ng iyan ay nagbago dahil gusto kita makalimutan, naging makakalimutin na ko, bumagsik ang aking pagkukusot na animo'y na possessed ako ni evil Mr. Clean at halos mabura ko na ang mga print na disenyo sa aking mga t-shirts, kasabay ng aking pagpapalo-palo na tila nagchochop-chop ako ng kinatay na baboy sa palengke. No holds barred! Out of control! Total chaos na ang mga makakapal na bula sa pader dahil sa pagka-poot na damdamin na aking nararamdaman. Ito rin ang dahilan ng pagkakaluwang ng garter ng aking mga karsunsilyo, brip at medyas. Dahil pa rin ito sa'yo.
Coldplay - Shiver
Sa gabi malamig ang tubig at malakas ang current sa gripo. Malawak ang espasyo sa sampayan at yung mga langaw na lang na tumatambay sa gabi ang naroon. Ramdam ko sa kalawakan ang mundo, ang buwan na tila ngumingiti sa akin, ang pagningning ng mga bituin na tila ilaw ng kabaret ng Jackie Roll diyan sa may kanto ng Palico harap ng dating Puregold pero naging buy and sell na ng kambing, ang hagikhikan ng mga palaka at halakhakan ng mga kulisap, habang pinipigil ko pa rin ang pag-alab ng aking damdamin. Masipag daw ako. Hindi! hindi yan totoo. Ang di nila alam ang tubig sa aking palanggana ay parang dagat na nangangalit sa aking pagbanlaw. Walang tigil ang pagtilamsikan ng bula sa aking mga mata, sa aking damit, karsunsilyo at brip.
Sabi ng Nanay ko, gumamit na lang daw ako ng washing machine mas madali at mas mabilis patuyuin gamit naman ang dryer. Tama din talaga si ermat, pero ang mas nakumbinsi ako eh kung paano kabilis magpatuyo ng mga damit sa dryer. Sana dryer na lang ako, sa isang ikot, isang pihit, sa ikli ng oras na paghihintay ay tuyo agad ang puso kong nilunod mo sa ating palanggana ng ating pagiibigan. Sana pangga ay dryer na lang ako.
Ayaw na ayaw ko na ipaglalaba ako ng iba, labhan mo na lahat wag lang ang mga pag-aari ko. Gusto kong ako ang trumabaho sa aking mga dumi, putik, libag, libog, galit at iba pang mga paninibughong kumapit sa aking mga damit. Ang isang banlawan ay hindi sapat para mahugasan ang animo'y samu't saring nararamdaman.
Bahala na kinabukasan, naging marahas man ang aking pagkukusot-piga, nahamugan man ako ng mapang-asar na buwan, nangulubot man ang aking palad, nangilid man ang aking luha dahil sa bula. Alam ko, sa muling pagsikat ng haring araw kinabukasan hatid nito ang init na papawi sa kung anong lungkot meron ang aking mga sinampay.
Comentarios